Pagpanaw ng komedyanteng si Mahal ipinagluksa ng mundo ng showbiz

Litrato ng aktres na si Kiray Celis (kaliwa) kasama si Noemi Tesorero, na mas kilala sa pangalang Mahal (kanan)
Litrato mula sa Facebook page ni Kiray Celis

MANILA, Philippines — Bumuhos ang pakikiramay para sa mga naulila ng komedyanteng si Mahal mula sa kanyang mga tagahanga at nakatrabaho matapos niyang bawian ng buhay kamakailan.

Martes nang mamatay ang 46-anyos na aktres, na kilala bilang Noemi Tesorero sa totoong buhay. Positibo sa COVID-19 si Mahal nang pumanaw sa isang ospital sa Batangas.

Pero hindi lang mga fans ang nalungkot sa nasabing balita — pati na rin ang mga nakasama niya sa industriya ng showbiz.

"Ma miss ka namin mahal (noemi). Kanina hindi pa nag sink in saken na wala ka na pero nung pinanood ko to ayan naiyak nako," wika ni Comedy Concert Queen Aiai delas Alas kahapon.

"Rest in peace mahal .. nawalan ako ng isang barkada sa industriya."

View this post on Instagram

A post shared by AIAI DELAS ALAS (@msaiaidelasalas)

Bagama't nalulungkot, nakuha pa rin naman magbiro ng isang kapwa komedyante ng small but terrible na artista.

"Sa liit na panahon na nakasama kita, ganun naman kalaki ang naibigay mong saya sa puso ko," wika ni Kiray Celis sa kanyang Facebook page.

"Ayoko isipin.. ayoko tanggapin.. ayokong maniwala ate noeme mahal na mahal kita. Sana hindi totoo ito. Pls."

Ganyan din naman ang pakikiramay na ipinaabot ng mga kapwa artista na sina Jerald Napoles, Ken Chan atbp.

Namaalam si Mahal ilang linggo pa lang matapos i-post ng indie actor at partner niyang si Mygz Molino ang kanyang vlog, kung saan makikitang binista nila ang dating katambal na artistang si Mura sa probinsya ng Albay sa Bikol.

— James Relativo

Show comments