'Never forget': John Lapus nagparinig matapos i-anunsyo 2022 presidential bid ni Pacquiao

Litrato ni Sen. Manny Pacquiao (kaliwa) at actor-comedian na si John Lapus (kanan)
Litrato mula sa Instagram accounts nina Manny Pacquiao at John "Sweet" Lapus

MANILA, Philippines — Hindi napigilan ng aktor at komedyanteng si John Lapus ang sarili matapos ianunsyo ang kandidatura ng isang boxer-turned-senator bilang standard-bearer sa 2022, na dati nang naging kontrobersyal dahil sa kanyang komento sa mga bakla, lesbyana, bisexual at transgender community.

Itinaon ni Lapus, na kilala rin sa pangalang "Sweet," ang paglalabas ng saloobin matapos pangalanan ng isang paksyon ng PDP-Laban si Sen. Manny Pacquiao bilang kanilang kandidato sa pagkapangulo sa susunod na taon.

"Mga bakla! Wag kalimutan, sinabihan tayo nyan ng 'Masahol pa sa Hayop,'" wika ni Lapus, isang miyembro ng LGBT community, sa kanyang Twitter account nitong Linggo.

Pebrero 2016 nang maging viral ang isang video interview ni Pacquiao kung saan kinukundena niya ang kasalanan sa likod ng same-sex marriage.

Aniya kasi, ginawa lang ang babae para sa lalaki at ang lalaki para sa babae — hindi para sa kapareho ng kasarian o sekswalidad.

"As Christian, bawal naman yung same-sex marriage. Ginawa ang babae para sa lalaki, ginawa ang lalaki para sa babae. Kasi para sakin ito lang, common sense lang, makakita ka ba ng any animals na lalaki sa lalaki o babae sa babae?" sabi ng senador na noo'y kinatawan pa lang ng Sarangani.

"Mas mabuti pa yung hayop, marunong kumikilala kung lalaki o lalaki, [kung] babae, babae. Oh diba? Ngayon kung lalaki sa lalaki o babae sa babae eh mas masahol pa sa hayop ang tao. Ang hayop lang, hindi talaga puwedeng magsama ang lalake sa lalake."

 

 

Dati nang umani ng batikos ang nasabing pahayag ng "Pambansang Kamao," hindi lang mula sa gay actor at host na si Vice Ganda, kung hindi na rin mula sa mga international personalities gaya ni Perez Hilton.

"Manny, di ka namin mapipigil kung gusto mong husgahan ang mga bakla sa mundo. Siguraduhin mo lang na di ka namin makakasalubong sa impyerno," sabi noon ni Vice.

'Pagkundena sa kasalanan, hindi sa LGBT'

Agad namang dumepensa si Pacquiao sa mga kritismong nakuha kaugnay nito, bagay na sinagot naman na raw niya rati.

Kung pakikinggan ang kabuuan ng naturang 2016 interview, inilinaw naman daw niyang hindi niya layong atakihin ang mga kasapi ng LGBT community, ngunit ang same-sex marriage lang dahil sa pagkakasala raw ito sa Panginoon.

"Mainit kasi masyado 'yung statement ko na 'yan. Ang sinasabi ko palagi, hindi ko kino-condemn 'yung mga gay, mga LGBT," sambit ng senador kahapon sa panayam ng aktres na si Toni Gonzaga sa kanyang vlog.

"May mga pamangkin akong LGBT, ang dami kong mga LGBT na workers sa bahay ko, kahit 'yung sa mga kapatid ko. As a person, hindi mo sasabihin na galit ka sa kanya, kinokondensya mo siya."

"Who am I to judge the person, 'di ba? Lahat tayong tao, kawangis ng Panginoon."

 

 

Kilalang relihiyoso't Kristiyano si Manny, na pinalaki sa paniniwalang Katoliko.

'Di kalaunan, nagpa-convert ang bukod-tanging eight-division world boxing champion patungong Protestantismo.

Matagal nang inilalaban ng LGBT community at kanilang mga kaalyado ang same-sex marriage. Gayunpaman, hindi pa rin ito kinikilala ng batas ng Pilipinas, isang predominantly Catholic na bansa, hanggang sa ngayon. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5

Show comments