MANILA, Philippines — Pumanaw na ang singer-songwriter ng tanyag na kantang "Pusong Bato" na si Renee "Alon" dela Rosa dahil sa respiratory complications, pagkukumpirma ng kanyang pamila't mga kaibigan ngayong araw.
Sa ulat ng ABS-CBN News, ibinahagi ng kanyang asawang si Raquel Hernandez na binawian ng buhay si Alon sa Novaliches District Hospital, 7 a.m.
"Naka-oxygen siya dahil may oxygen tank kami. Hindi namin matanggap na hindi siya nabigyan ng first aid man lang o dextrose," ani Hernandez, Miyerkules.
Umabot sa 30 ospital ang tumanggi kay Alon habang naghahanap ng emergency treatment ang kanyang pamilya sa loob ng dalawang araw.
Dagdag pa ni Racquel, nagkasakit si Dela Rosa noong nakaraang linggo. Nasiraan daw siya ng sasakyan, naulanan at sumama ang pakiramdam matapos kumuha ng mga saku-sakong bigas mula sa kapwa mang-aawit na si Fredie Aguilar, na siyang galing kay Sen. Manny Pacquiao.
Hinihintay pa rin ng pamilya ng 61-anyos na musical artist ang COVID-19 test results ni Alon magpahanggang sa ngayon.
'Nabigan ng kwarto noong huli na'
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang ilang kasaman niya sa showbiz at entertainment industry, lalo na't marami siyang na-touch na buhay gamit ang kanyang musika.
Ayon sa kompositor na si Lito Camo, isa siya sa mga huling nakausap ni Alon bago tuluyang manghina at mamatay.
"Nagulat na lang ako dahil tumawag siya sa akin, nag-video call siya kahapon. Then nakita ko na hinang-hina siya," sabi ng writer ng mga sikat na novelty songs sa "Tutok to Win sa Wowowin" ngayong hapon.
"Kanina, ang nakakalungkot lang, kung kailan naghihingalo na siya, tska lang may tumanggap na ospital."
Dagdag pa ni Lito, nawa'y maging aral na ito para sa marami na mag-ingat nang triple dahil "hindi natin hawak ang buhay natin kahit may pera tayong pambayad sa ospital."
Punuan ngayon ang marami sa mga ospital ngayon sa Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic. Nitong Sabado lang nang humataw sa 26,303 ang bagong hawa ng virus sa iisang araw lang, ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
"Talaga hong 32 ospital po ang pinuntahan. Talaga hong hindi dahil sa hindi siya tinanggap. Punong-puno po ang ospital hanggang sa emergency room, lahat po," wika ng komedyante at TV host na si Willie Revillame.
"Napakasakit po ng nangyayaring ito, ang nangyayari sa ating lahat."
Una nang sinabi ni Alon na hango sa tunay na buhay niya ang pinaghugutan ng awiting "Pusong Bato," matapos iwan ng dating minamahal.