Kung titingnan daw ang isang female personality na nasangkot sa isang kontrobersiya ay parang walang nangyayari. Parang walang intriga sa kanyang buhay.
Napaka-cool daw ng babaeng personalidad. Parang kaswalan lang ang dating niya. Kung ibang artistang babae raw ‘yun ay siguradong hindi na malaman ang gagawin.
Kuwento ng aming source, “Kunsabagay, e, dati na namang ganyan si ____(pangalan ng kontrobersiyal na female personality). Parang hindi siya affected ng mga controversy.
“Dapat nga yatang kumuha ng seminar sa girl ang mga kasamahan niyang artista, di ba? Kailangang matuto silang tanggapin ang mga intriga na parang wala lang!” unang hirit ng aming source.
Tahimik ang buhay ng female personality. Mas sikat siya sa balitang itinatago ang pagkakakilanlan kesa sa pinapangalanan. Pang-blind item ang beauty niya.
Patuloy ng aming source, “Di ba, matagal din silang naging magkarelasyon ng milyonaryong businessman? Bonggang-bongga ang buhay niya, natulungan niya nang husto ang pamilya niyang nasa probinsiya.
“Nakabili siya ng mga lupang sakahan, sangdamakmak din ang nabili niyang mga equipment para sa farming ng pamilya niya. At marami pa silang mga nabiling kalabaw!
“May kuwento rin na habang nagte-taping siya nu’n ng isang serye, e, nagrereklamo sa matinding traffic ang mga kasamahan niyang artista, pero siya, e, hayahay na hayahay, kasi nga, naka-chopper siya papunta sa trabaho niya!
“Pero wala tayong naririnig na kahit ano mula sa kanya, hindi siya nagdedenay, hindi rin siya nagko-confirm, tahimik lang siya!
“Ganyan na talaga siya kahit noon pa. Intrigahin man siya nang intrigahin, e, super-cool lang siya, kaya tahimik ang buhay niya!,” madiin pang sabi ng aming impormante.
Siya ang itinuturong third party sa hiwalayan ng isang male personality at ng isang aktres. Diin na diin na siya sa mga komento ng bashers, pero wala pa rin tayong naririnig mula sa kanya, cool na cool lang si girl.
Konklusyon ng aming impormante, “Mukha ngang ‘yun ang pinakamagandang paraan sa pagtanggap ng mga controversy. Tahimik ka lang! Wala ka lang pakialam!
“Pabayaan lang mapagod ang mga Maritess! Parang ganu’n ang pinaka-effective na paraan, di ba? Nakakalokah!”
Ubos!
Pusong bato singer-composer rene alon, tinanggihan ng 45 ospital bago pumanaw
Apektado kami sa pagpanaw ni Rene Alon. Isang singer-composer na naman ang pinitas sa sanga ng mga Pilipinong mang-aawit.
Siya ang nagpasikat sa piyesang Pusong Bato na umani ng tagumpay. Kahit sipuning bata ay kinakanta-kanta ang ipinamana niyang kanta sa atin.
Palagi namin siyang nakakasama sa mga shows namin sa probinsiya, hinihingi kasi siya ng mga kababayan natin, iba ang ipinunlang interes ng mga Pinoy sa kanyang Pusong Bato.
Wala siyang kaarte-arteng performer, hindi siya alagain, mahusay siyang makisama sa mga kapwa niya singers.
Bago niya kantahin ang Pusong Bato ay sasabihin niya muna, “Kayo po ang dahilan kung bakit kahit paano, e, napagbigyan ang pangarap kong maging recording artist.
“Bahagi po kayo ng tagumpay ng awiting ito, kayo po ang dahilan kung bakit nagmarka ang komposisyon kong ito. Maraming-maraming salamat po sa suporta at tiwalang ibinigay n’yo sa akin,” at saka siya magba-bow bilang senyal ng pasasalamat at pagpapakumbaba.
Kapag kinakanta na niya ang Pusong Bato ay nakikisabay sa kanya ang audience, kabisado nila ang liriko ng piyesa, tuwang-tuwa si Rene Alon kapag ganu’n.
Palagi niyang kasama sa mga shows namin ang kanyang misis at tatlong magagandang anak. Marerespetong dalaga, ibini-video nila ang pagkanta ng kanilang ama sa entablado, ipinagmamalaki ng magkakapatid ang tagumpay ng kanilang tatay.
Bukod sa Pusong Bato ay gustung-gusto rin namin ang kanyang komposisyon na Gitara. Sabi ng kanta, sa kanyang kalungkutan at mga paghamong dumarating ay meron pa siyang kayakap bukod sa kanyang pamilya—ang kanyang gitara.
Hindi kagandahan ang emosyon ng kanyang mag-iina sa pagpanaw ni Rene Alon. Ang sugat ay binudburan pa ng asin nang tanggihan ng mga ospital ang hirap na hirap nang humingang singer.
Apatnapu’t limang ospital ang inikutan nila habang nasa ambulansiya si Rene, pero walang kuwarto, wala pang oxygen.
Ang taos-pusong pakikiramay namin sa pamilya ni Rene Alon, sa kanyang mga tagasuporta at naalala namin, nang pumanaw ang kanyang kaibigang si April “Boy” Regino ay sinabi niya, “Napakabata pa niya para magpaalam. Hindi talaga natin hawak ang kinabukasan.”