Dahil sa talent fee... sitcom ni John Lloyd sa GMA, malabo nang matuloy?!
May nasagap kaming kuwentong medyo lumalabo raw ang posibilidad na sitcom ni John Lloyd Cruz sa GMA 7.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, hindi raw nagtutugma sa budget.
Hindi lang idinetalye kung alin ang ‘di nagkakasundo sa budget, pero duda ng aming source na baka sa talente fee ng aktor.
Hindi naman ganun kalaki ang nagagastos sa isang sitcom, dahil puwede nang kumuha ng lesser stars basta meron ka lang dalawa o hanggang tatlong big stars.
Kaya abangan na lang natin kung matutuloy ito o hindi.
Wala pa naman tayong naririnig mula sa GMA 7.
Marami pa silang sinisimulang programa, at wala pa sa line-up ang sitcom.
Nagsimula ang kuwentong sitcom ni Lloydie nang in-announce ni Willie Revillame na siya raw ang magpu-produce ng sitcom para sa nagbabalik na aktor.
Binanggit pa nga niyang si Andrea Torres ang gusto niyang makatambal.
Pero nabago ang kuwento, dahil ang GMA na raw ang magpu-produce. Pero meron din kaming narinig na balak din daw itong i-produce ng Frontrow nina RS Francisco at Sam Versoza. Meron na nga raw nagtatanong kung kaya bang maghanap ng advertisements para sa sitcom na ito.
Pero ito na nga ang latest; baka hindi na raw muna itutuloy.
Ang isang narinig namin ay may binubuong sitcom ang GMA 7 na ididirek din ni direk Bobot Mortiz na pagbibidahan ng isa ring malaking sikat at kontrobersyal ding Kapuso actor.
Nakita ko nga sa social media ang Zoom meeting nila kasama ang aktor na ito, pero confidential pa raw at hindi pa puwedeng ikuwento lahat.
Pero excited ang sikat at kontrobersyal na aktor na ito dahil maaaring makakasama niya rito ang tatlong sikat at magaling na aktres.
Rayver, mas nakatutok sa pagho-host
Matutuloy na rin ang taping ng The Clash ngayon na kung saan makakasama na nila rito ang 30 finalists na bubusisiin ng regular judges nilang sina AiAi delas Alas, Christian Bautista at Lani Misalucha.
Excited si Rayver Cruz dahil hosting ang isa sa talent niyang talagang dinibelop ng GMA 7. “Nung binigyan kasi nila ako ng hosting project, ‘yun talaga sobrang kabado ako. Alam ko sa sarili ko na kaya ko, but nandun ‘yung doubts kasi paano ba ‘to, paano ang ganyan? Eh hindi ko naman ‘to ginagawa ‘di ba? Pero, nahasa nang husto dahil sa The Clash.
“Of course, there is ‘yung mga iba pang projects na talagang naghu-host ako. Masaya. Iba ang confidence level ko pagdating sa hosting, parang alam kong kayang-kaya ko na,” pahayag ni Rayver sa nakaraang virtual mediacon ng renewal niya ng kontrata sa GMA 7.
Medyo mas mahigpit lang daw ngayon ang mga ipinapatupad na safety protocols dahil sa mas mataas ang mga kaso, at may Delta variant pang kumakalat.
“Kailangan kasi safe ang lahat bago mag-resume ‘yung show eh. Last year nagawa naman namin na matapos ang buong show eh.
“Sigurado ko na mas upgraded pa at mas solid ang season 4,” pakli ni Rayver.
Kasama pa rin ni Rayver dito si Julie Anne San Jose bilang host, at ang Journey hosts na sina Ken Chan at Rita Daniela.
Paolo, may option sa pagkakamali?!
Ang dami nang nagpapahayag ng sariling opinyon sa pinagdaanan ngayon ni Paolo Contis, pagkatapos niyang mag-apologize sa publiko at aminin ang mga kasalanan niya.
Maganda ang ibinahaging homily ni Father Oliver Par ng St. Paul Parish na napanood ko sa Sambuhay TV Mass kahapon. Tungkol sa pagpapakumbaba at pag-alis ng pride para harapin ang kasalanan at paghingi ng tawad. Nai-relate ko ito kay Paolo na inamin ang lahat na kasalanan at inihingi ito ng tawad sa publiko.
Sabi ni Father Par sa Sambuhay TV Mass kahapon; “Sa tuwing kokomprontahin tayo ng ating pagkakamali, may tatlong option tayo na puwede nating gawin.
“Una, puwede nating tabunan ang ating pagkakamali ng isa pang kasinungalingan.
“Pangalawa, puwede nating aminin ang ating pagkakamali ng walang pagbabagong gagawin.
“At pangatlo, puwede nating aminin ang ating pagkakamali, pagpapakumbaba at magbago.
“Sa tatlong options po na ito, ‘yung pangatlo ang hamon sa atin ni Hesus, ang pag-amin sa ating pagkakamali, pagpapakumbaba at kahandaan nating puwedeng baguhin ang ating pagkakamali. Acceptance of truth, involves in humility ang restorative action. Kaya nga ang tinuturo lagi sa atin ng Bibliya, through repentance always leads to conversion.
“Ang totoong pagsisisi sa ating mga kasalanan ay lagi dinadala tayo sa pagbabago ng ating sarili.
“Bulag man sila sa kababaan ng loob natin, o ‘yung patunayan ang ating pagsisi, bulag man ang mga taong nakakakita sa atin, hindi naman bulag ang Diyos. Ang mata ng Diyos ay laging awa at pag-ibig.
“Nawa’y sa ating pag-uusisa sa ating sarili at nakita natin ang ating mga pagkakamali, matutunan nawa natin ang magpakumbaba at malaman at umaksyon sa anumang ating pananagutan; sa Diyos at sa kapwa.”
- Latest