Mapagpatawad ang isang pamosong female personality. Madaling hilutin ang kanyang puso. Naniniwala siya na ang galit ay isang sumpa na ikaw ang nagdadala dahil sa kagagawan ng ibang tao.
Kinalimutan na niya ang naganap sa napakagandang relasyon bilang magkaibigan nila ng isang babaeng personalidad. Hanggang maaari ay ayaw na niyang balikan pa ‘yun pero kapag naiisip niya na ang taong ‘yun ang malapit nang maging dahilan ng pagkawala ng kanyang kabuhayan ay nangingilabot pa rin siya.
Kuwento ng aming source, “Ipinatawag siya ng mga bossing ng network, may mahalaga raw silang pag-uusapan. So, go naman siya sa meeting. Pero napakatinding pagkagulat ang sumalubong sa kanya.
“Wala naman pala silang pag-uusapang project. Hindi naman pala pelikula ang pag-uusapan nila, hindi rin bagong show sa network, kundi ang female personality na nagsumbong sa mga executives!
“Natural, puro ang side lang nu’ng female personality ang narinig ng mga bossing, paniwalang-paniwala naman ang audience ng girl sa mga pinagsasabi niya, kaya kampi ang grupo sa dati niyang kaibigan,” unang kuwento ng aming impormante.
Puro baligtad ang mga kuwentong nakarating sa grupo, tinraydor daw niya ang kanyang kaibigan, kaya malapit na silang magkahiwalay ng kanyang karelasyon.
Kuwento uli ng aming source, “Ang gustong mangyari ng mga executives, e, ang mag-sorry siya sa female personality. Akuin na raw niya ang totoo na siya ang nagkamali.
“Hindi siya pumayag, puro iyak na lang ang nagawa niya. talagang pinanindigan niya na hindi siya hihingi ng dispensa sa female personality na sinira-siraan na rin siya sa mga production staff.
“Dahil sa hindi niya pagsunod sa gustong mangyari ng grupo, e, nawalan na siya ng trabaho mula sa network mula nu’n. Wala na talaga, as in, waley na!
“So, ano pa ba ang gagawin niya kundi ang paglipat ng istasyon? Alangan namang magpakabalagoong siya sa network na hindi naman naniniwala sa kanya? Kung gusto lang niyang magkahiwalay ang dati niyang kaibigan at ang guy, e, di sana, lahat ng mga kuwento ng pamimintas ng girl sa karelasyon niya, e, inilabas na ng female personality?
“Pero siya pa ang binaligtad ng girl, siya ang pinalabas na traydor, siya ang siniraan sa kung kani-kanino! Lumalakad na pala siyang walang ulo nang wala siyang kaalam-alam!
“Ay, ay, bakit naman siya magso-sorry, e, siya na nga ang pinalabas na masamang friend nu’ng girl, di ba naman? Ang nakakaloka, ilang taon lang pagkatapos nu’n, e, mismong ang grupong naniwala sa girl ang nanglaglag sa kanya. Kinandaduhan siya ng pintuan!” napapailing na kuwento ng pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Mahal nag-premonition nang dalawin si Mura, Willie apektado!
Martes nang gabi ay tumawag sa amin si Willie Revillame. Nakatanggap ng mensahe ang aktor-TV host mula kay Direk Bobot Mortiz na pumanaw na raw ang komedyanteng si Mahal.
Ramdam namin ang lungkot sa boses ni Willie, naging malapit sa kanya si Mahal at si Mura na sumikat sa programang MTB, matagal na panahon din silang nagkasama-sama sa noontime show ng ABS-CBN.
Sa edad na kuwarenta’y sais ay pumanaw na nga si Mahal, Noemi Tesorero sa tunay na buhay, COVID-19 ang dahilan. Sa isang ospital sa Batangas siya namatay, dinala na siya du’n ng kanyang kaibigang si Mygz Molino, nagkagulatan na lang ang mga nandu’n nang sumakit ang tiyan ng komedyana.
Ilang linggo pa lang ang nakararaan ay bumiyahe sila ni Mygz papunta sa Guinobatan, Albay kung saan nakatira ang kanyang partner-kaibigan na si Mura (Allan Padua).
Nalaman ni Mahal ang kalagayan ni Mura, bukod sa may iniinda na ito sa katawan dahil sa aksidente sa tricycle, kailangan ng tulong na pampinansiyal ni Mura.
Napanood namin ang video ng kanilang pagkikita. Masayang-masayang nagkuwentuhan ang dalawa hanggang sa magpasalamat na nang naiiyak si Mura sa pagdalaw ng kanyang kaibigan.
Ang sabi ni Mahal, “Ayaw mo ‘yun? Bago man lang ako mawala sa mundo, e, nakatulong ako!” At naghalakhakan na naman ang magkaibigan.
Kaya pala kahit napakalayo ng kanilang biyahe ay nagpilit talaga si Mahal sa kaibigan niyang si Mygz Molino na dalawin nila si Mura. ‘Yun na pala ang pinakahuli nilang pagkikita.
Makulay na maintriga ang buhay ni Mahal. Marami siyang naging crush. Kaligayahan na niyang mapag-usapan ang kanyang loVelife kahit may mga hindi naman naniniwala.
Maaalala ng marami si Mahal bilang mabait na anak at kapatid. Sinikap niyang maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Hindi siya nagdamot sa mga mahal niya sa buhay.
At siguradong mami-miss ng publiko ang matinis niyang halakhak na parang wala siyang bitbit na kahit anong problema sa mundo.
Ang pakikiramay po namin sa lahat ng mga mahal sa buhay na iniwan ni Mahal.