Aktres na sa kama na halos nakatira, ginugutom ang mga kasambahay

Hirap na hirap makakuha ng kasambahay ang isang kilalang female personality. Wala kasing gaanong nagtatagal sa kanyang bahay, ilang linggo lang ay nagpapapalit na ang mga ito sa kanilang ahensiya, umaalis na.

Ano kaya ang dahilan? Iilang piraso lang naman sa kanyang bahay ang pamilya ng babaeng personalidad, hindi gaanong mahihirapan ang kasambahay na magtrabaho sa kanya, pero bakit walang tumatagal?

Kuwento ng aming source, “Wala kasi siyang pakialam sa mga maid-of-cotton niya. Hindi man lang niya inaalala ang mga pangangailangan ng mga kasambahay niya.

“Sa simula pa lang, e, meron na silang usapan na iba ang food nilang mag-iina at ang pagkain ng mga maids niya. Magbibigay na lang siya ng budget sa mga kasambahay para ipamalengke nila.

“Pero hindi ‘yun nasusunod. Ubos na ang lafang ng mga kasambahay niya, pero hindi naman siya nagbibigay ng pamalengke. Naduduling na sa gutom ang mga maids niya, kulang na kulang sa pagkain, pero wala pa rin siyang pakialam!” unang kuwento ng aming impormante.

Mabuti na lang at mababait ang mga kasambahay ng mga kapitbahay ng female personality, sila ang nagbibigay ng pagkain, nag-aabutan sila sa bakod.

Patuloy ng aming source, “Nakakaloka siya! Palagi lang siyang nakakulong sa kuwarto niya, paano nga naman makakahingi ng pamalengke sa kanya ang mga girls?

“Minsan, e, kinausap ng isang maid ang anak ng female personality, pinakiusapang sabihin sa mommy niya na wala na silang pagkain at nagugutom na sila. Bumalik ang bagets, hindi raw niya nasabi sa mommy niya ang message, palagi raw kasing tulog!

“Ilang beses na bumalik ang dyunakis ng aktres sa room niya, pero ganu’n pa rin ang scenario, tulog palagi ang mommy niya!” napapailing na kuwento pa ng aming source.

May nakaisip na ang tawagan ng mga ito ay ang ex ng female persona­lity, baka sakaling magkaroon ng resulta, kinuha nila ang phone number ng aktor sa dyunakis ng nagkahiwalay na magkarelasyon.

“Humingi sila ng tulong sa male personality, ilang beses nilang tinext, pero wala ring sagot! Naloka na ang mga kasambahay, nagpaalam na sila nang sabay-sabay, hindi raw sila mamamatay sa COVID-19 kundi sa gutom!

“Tumawag ang female personality sa agency kung saan siya kumukuha ng kasambahay. Negative ang sagot ng ahensiya, walang may gustong magserbisyo sa kanya dahil sa takot na magutom din!

“Hay, naku! Gaano ba kapu­yat ang babaeng ‘yun para tumira na lang sa kama niya? Palagi na lang siyang tulog, sleep na lang siya nang sleep, ano ang mangyayari sa buhay niya kapag ganu’n siya?” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Laban ni Pacman, ipinapanalangin

Bukas na nang tanghali ang pinakahihintay ng mga kababayan nating pakikipasalpukan ng Pambansang Kamao sa Cubanong si Yordenis Ugas.

Nakakuha na kami ng serbisyo ng pay-per-view sa Cignal, tuwing lumalaban si Pacman ay tinututukan namin, harinawang makopo ni Senator Manny Pacquiao ang hawak na titulo ni Ugas bilang WBA Welterweight champion.

May pagkadekadente ang haharaping laban ng Pambansang Kamao bukas. Sa unang pagkakataon ay ito ang giyerang papasukin niya na punumpuno ng problema ang kanyang personal na buhay.

Ang political career niya ay kinakalampag ng kanyang mga katunggali, malaki ang panahong inaagaw nu’n sa kanyang pagiging boksingero, maraming nag-aalala na baka dahil du’n ay umuwing luhaan ang ating pambatong boksingero.

Pero iba nga si Pacman. Mabangis siya sa lona, makakita lang siya ng butas na mapapasukan ay siguradong makakatikim si Ugas ng mga suntok na ayaw nitong matikman sa kanyang buong buhay bilang boksingero.

Ang pangarap ni Senador Manny ay ang ma-knockout niya si Ugas, ‘yun daw ang hiling ng ating mga kababayan, at ‘yun din ang magtatakda ng kanyang tagumpay sa labang ito na punumpuno ng pag­hamon ang mundo para sa kanya.

Napakalaki ng nagawa ni Pacman para sa ating bayan. Ilang ulit niyang isinulat ang Pilipinas sa mapa ng mundo. Kapag nagpunta ka sa ibang bansa at inilatag mo na ang iyong passport sa nakatokang ahente ng Immigration ay ibang-iba ang kanilang reaksiyon.

“Manny Pacquiao country, huh!” agarang sasabihin ng opisyal na gagantihan mo naman ng simpleng ngiti na may kakambal na pagmamalaki.

Pamatay pa rin ang bangis ng mga suntok ni Pacman. Sa pamamagitan ng mga panalangin para sa kanyang tagumpay ay hindi siya pabababayaan ng Diyos na pinaghuhugutan niya ng lakas at puwersa.

Huwag sanang manalo ang gustong mangyari ng iba na matalo siya, umuwi sana si Pacman na kanya ang huling halakhak, tutal naman ay iisang dugo lang ng pagiging Pilipino ang nananalaytay sa dugo nating lahat.

Show comments