MANILA, Philippines — Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Health (DOH) sa mga naulila ng pagkamatay ng isang kilalang singer-song writer, matapos mamatay habang tinatanggihan ng mga ospital sa punong-puno ng COVID-19 cases.
Binawian kasi ng buhay si Renee "Alon" dela Rosa, Miyerkules, matapos tanggihan ng nasa 40+ ospital at pag-antayin ng 48 oras sa ambulansya kahit negatibo naman sa COVID-19 antigen test at nangangailangan ng agarang serbisyong medikal.
"Ikinalulungkot po namin ang nangyari. Tayo po ay nananawagan sa ating mga hospital na ipagpatuloy ang ibang serbisyong medikal para sa ating mga kababayan," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Huwebes.
"The Department also refrained from adopting strategies that convert entire hospitals into full COVID-19 hospitals in order to ensure continuity of availability of services for non-COVID-19 cases."
Patuloy naman daw dinadagdagan ng kagawaran ang rekurso ng mga DOH-managed hospitals para patuloy na makapagserbisyo sa parehong COVID-19 at non-COVID cases.
Nananawagan din ngayon si Vergeire ng malapit na pakikipag-ugnayan ng mga local government units, Emergency Operation Centers at One Hospital Command Center para magabayan ang mga pasyente patungo sa nararapat na health facilities na kaya pang tumanggap.
Una nang sinabi ni Raquel Hernandez, maybahay ni Alon, na naka-oxygen tank ang huli dahil meron silang sariling dala. Gayunpaman, wala man lang daw inilapat na lunas sa kanya "kahit na first aid man lang o dextrose."
Sa isang panayam ng Inquirer.net, sinabi ni Justine dela Rosa, anak ni Alon, na namatay ang kanyang ama kahapon ng umaga sa Bernardino General Hospital.
Ibinuhos din ng iba pang kamag-anak ni Alon ang kanilang pighati sa nangyari, gaya na lang ang pamangking si Nadsla.
"REST IN PEACE sa Tito kung Legend. Salamat sa memories at sa pagiging mabuting kapatid ng Daddy. Iguide nyopo ni Lolo mga pinsan ko at ang buong family,"
"Renee 'Alon' Dela Rosa WE LOVE YOU."
Kilala si Alon sa pagsulat ng 2003 OPM hit song na "Pusong Bato," na siyang ni-record din ng mang-aawit na si Jovit Baldivino noong 2013.