Sa kauna-unahang pagkakataon ay naikwento ni Congresswoman Vilma Santos-Recto sa publiko na mayroon siyang hindi magandang nagawa noong kanyang kabataan.
Naibahagi ito ng actress-politician sa pamamagitan ng isang Facebook Live ng anak na si Luis Manzano.
Nasa grade 4 pa lamang daw noon si Ate Vi nang saksakin ng lapis ang isang kaklaseng lalaki. “Kasi babae at lalaki sa school. Inaasar ako, seatmate ko, asar nang asar sa akin. Kung anu-ano ang sinasabi, talagang nanggigil po ako, sobra. Napikon na ako talaga. Ang ginawa ko no’ng recess, huwag n’yo pong gagayahin dahil masama, hindi ko ipinagmamalaki. Sa galit ko, inabangan ko no’ng recess. Nakasabit sa monkey bars, nakatapat ‘yung mata ko sa paa niya, talagang tinusok ko talaga ng pencil. Na-office po ako, huwag n’yo pong gagawin, hindi maganda. I’m sorry, huwag n’yo pong tularan,” natatawang kwento ni Ate Vi.
May bulung-bulungan ngayon na posibleng tumakbo bilang Senador ang actress-politician sa susunod na taon. “Isa ho sa mga kino-consider ko ‘yon. Kaya lang pagbigyan n’yo ako kasi there are lot of things na kailangan pong bigyan ng konsiderasyon. Pwede ho akong mag-file ng candidacy sa pagtakbo ko sa Senado. Or pwedeng mag-retire na rin po ako sa politics. Pero alam kong marami pa akong pwedeng i-contribute at magawa. Kasi hindi ako pwedeng umikot sa Pilipinas para maharap ko ‘yung iba’t ibang kababayan natin para maipaliwanag ko ‘yung mga programang pwede ko pang gawing batas. Siyempre hahanapin ka pa rin physically. But with the present situation ng covid and the variants, it’s kind of scary. Baka mamaya po gusto n’yo akong lapitan, tapos may hihila sa inyo, ilalayo kayo sa akin. ‘Yon ang hindi ko ko po kaya. Kasi hindi pwedeng akapin, hindi pwedeng halikan, hindi pwedeng makipagkamay. Pero gusto ko po kayong puntahan, gusto ko po kayong harapin, gusto ko ho tayong mag-usap. Lalo na nagtiwala kayo sa akin sa napakahabang panahon. Help me pray,” sabi ni Ate Vi.
Lester Llansang delivery rider na ngayon
Limang taong napanood sa FPJ’s Ang Probinsyano si Lester Llansang. Ngayon ay walang proyekto sa show business ang aktor kaya nasubukang maging delivery rider. “Talagang pinag-isipan ko siya nang mabuti. Okay siya, hindi gano’n kalaki ang kinikita pero kung masipag ka at talagang raratratin mo ang biyahe araw-araw at dadamihan mo sa isang araw ang biyahe, okay naman siya. Napanghinaan ako ng loob kasi hindi pala gano’n kadali ‘yung trabaho ng rider. Nakakatuwa kasi nare-realize ko ‘yung hirap ng rider na ganoon pala. Kaya pala ‘pag hindi mo na kinukuha ‘yung sukli na limang piso, ganoon sila magpasalamat,” pagtatapat ni Lester.
Nagsimula bilang isang child actor at ngayon ay mahigit tatlong dekada na sa industriya si Lester. Nakaranas din ng depresyon ang aktor dahil sa matinding kalungkutan noon. “Dumaan ako sa depression, anxiety. Pero hindi ako umamin. Sabi nga ng girlfriend ko, ‘Aminin mo na lang sa sarili mo na nandiyan ka sa satage na ‘yan.’ Pero ayoko siyang tanggapin. Alam mo ‘yung feeling na wala kang silbi, wala kang kwenta, wala kang ginagawa. Umabot ako sa gano’n pero hindi naman umabot sa gusto kong magpakamatay,” Pagbabahagi ng aktor. Reports from JCC