May nagparating sa amin na IG story post ng isang doktora na may mensahe sa isang magandang aktres.
Pasabog ang mensahe niyang kung hindi raw masaya itong si aktres sa kanyang non-showbiz husband, huwag naman daw makipaglandian sa boyfriend niya.
Magkakasunod ang post nitong doktora na sinasabing nakahanda na raw siyang ilabas lahat na kuwento at ginagawa nitong magandang aktres sa kanyang boyfriend.
Ang kuwento pang nakarating sa amin, magkababayan itong si magandang aktres at ang boyfriend nitong si doktora. Pero ang dating sa mga post nung doktora ay may namamagitan sa kanyang boyfriend at kay magandang aktres.
Ipinarating namin sa management ni magandang aktres ang kuwentong ito para hingan sana siya ng sagot, pero wala pa silang ipinaparating hanggang sa deadline namin.
Nakatsikahan ko ang ilang nakatrabaho ni magandang aktres sa isang programang tini-tape nito, parang ayaw nilang maniwalang may ganung nagaganap sa buhay ni aktres.
Nakikita naman daw nilang laging kausap ni magandang aktres ang asawa niya at anak habang naka-lock in taping ito. Halos araw-araw daw ay nagbi-video chat sila at parang wala naman daw problema.
Muli naming tsinek ang IG account nung doktora, hindi na ito available.
Ipinagtanggol naman si magandang aktres ng ilang katrabaho niya sa programang ginawa niya. Mabait ito at wala raw silang problema sa trabaho. May saltik lang daw minsan, pero hindi naman daw ito nakakaapekto sa trabaho.
Hinahayaan na lang daw nila kapag sinusumpong ito na minsan daw basta na lang ‘di nambabati, pero most of the time ay okay na okay naman daw sa set. Sabi ng isang katrabaho niya, parang kagaya rin daw ito ng bestfriend niyang isa ring magandang aktres na ibang klase rin ang taglay na saltik sa utak.
Film at tv scriptwriter nag-emote sa rating ng legal wives
Bago pa man tinanggal ni Suzette Doctolero ang post niya sa kanyang Facebook account, ang dami nang naka-pick up sa emote niya sa pababa na ratings ng Legal Wives. Sabi niya; “Pababa ang ratings ng LW kahit na ito ay pinupuri. Aanhin ang papuri? We need ratings. Bakit hindi nagre-reflect sa ratings ang papuri? Kundi mag-rate ang isang show, o mag-deliver ng numbers, hindi na po magkakaroon uli ng ganito. Mali ako. Tradisyunal at formula soap pa rin talaga ang tinatangkilik ng tao.”
Ang dami nang nag-react sa FB post niyang ‘yun, pero tinanggal din niya at hindi na niya pinanindigan.
Totoo naman talaga ang naobserbahan niyang mga tradisyunal at ‘di kahon na kuwento ang gusto pa rin ng mga tao.
Pero sana maisip din ng network na responsibilidad ding magbahagi ng tamang kuwento na magmumulat sa kamalayan ng mga manonood.
Sa totoo lang, tuwing nagpoprograma kami sa radyo namin sa DZRH, meron talagang nagmi-message sa amin na sobrang nagandahan daw sila sa kuwento ng Legal Wives. May mga natutunan daw sila lalo na sa kultura ng mga kapatid nating Muslim na hindi alam ng karamihan.
Kaya sana huwag mapanghinaan ng loob ang writers at patuloy pa rin silang magbigay ng matitinong material na mapapanood sa isang drama series.