Hindi lang negosyo at kabuhayan natin ang apektado ng pandemya. Napakarami! Kasali na ang negosyo ng mga Boogie Wonderland na sobrang tumumal nang dahil sa laganap na virus.
Napakahirap kuno ng booking. Natatakot ang mga dati nilang kliyente para pagbigyan ang init ng kanilang libido dahil baka ‘yun ang maghatid sa kanila ng sakit.
Kuwento ng aming source, “Taghirap ngayon ang mga Boogie Wonderland. Ngayon lang daw nila naramdaman ang ganito katinding paghihirap.
“Nagkakautang-utang na nga sila para sa pang-araw-araw nilang kabuhayan dahil walang kumokontak sa kanila. Kung meron man, e, paisa-isa lang, hanggang kailan daw ‘yun tatagal!” unang hirit ng aming source.
Pero kung ramdam ng mga matchmaker ang kahirapan ay ganu’n din ang nangyayari ngayon sa mga personalidad na suma-sideline sa pagbebenta ng karneng buhay.
Maraming gumagawa ng ganu’n, madaliang pera lang, pagkatapos nang ilang oras ay puno na ang kanilang wallet dahil sa kanilang kinita.
Kuwento uli ng aming impormante, “Mas matindi ang hirap na pinagdadaanan ngayon ng mga pa-booking! Nasanay na kasi sila sa madaliang trabaho na pera na agad-agad.
“Maraming tumatawag sa mga Boogie Wonderland kung puwede na ba silang sumayd-line? Kasi nga, wala na silang pera, hindi na nila alam kung saan nila kukunin ang ikabubuhay nila dahil wala rin naman silang ginagawang projects?
“Napakalaki ng problema nila dahil hindi na sila nakababayad ng kuryente nang ilang buwan, pati ang tubig nila, baka maputol na. At ang everyday nilang pangangailangan, paano na raw?
“Heto na. May isang male personality na pa-booking na kumausap sa friend kong matchmaker. Ang sabi raw sa kanya nu’ng male personality, e, kumpleto na siya sa bakuna. Kung kailangan daw niyang ipakita ‘yun sa client, e, gagawin niya dahil walang-wala na talaga siyang maikutan ngayon sa paghahanap ng datung!
Pero ayaw pa rin ng mayayamang beki na regular client niya. Huwag daw muna dahil mahirap na. Karamihan kasi sa kanila, e, mga doktor, kaya paano na?
“Suwerte raw ng mga girls na iginarahe na, meron silang regular na ayuda mula sa mga kakuyangyangan nilang madadatung. Pero ang pa-sideline-sideline lang, waley rin, nagdarahop ngayon!
“Matindi talaga ang effect ng pandemic sa lahat. Pati ang mga pa-booking, naghihirap na! Inip na inip na silang bumalik tayo sa normal na isang higa nga lang naman nila, e, datung na kaagad!
“Ngayon nga naman, humilata man sila nang bonggang-bongga, e, wala silang buyer ng karneng buhay, takot na takot ang mga clients nila! Tiis-ganda muna sila ngayon!” pagtatapos ng napapailing naming source.
Ubos!
LGBTQ, hindi pa rin napapatawad si Pacman
Hindi kakampi ng Pambansang Kamao ang komunidad ng LGBTQ sa nakaraan nilang salpukan ni Ugas. Kung matutuloy ang pagtakbo sa panguluhan ni Senador Manny Pacquiao ay wala ring maaasahang boto mula sa mga beki at tomboy ang Pambansang Kamao.
Kung babasahin ang kanilang maaanghang na komento sa social media ay tinatapos na nila ang labanan. May isang kapatid nating beki ang madiing nag-opinyon na kung pusa o aso ang makakalaban sa pinakamataas na posisyon ni Pacman ay du’n sila sa kalaban.
Malalim ang pinaghuhugutang emosyon ng mga miyembro ng LGBTQ. Madaling unawain kung saan sila nanggagaling. ‘Yun ang binitiwang pahayag nu’n ni Senador Manny na masahol pa sila sa mga hayup.
Lalaki at babae lang daw ang nilikha ng Diyos, walang ibang kasarian, maging sa mundo raw ng mga hayup ay walang bakla at tomboy.
Tinatakan ‘yun ng mga miyembro ng LGBTQ, sobrang sakit ang kanilang naramdaman, dahil parehas na pagtrato nga sa lahat ng lahi ang kanilang isinisigaw.
Mahirap nang bawiin ‘yun ngayon. Anumang salitang nasabi na ay hindi na basta-basta mabubura. Puwedeng burahin sa papel pero sa puso at utak ay nakahulma na ang sakit.
Sino ba ang mag-aakalang kasama pala sa mga ambisyon ni Senador Pacquiao ang pakikipag-agawan sa pinakamataas na trono ng ating bayan?
Nagkakagulo ngayon sa kanilang partido, nahahati sila sa dalawang paksiyon, may nanglalaglag sa kanya at meron din namang kumakampi sa kanya.
Kung itutuloy niya ang pagtakbo sa panguluhan ay maraming grupo ang hindi maglalaan ng boto sa kanya. Ang mga kaalyado ng pangulo, ang grupo ng komunidad ng LGBTQ, napakalaking kabawasan nila sa labanan.
May mga nag-oopinyon na magpahinga na lang si Pacman para mapakinabangan niya ang produkto ng kanyang pakikipagtunggali sa lona.
Kung ang kanyang misis na si Jinkee nga naman ay nagpapasasa sa bilyones na kinita niya ay bakit hindi siya mismong nakipagbasagan ng mukha at katawan ang makinabang sa pinaghirapan niya?