Malaki ang naitulong kay JM de Guzman nang pagsusulat niya ng mga kanta upang makaiwas sa kanyang mga hindi magandang pinagdaanan ilang taon na ang nakalilipas.
Mayroon limang tracks ang nailunsad ng aktor na EP o extended play kamakailan. Kabilang dito ang Indigo’s Sky, By My Side, Cupid, Asa at Convalescence. Naisulat umano ni JM ang Convalescencee noong mga panahong nananatili pa siya rehabilitation center. “Para ka lang biglang gustong tumakbo at kumuha ng ballpen o kaya ng kahit anong panulat. Tapos bigla na lang siyang lumalabas. Sobra akong pensive, sobra akong reflective sa nangyari sa akin, trying to figure out why it’s happening to me that time. It’s a song about me, talking to myself. It’s storytelling, it’s expression. So sa tingin ko mai-inspire sila na if you are going through something, just find an outlet and express it. Isulat mo, it will help you reflect. Dig in, dig deeper doon sa mga sugat na nasa loob mo,” makahulugang pagbabahagi ni JM.
Noong una ay nagdalawang-isip pa ang aktor kung ibabahagi sa publiko ang mga naisulat na kanta. Para kay JM ay masyadong personal ang nilalaman ng kanyang naisulat para mabuo ang mga ito. “It’s too personal kasi. Unexpected talaga ‘yung paggawa, ‘yung pag-release,” giit ng binata.
Maymay, nakaramdam ng takot sa direktor
Magbibida si Maymay Entrata para sa Lurker episode ng Click, Like, Share na napapanood sa Kapamilya Channel.
Magsisimula na ngayong Sabado ang ikalawang season ng naturang digital series. Aminado si Maymay na nakaramdam siya ng takot sa direktor ng programa na si Manny Palo dahil sa pagiging istrikto raw nito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkatrabaho ang dalawa. “Inaamin ko natatakot ako. Kasi ang dami kong naririnig about sa kanya na very strict siya na direktor. Konting pagkakamali mo lang patay ka talaga. Sabi ko, ‘Naku, Lord. Ikaw na bahala.’ Pero sa experience ko kay direk Manny Palo, ang kailangan mo lang talaga ay makinig sa kanya. Sundin ang mga payo niya at ‘yung pagturo niya sa pagiging disiplinado mo bilang isang artista,” kwento ni Maymay.
Ayon sa dalaga ay kailangan talagang pakaabangan ng mga manonood ang kanyang episode. Ibang-iba raw ang istorya nito kumpara sa mga naunang episode ng season 1. “Halos lahat yata ng episode nila ay parang dark ang approach. Pero ‘yung sa akin gusto ko yatang huminga. ‘Yung approach niya sa mga tao ay mag-e-enjoy dapat sila at masaya pa rin. Sinisigurado ko na mag-e-enjoy sila sa episode na ‘yon lalo na roon sa character ko,” paglalahad ng aktres.
Mapapanood si Maymay bilang isang waitress na makararanas nang pamamahiya ng isang social media influencer.
(Reports from JCC)