Kilalang ­negosyante, sinugod ng female personality

Para singilin ng utang!

May kuwentong hatid ang aming source tungkol sa malapelikulang komprontasyon nu’n ng ng isang female celebrity at ng isang kilalang negosyante sa showbiz.

Dati silang magkaibigan, nagkakaroon sila ng transaksiyon, malaki rin ang naitulong ng businesswoman sa mister ng female personality.

Naganap ang kanilang komprontasyon sa mismong bahay ng businesswoman, maraming kasama ang babaeng hindi man artista ay parang ganu’n na rin, damay na rin siya sa popularidad ng kanyang mister.

Kuwento ng aming source, “Pera ang dahilan ng hindi nila pagkakaintindihan. May mali rin ang businesswoman, pangako siya nang pangako sa female celebrity na ibabalik na niya ang milyones, pero puro pangako lang naman ‘yun na napapako.

“Sa sobrang inis ng girl, pinuntahan na niya sa bahay ang businesswoman. Parang eksena sa pelikula ang nangyari! Me­rong mga bodyguards ang girl, meron siyang kasamang lawyer, kumpleto ang kanyang team!” unang bagsak ng kuwento ng aming impormante.

Nangangako ang businesswoman na ibabalik na nito ang utang na milyones sa female celebrity, pero wala nang gustong paniwalaan ang kanyang pinangangakuan, kailangan nang matapos ang problema sa mismong oras na ‘yun.

Patuloy ng aming source, “Kahit ano pa ang sabihin ng businesswoman, e, parang wala nang naririnig ang girl. Nakataas-noo lang siya, bingi at bulag siya sa mga sinasabi ng businesswoman.

“Sabi niya sa kanyang lawyer, gawin na raw ang nararapat. May inilabas na mga dokumento ang abogado, mga ari-arian ‘yun ng businesswoman na nakuka nila ang kopya. Ipina-check na rin nila ang mga documents na puro legal naman.

“Sabi ng girl, ‘Alin d’yan ang ipambabayad mo?’ Nasorpresa ang negosyante, hindi niya akalaing aabot pala sila sa ganu’n! Wala siyang choice, wala siyang cash na pambayad, kaya property na lang talaga ang puwede niyang asahan.

“Maya-maya, gumagawa na ng kasunduan ang abogado ng girl, ginagawan na ng deed of sale ang isang property ng businesswoman. May tumakbo nang bodyguard ang girl para sa pagpapa-notary ng dokumento.

“Hinding-hindi na ‘yun malilimutan pa ng businesswoman. Nalungkot siya nang matindi dahil hindi na binigyan ng importance ng wife ng male personality ang mga tulong at suportang ibinigay niya sa pamilya.

“Pero ganu’n talaga. Money is money. Iba ang bigay kesa sa utang. Nakakita ng katapat ang businesswoman,” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Yorme Isko, mas sumikat nang ungkatin ang pagiging artista lang

Sa mundo ng pulitika ay palaging nilalagyan ng salitang “lang” ang mga artistang kumakandidato. Minemenos sila. Minamaliit. Na para bang kumbaga sa buko ay sabaw lang ang meron sila at walang laman.

Pero kakapusin ang espasyo ng a­ming kolum kapag isa-isa naming binanggit ang mga pangalan ng mga artistang pumasok sa pulitika na nagtagumpay.

Sila ang nagpatunay na ang salitang artista ay hindi dapat kinakambalan ng terminong “lang,” dahil nakapagserbisyo sila nang maayos sa kanilang mga nasasakupan at pinakain pa nga nila ng alikabok ang mga tradisyunal na pulitiko na tumutulong lang dahil may inaasahang kapalit na boto.

Napanood namin ang resbak ni Mayor Isko Moreno sa mga taong ayon sa kanya ay nagpipista sa larawan niyang naka-briefs na bahagi ng promosyon ng isang pelikulang ginawa niya.

Sa marespetong paraan ay ipinahayag ng mayor ng Maynila na sa halip na ang mga kababayan nating nagkakasakit ng COVID-19 na walang mapasukang ospital, kung meron man ay kailangan pa munang maghintay, ang tutukan at asikasuhin ng mga pumupula sa kanya ay kung bakit ang retrato niyang nakasuot ng briefs ang inuuna ng mga kumakalaban sa kanya.

“I’m honored but I’m not happy,” komento pa ng dating namamatsoy ng basura sa Tondo na nginitian ng kapalaran at ngayo’y ama na ng Maynila.

Namamangha lang kami dahil nakita namin si Scott (tawag sa mayor ng malalapit niyang kaibigan) sa unang araw ng pagpasok niya sa pintuan ng showbiz kasama ang kanyang manager na si Daddie Wowie Rojas.

Ang layu-layo na ng narating ng payatot at hindi pa kakinisang teenager na ‘yun na nadiskubre ng kanyang manager sa lamayan. Ang nagiging produkto nga naman ng pangangarap na libre lang naman.

Ang nagiging bunga nga naman ng pag-aaral at pagsisikap na alamin ang mundong iba sa kinagisnan niya. Pinagsunugan ng kilay ni Mayor Isko ang posisyong hawak niya ngayon.

Sa pakikipagkuwentuhan namin sa mga kaibigang mula sa iba-ibang sektor ng lipunan ay isa lang ang kanilang opinyon. Mas pinasikat lang nila si Mayor Isko Moreno. Mas pinalutang lang ng mga ito ang kapasidad ng dating basurero na ngayo’y sinserong naglilingkod sa kanyang pamayanan.

Sino nga ba naman kasi ang winawasak at sinisira—di ba’t ang buo?

Right or left, SOS?

Show comments