Mygz, inalala ang mga huling araw ni mahal

Mygz.

Madamdamin ang mga pahayag ni Mygz Molino sa kanyang huling vlog na ipinost  kamakalawa lang. Inilahad ng indie actor ang mga huling araw ni Mahal, nung nagkasakit na ito.

Mahigit 25 minutes ang haba ng vlog na pinamagatan niyang Kalagayan ni Mahal Bago Mangyari ang Di Inaasahan.

Madamdamin din ang mensaheng ipinarating niya kay Mahal na nasa caption ng vlog na ‘yun. “Paalam Mahal, salitang napakahirap sabihin na sa isang iglap ‘di na kita mahahawakan at maririnig ang iyong munting halakhak na siyang nagbibigay saya, hindi lang sa akin kundi sa lahat ng iyong mga supporter.

“Ang sakit isipin na wala na rin ang Mahal na tatawag sa akin ng Attorney. Wala nang Mahal na akin pinagsisilbihan, paghahandaan ng pagkain at alalayin, bibihisan at sasabihan ng Good Morning kasabay sa katuwaan, kasiyahan at kalokohan. Walang Mahal ang mangungulit sa mga panahong stress ka. At wala ng Mahal na masusubaybayan ang pangarap na gustong marating. Mahal na mahal kita sapul ng Molino family. PAHINGA KA NA.”

Kuwento ni Mygz, ilang araw bago isinugod sa hospital si Mahal, medyo matamlay na raw ito dahil nami-miss daw niya ang namayapa niyang ama. “Masyado po kasing dinamdam ni Mahal ‘yung pagkawala ng Papa niya. That time po kasi nandun pa sa bahay nina Mahal ‘yung abo ng Papa niya. ‘Yung pagkawala po ng Papa niya, hindi siya nakauwi kasi lockdown po sa NCR.”

Nakikita raw nilang masaya lang si Mahal, tawa nang tawa, pero ramdam daw niyang malungkot talaga ito. “Lagi  n’ya pong iniisip kung ano ang gawin niya sa Papa niya, sa pagtulong sa kanyang pamilya. Naging matamlay po siya nung mga panahon na ‘yun.

“Although, kapag kasama namin siya tumatawa naman po siya, pero deep inside may dinadamdam po,” dagdag niyang pahayag.

Nagsimula lang daw sa ubo ang naramdaman ni Mahal noong Aug. 26. Pinainom daw niya ng Lagundi syrup, dahil ‘yun daw ang hiyang na gamot ni Mahal. Nakatulog daw hanggang kinabukasan. Pero pagkalipas ng ilang araw, nilalagnat na raw ito. Hanggang sa lumalala na raw ang pakiramdam ni Mahal, at hirap na raw itong huminga.

Kasama ang manager ni Mahal na si Jethro, dinala na raw nila sa hospital, dahil sa hirap na itong huminga. Wala raw pagbabago kahit naka-oxygen na ito. Pero hindi rin nagtagal, lumala na ang kalagayan ng komedyante at sinabi na raw ng doktor sa kanya na medyo nanganganib na ang kalagayan ni Mahal.

Hanggang sa bumigay na at sinabi na nga raw ng doktor na meron itong SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome. Mga symptoms ng COVID-19 ang nakikita na kay Mahal, na tingin niya nakadagdag pa raw ng stress ang pangungulila sa kanyang ama.

“Baka sa sobrang stress ni Mahal sa kaiisip sa kanyang Papa, ‘yun ang naging epekto sa kanya. Maging kompli­kasyon sa kanyang katawan,” sabi pa ni Mygz.

Kaya lalong nagdadalamhati si Mygz dahil hindi siya pinayagang pumunta sa burol, dahil kailangan niyang ma-quarantine ng dalawang linggo.

Hindi na niya sinabing negative o positive siya sa COVID, pero wala naman siyang nararamdaman nang nagba-vlog ito.

Patigil-tigil sa pagsasalita si Mygz dahil sa iyak na lang siya nang iyak, habang nagbibigay ng mensahe para kay Mahal.

“Wala na akong masabi kasi alam ko masaya ka na diyan sa inyo kasama Papa mo. Gusto ko lang magpasalamat sa ‘yo. Binigay mo na kasiyahan sa mga panahon na kasama kita. Salamat,” pahayag ni Mygz.

Sa loob ng isang araw na na-upload ang vlog na ‘yun sa YouTube channel ni Mygz, mahigit 2.6M na ang views nito at pawang pakikiramay ang mga mensaheng ipinarating sa kanya.

Guesting ni Rabiya, hindi pumalo sa rating!

Puring-puri si Rabiya Mateo ng buong staff ng The Boobay and Tekla Show nang mag-guest ito noong nakaraang Linggo.

Game na game raw ang Miss Universe-Philippines at magaling daw siyang sumagot, kaya type nilang maging Kapuso ito.

Pero wala pang announcement ang GMA 7 kung magiging Kapuso na ba siya.

Hindi lang gaanong mataas ang rating ng guesting niyang ito sa TBATS.

Naka-3.8 percent lamang ito. Pero halos lahat naman na programa ay medyo bumaba ang ra­ting. Parang mababa talaga ang viewership noong nakaraang Linggo. Maaaring nasa labas na ang karamihan at hindi na nagbukas ng TV.

 

Show comments