K, ayaw na uling magtiwala ‘pag pera ang usapan!

K
STAR/ File

Matapos maloko ng contractor na kilang-kilala...

Ayaw nang masyadong magbigay ng detalye ni K Brosas sa isinampa niyang demanda sa contractor ng pangarap niyang bahay.

Minalasado siya ng nasabing contractor na hindi lang basta niya kakilala, ni-refer ng kumare niya kaya hindi naging madali ang pinagdaanan niyang stress at anxiety pagkatapos maglabas ng P7 milyon na inipon niya para sa nasabing bahay sa nabili niyang lupa sa Quezon City. “Hindi ko lang ito basta kinuha lang, mga ka­kilala ko talaga ito, kaibigan, lagi ko silang nakakasama. Ni-refer ito ng kumare ko,” sabi nito kahapon sa Zoom interview.

Pero ang talagang idinemanda niya raw ay ang main contractor at absuwelto si kumare.

Sa P7 million na ‘yun, 35 percent lang ang nagawa ng nasabing contractor.

Sa umpisa ay lagi siyang ina-assure na maaa­yos din ‘yun, pero in the end, nganga siya.

“One year na po akong nakikiusap, umiiyak, na kung hindi kayang tapusin, ibalik na lang ang pera pero wala po silang ginawa kaya napilitan talaga akong mag-demanda.

“Grabe ang stress na inabot ko rito. Alam ito ng mga kaibigan ko sa showbiz dahil  pag tinatanong  nila ako kung kumusta na ‘yung bahay na pinagagawa ko, umiiyak na lang talaga ako,” pahayag pa ng komedyana at TV host.

Nabayaran niya ito sa loob ng one year before pandemic, 2018, at supposedly noong 2019 pa ang turn over nito, pero walang nai-turn over.

Ngayon ay nagre-rent siya ng condo at townhouse.

Wala nang mapapakinabangan sa inabandonang 35% na ginawa sa kanyang P7 million. “Nang pumunta ako, talagang nanlumo ako.”

Aminado siyang nagtiwala lang siya nang todo. “Alam naman po ng mga kaibigan ko na masyado akong mabait. Pero ito, kailangan nang maging legal,” aniya pa sa Zoom interview.

At kasama sa natutunan niya sa nangyari, “Pagdating talaga sa pera, kailangan talaga tutok tayo. Maging kadugo mo man ‘yan, kaibigan, talagang kailangan tutok tayo. Hindi mo talaga masasabi.”

Na-realize rin niya na importanteng meron kang personal lawyer na titingin ng mga papasukin mong kontrata.

Ngayon lahat ng transaction niya, dumaraan na sa mga abogado.

At dahil sanay na siyang magsolo at matagal nang dumaranas ng anxiety disorder ang LOL and Sing Galing host, nakaya niya ang mga pinag­daanan ngayong pandemya.

Show comments