^

PSN Showbiz

Sikat na personalidad na apaw ang tiwala sa sarili, Nakabantay sa mga like ng kanyang posts!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Hindi lahat ng mga taong nakakasalamuha natin ay maituturing na kaibigan. Mas maganda nang magkaroon tayo ng mga kaibigang iilan lang pero nandu’n ang katapatan.

Du’n sumasablay ang isang sikat na personalidad na madaling magtiwala, mabilis mahulog ang loob niya sa mga taong madalas niyang makasama, lalo na ang mga taong madalas na nakapaikot sa kanya.

Sikat na sikat kasi siya, natural lang na ang mga langgam ay palaging nagbababad sa asukal, pero mahirap malaman kung sinu-sino sa mga ito ang kanya talaga at nagpapanggap lang.

Kuwento ng aming source, “Nasa kanya na kasi ang lahat-lahat ngayon. Kasikatan, kayamanan, maligayang buhay dahil sa kanyang boyfriend. Wala na siyang hahanapin pa.

“Pero sa kanyang katayuan ngayon, e, dinadalaw pa rin siya ng insecurity. Marami pa rin siyang pagdududa sa sarili niya, marami pa rin pala siyang hinahanap,” unang kuwento ng a­ming impormante.

Babad sa kanyang mga social media account ang sikat na personalidad, laman siya palagi ng social media, maganda man o hindi ang dahilan.

Balik-chika ng aming source, “Kapag pala nagpo-post siya, e, binabantayan niya kung gaano na kalaki ang numero ng nagkagusto sa post niya. Talagang pinaglalaanan niya ng panahon ang pagtutok sa kanyang account.

“Kunwari, nag-post siya ng kuwento ng paglalambingan nila ng boyfriend niyang male personality, binabantayan niya ‘yun! Kahit kumakain sila, e, tatanungin niya ang isang kabig niya, ‘O, ilan na? Tumaas na ba? Gaano na karami ang nag-follow, ang nag-like, ano na ang number?’

“Kapag hindi masyadong maganda ang number, e, nalulungkot siya, bakit daw? Ano kaya ang dahilan? So, gagawa na naman siya ng panibagong post. Meron naman siyang papatutsadahan!

“Ganu’n na naman! Tanong na naman siya nang tanong kung marami nang nagki-click sa post niya! Masayang-masaya siya kapag nagte-trending siya! ‘Yun ang happiness niya!

“Sa katayuan niya ngayon, e, meron pa rin pala siyang hinaha­nap, insecure pa rin siya, kailangan niyang bantayan kung ano ang reaction ng publiko sa mga posts niya!

“Hindi maganda ang ganu’n, panatag at hayahay na dapat siya ngayon sa napakatinding biyayang meron siya! Hindi pa rin pala siya maligaya, gusto niya pa ring sakupin ang lahat, para maramdaman niyang super-sikat pa rin siya na inaabangan ng buong bayan ang lahat ng mga sinasabi at ginagawa niya!

“Sobra-sobra kasi ang paniniwala niya sa sarili niya! Hindi maganda ang ganu’n!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Mahal, malaki ang sakripisyo sa pamilya

Makulay na mahirap ang pinagdaanang buhay ng komedyanteng si Mahal bago siya pumanaw. Palaging una sa kanyang mga prayoridad ang kanilang pamilya. Lumaki kasi siya sa hirap, gusto niyang mabago ang antas ng kanilang kabuhayan, na natupad niya naman.

Nu’ng mga panahong kasagsagan ng popularidad nila ni Mura sa MTB ay nagkaroon pa ‘yun ng bonus na mga pelikula at programa sa telebisyon. Maigsi lang ang kanilang papel, mga undercover agents kunwari sila na nalulusutan ang mga kalaban dahil sa kanilang kaliitan, hindi kalakihan ang kanilang talent fee.

Nag-away nu’n ang tatay ni Mahal at ang kanyang manager, saan daw ba napupunta ang suweldo ni Mahal, ang dami-dami niyang trabaho pero maliit lang ang kanyang kinikita?

Sabi ng manager, “Siyempre naman po, bumibili rin kami ng mga damit niya, pasturyosa po ang anak n’yo, magagarang damit at sapatos ang binibili niya. Kumakain din po siya, marami rin siyang personal na kailangan, pero kayong pamilya niya ang inuuna ni Mahal.”

Sagot ng tatay ni Mahal, “Gaano na lang ba ang magagastos niya sa mga personal niyang gusto? Ang gown niya, isang yarda lang, sobra pa! Ang pagkain niya, parang kaing-pusa lang naman ang kaya niya!”

Umiyak si Mahal. Hindi lang niya masabi sa tatay niya, pero ang kanyang katwiran, dapat lang namang bumili siya ng gusto niya. Siya naman ang nagtatrabaho, siya naman ang nagpupuyat at nagpapakapagod, kaya gusto rin niyang maramdaman ang pinagpapaguran niya.

Maliit si Mahal pero malaki ang kanyang puso. Minsan nga ay wala siyang kapera-pera, kahit kasusuweldo lang, dahil pamilya nila ang kanyang inuuna.

Nu’ng matumal na ang kanyang trabaho ay siya pa ang tumatawag sa mga show promo­ters, iniaalok niya ang kanyang sarili para sa mga palabas sa probinsiya, para rin sa kanyang pamilya ang dahilan nu’n.

Naririnig nating humahagikhik nang napakatining si Mahal. Parang wala siyang problemang bitbit, parang para kay Mahal ay laro lang ang buhay at walang kalungkutan, pero sa likod nu’n ay ang pag-aalala niya sa kapakanan ng kanyang pamilya.

Minsan ay kinausap niya kami, may hawak siyang papel, “Mama, palitan mo na lang ito ng cash, kailangan ng papa ko, masyakit, walang pambayad sa ospital.”

Pink slip ‘yun ng suweldo niya sa ABS-CBN, labinglimang araw pa ang kailangan niyang hintayin para maging tseke at cash, pero kailangan na niyang papalitan para sa maysakit niyang ama.

SOURCE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with