Co-host sa isang noontime show muntik mabaldado...
Naglilider-liderang male singer-tv host ng programa may ginawang lokohan sa production number!
Sa isang kaharian ay totoong may umaastang tagapamuno, naghahari-harian, kahit wala namang karapatan. Ganu’n mismo ang nangyayari ngayon sa isang programa.
Araw-araw silang napapanood, nagpapasaya sila ng manonood, pero sa likod ng pagpapasayang ‘yun ay ang pagkainis sa naglilider-liderang male personality ng kanyang mga kapwa hosts at ng produksiyon.
Sobrang bossy kuno ang male singer-TV host, kung ano ang gusto niyang mangyari ay kailangang masunod, ginagawa na lang niyang tau-tauhan ang kanyang mga co-hosts.
Napakasipsip din kuno ng male personality sa kanilang producer, matindi siyang magpalapad ng papel, matakaw sa kredito ang lalaking TV host.
Kuwento ng aming source, “May matinding ginagawa ang male personality na ‘yun na malapit nang ikabaldado ng isa niyang co-host sa show. May production number sila na kunwari, e, lulundag at babagsak ang male co-host niya.
“Sinipa niya ‘yung babagsakang patung-patong na kahon nu’ng kasamahan niya. Natural, bagsak sa floor ang male co-host, umaaringking sa sobrang sakit!
“Ikaw ba naman ang bumagsak nang flat ang likod mo sa sahig, hindi ka na naman iiyak sa sobrang sakit? Malapit nang mabali ang tadyang nu’n pobreng co-host nagpadala siya agad sa ospital, grabe ang nangyari sa pagbagsak niya!
“Naghugas-kamay agad ang mayabang na lider-lideran ng grupo, inutusan daw siyang sipain ang kahon ng isang kasamahan nila. Nagkamali ng ituturo at sisisihin ang mayabang na male host, walang intensiyong makapanakit ng kapwa niya ang pinalalabas niyang may kasalanan, maganda ang puso ng taong ‘yun!
“Sinagot ng production ang brace ng nasaktang co-host, pero ang maangas na TV host, e, parang wala lang pakialam! Ganu’n siya kayabang!” mahabang kuwento ng aming source.
Matinding magpalutang ng kapangyarihan niya sa show ang male personality na dati’y binubulabog ng kanyang mga kasamahan sa paniningil ng kanyang pagkakautang.
“Nakasilip lang siya ng magandang opportunity, e, sumobra na ang kayabangan niya! Akala mo na siya kung sinong umasta, boss na boss ang kanyang datingan, kaya maraming nabubuwisit sa kanya!
“Walang forever! One day, balik na naman siya sa dati na mukhang kawawa, namamalimos ng trabaho para ma-maintain ang buhay niyang paboloso kahit hindi niya naman kayang panindigan!
“Ayaw niyang may kumokontra sa kanya, kung ano ang gusto niya, ‘yun dapat ang mangyari. Ano ito? Bakit, siya ba ang nagbabayad ng bills ng mga kasamahan niya sa trabaho? Maangas!” inis na inis na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Willie, ‘di dinidyos ang pera!
Nagmistulang trumpo nitong mga huling linggo si Willie Revillame. Mula sa Wil Tower ay dalawang linggo silang nag-show sa Puerto Galera. Sinamantala niya na rin ang pagbibigay ng ayuda sa mga lokal ng isla.
Pagkatapos ay balik na naman sila sa studio ng GMA-7, tuloy na naman ang pamamahagi niya ng tulong sa Wowowin-Tutok-To-Win, ginawan niya talaga ng paraan na hindi tumigil ang pagsahimpapawid ng kanyang programa sa panahong nakataas ang ECQ.
“Hindi naman bumubukol ang hirap. Lahat ng paraan talaga, ginawa namin. From Pampanga sa Clark, to Puerto Galera, awa ng Diyos, e, nairaos naman ng team namin ang mga shows.
“Napakalaki lang talaga ng ginastos ng production pero ayos lang, marinig ko lang ang sigawan ng mga tinatawagan ko, masayang-masaya na ako,” unang sabi ni Willie.
Para siyang malaking puno na maraming kulisap na nakakapit sa kanyang mga sanga at dahon sa dami ng kanyang tinutulungan. Pero mula sa puso ang kanyang mga ginagawa.
Ang pagmamahal niya sa kanyang mga katrabaho ay hindi nagsisimula at natatapos sa panahon lang ng serbisyo. Maraming staff niya ang nawala nang magbawas ang produksiyon.
Pero ang mga mananahi, make-up artist at mga production staff na nawalan ng trabaho ay binibigyan pa rin niya ng buwanang ayuda. Katwiran ni Willie ay anong trabaho pa ang makikita ng mga may edad na niyang dating kasamahan?
Hindi lang ‘yun. Maraming kababayan pa nating pinangakuan niya nang mahabaang tulong ang tinutupad niya. Pampagamot, pambili ng mga pangangailangan, hanggang sa pagpapalibing ay si Willie pa rin ang sumasagot.
Marami rin kaming kilalang butas ang mga palad sa pagtulong, pero ibang-iba si Willie, ang pera ay hindi niya dinidiyos kungdi inaalipin. Ang kanyang katwiran ay hubad tayong ipinanganak kaya hubad din tayong aalis sa mundong ito.
Komento ng isang kaibigan namin, “Everytime I watch Willie, all I see is his good heart. I don’t see anything bad in his eyes. Long life for someone like Willie who cares for everyone.”
Amen.
- Latest