Nagrerebelde ang kalooban ng isang female personality na isinasawsaw ngayon ang pangalan sa kumpirmadong paghihiwalay ng isang showbiz couple. Naiinis siya, pinagbibintangan kasi siyang third party, samantalang ni katiting na pagkagusto ay wala namang namamagitan sa kanila ng aktor.
Marami namang naniniwala sa aktres, may katotohanan ang kanyang sinasabi, dahil kumbaga sa pagkain ay malayung-malayo sa panlasa niya ang lalaki.
Kuwento ng aming source, “One hundred percent true naman ang sinasabi niya, walang katotohanan ang bintang na siya ang dahilan ng hiwalayan ng showbiz couple. Wala, wala, wala!
“Balikan man natin ang kuwento ng buhay ng girl, e, totoo namang wala siyang naging boyfriend na artista. Lalong wala siyang nakarelasyong mas batang artista kesa sa kanya!” makahulugang pagtatanggol ng aming impormante sa female personality.
Palaging pasikreto ang kanyang pakikipagrelasyon, hindi puwedeng ilantad, nalalaman na lang natin na kahit hindi na magtrabaho ang female personality ay bonggang-bongga ang kanyang kabuhayan showcase.
Dagdag na kuwento pa ng aming source, “Tahimik lang ang pakikipagrelasyon niya, pinag-uusapan lang ‘yun nang pabulong. Bakit naman hindi ‘yun pagpipistahan, e, dumarating siya sa location nang naka-chopper?
“’Yung mga mas malalaking artista nga kesa sa kanya, e, nagtitiis na bumiyahe nang mahabang panahon, pero siya, helicopter beauty siya!
“Napakalaki na ng pagbabago ng buhay ng pamilya niya, maluluwag na ang kanilang sakahan sa probinsiya, mansiyon na ang bahay nila, kaya siya pa rin ang pinagpipistahan sa lugar nila.
“Ganu’n ba ang babaeng papatol sa mga mas bata kesa sa kanya? Mabibigyan ba siya ng mansiyon at malalawak na lupain ng mga boyfriend na bagets?
“Natural, hindi! Baka nga siya pa ang huthutan ng datung at gamit-gamitin lang, di ba naman? Magaling ang babaeng ito, habang bata-bata pa siya, e, naiisip na niya ang kinabukasan nilang mag-anak!
“Pagbibintangan pa ba nila na third party siya sa hiwalayan ng showbiz couple? Pakialam ba niya du’n? Ang pinagkakaabalahan lang niya, e, ang pagpapayaman nang husto!
“Kaya tantanan na ng mga miron ang female personality, hindi ‘yun ang kanyang cup of tea, sabi nga! Puro haka-haka lang ‘yun, halusinasyon, walang katotohanan! ‘Yun ang totoo, ‘yun!” nakaarko ang kilay na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Jinkee, hindi na tinatablan ng kanegahan
Nabigo man sa kanyang huling laban si Senator Manny Pacquiao, kung titimbangin ang emosyon ng buong mundo ay nakalalamang pa rin ang papuri sa Pambansang Kamao, mabait sa kanya ang kapalaran.
Sa wakas ay napagbigyan na rin ang hiling ni Mommy Dionisia. Ilang taon nang isinisigaw ng ina ni Pacman ang “Bob Arum! Tama na! Patigilin mo na sa boxing si Manne!”
Bakit nga naman? Sa isang suntok na tumatama sa mukha ni Pacman ay sampung doble nu’n ang sakit na nararamdaman ni Mommy D!
Pero kapansin-pansin na hindi mabait ang lipunan kay Jinkee Pacquiao. Siya ang pinupuruhan sa social media, kung anu-anong memes ang naglalabasan para siya parunggitan, nabali raw ang sungay ng kayabangan ng misis ni Pacman.
Natural, ang pinag-uugatan nu’n ay ang madalas na pagpo-post ni Jinkee ng kanyang mga larawan at video na mula ulo hanggang paa ay branded ang isinusuot niya, palibhasa raw ay ngayon lang siya nakatikim ng ganu’n.
Nakakaawa si Jinkee sa mga naglalabasang komento laban sa kanya, akala raw siguro niya ay may forever, habambuhay siyang magiging reyna.
Pero ang mga granatsa ni Jinkee ay hindi matatapos sa pagkatalo ng kanyang mister, bilyonaryo na sila, kaya kahit ano ang mangyari ay masusunod pa rin niya ang mga luho ng kanyang katawan.
At pera naman nila ‘yun. Wala naman siyang tinatapakan sa pagsunod sa kanyang mga kapritso, hindi naman ‘yun pera ng bayan kundi salaping naipon nila sa pakikipagbasagan ng mukha ng kanyang mister sa lona, kay nasaan ang problema?
Wala naman talaga. Kung sana’y may mga pamilyang nagutom nang bumili siya ng mga branded stuff, kung sana’y nakaw na pera ng bayan ang kanyang ginastos, du’n siya mabubutasan.
Wala lang talagang pakialam si Jinkee sa nagaganap sa mundo ngayon. Napakaraming kababayan nating nawalan ng trabaho at walang makain, taghirap talaga dahil sa pandemya, pero hindi niya mapigil ang kanyang sarili sa pagyayabang.
‘Yun lang naman ‘yun. Parang hindi siya tinatablan ng kahihiyan.