Eddie, negativesa prostate cancer

As of presstime, hinihintay pa namin ang ilalabas na statement mula sa pamilya Gutierrez tungkol sa tunay na kalagayan ni Tito Eddie Gutierrez. Na-ipost na ni Ruffa Gutierrez na cleared na raw ang daddy niya sa Prostate Cancer, at okay na raw ang kalagayan nito.

Sabi ng ilang taong nakausap ko na malapit sa pamilya, kung hindi naman daw okay si Tito Eddie, hindi aalis si Ruffa pa-Amerika.

Kaya iyon na nga ang huling tweet ni Ruffa na nagpapasalamat siya sa lahat na nagdasal, lalo na sa mga taga-St. Luke’s  Hospital na nag-asikaso sa kanyang ama.

Ang narinig ko, nasaktan lang si Tita Annabelle Rama sa nagsulat na may prostate cancer si Tito Eddie na misleading ang dating.

Ang publicist ng pamilya Gutierrez na si Jun Lalin ay nakausap ko naman kahapon at kasama pa niya niya ang magkapatid na Ruffa at Raymond Gutierrez.

Ani Jun; “Walang Cancer si Tito Eddie. Iyon lang ang duda nila, kaya pinatingnan nila agad. Pina-biopsy at lumabas hindi Cancer.”

“Negative siya!” sabi ni Ruffa na narinig ko sa background.

Sabi na lang ni Jun, thankful silang lahat na maganda ang resulta at hindi ‘yung unang pinagdudahan nila. Nagpapasalamat din daw ang buong pamilya sa lahat na nag-alala, at nagdasal para kay Tito Eddie.

At least nakahinga na raw sila nang maluwag na okay na okay si Tito Eddie.

Resbak, ilalantad ang nakawan ng motor

Naimbitahan kami ni direk Brillante Mendoza noong nakaraang Sabado ng hapon para i-preview ang pelikula niyang Resbak na isasali sa isang international film festival. Hintayin na lang daw ang press release ng international filmfest na iyon. Kaya hindi pa raw niya puwedeng sabihin kung saan ito isasali.

Si Vince Rillon ang bida sa pelikula na gumaganap bilang isang motornapper. Ilan sa mga kasama niya rito sina Albie Casiño, Nash Aguas, Kahlil Ramos, Jay Manalo, Bibeth Orteza at may special participation pa si direk Carlitos Sigiuon.

Matapang ang pelikula at tamang-tama tinatalakay na isyu na sa eleksyon ang setting. Tsika nga sa amin ni direk Brillante, hinayaan daw niyang dumaan sa immersion si Vince para maintindihan niya ang nararamdaman ng taong pumasok sa ganitong trabaho.

May nakausap si Vince na mga totoong nagmu-motornap, at pati ‘yung mga bumibili ng nanakaw na motor at ang mga nagbabaklas. Ayaw pa nga sana muna raw makipag-cooperate sa kanya ang mga nakausap niya, pero nakuha naman niya ang tiwala ng mga ito kaya ang dami niyang nalaman.

“Tumambay po ako sa mga motor shop. Natutunan ko dun ‘yung mga salita nila, ‘yung mga baklas, karnehin na yan. Kailangan ko talaga makipagkuwentuhan sa kanila para malaman ko kung paano sila makipag-usap,” kuwento niya sa amin.

Doon daw niya nalaman na involved din sa illegal na gawaing ito ang mga may mga sinasabi at mga posisyon ding mga tao. “Hanggang dun na lang, huwag ka na magkuwento,” singit ni direk Brillante na natakot at baka ituluy-tuloy pa ang kuwento ni Vince.

Matino ang pelikula na talagang tumatalakay sa totoong nangyayari sa pagnanakaw at bentahan ng mga motor.

Sana nga maipalabas dito sa atin, kapag puwede na ang mga sinehan.

Show comments