Sa panahong ito ng panibagong lockdown, marami na naman ang walang magawa at nakatunganga lamang maghapon, kaya lalong lumala ang bastusan sa social media.
Maging ang mga artista, palibhasa’y wala ring magawa dahil walang shooting at tapings, mas nagiging active sa social media. Tapos napipikon sila ‘pag naba-bash. Eh wala kang magagawa dahil talaga namang nagkakabastusan na sa social media.
Isa si Sunshine Cruz sa mga artistang may mga social media account, at ginagamit nga iyon ng bashers, lalo na ang mga kakilala naman na ewan kung bakit galit sa kaya pero hindi naman siya maharap, para okrayin siya.
Pero mas matalino na si Sunshine. Hindi niya pinapayagang maka-score ang mga basher. Ang ginawa niya, hindi na siya nagbubukas ng kanyang private messages. Binubura niya iyon nang hindi na niya binabasa except kung kakilala niya at hindi na rin nakakapag-comment sa kanyang posts.
Ang magandang ginawa niya, humanap siya ng ibang libangan, hindi ang social media. Nag-aral siyang mag-ganchillo, at ngayon kung anu-ano na nga ang kanyang nagagawa.
Noon naman talagang iyan ang libangan ng mga kababaihan. Natatandaan nga namin, ang mother namin gumagawa ng kurtina, bed covers, bags, throw pillows at kung anu-ano pang bagay na lahat ginanchillo. Lumilipas ang oras nang kapakipakinabang. Hindi lumilipas ang oras nang naka-nganga o nagtsi-tsismis lamang.
Ipinagmamalaki naman ni Sunshine ang kanyang mga nagawa na. May mga blouse at kung anu-ano pa. Wala naman daw siyang planong ibenta ang kanyang gawa dahil singit lang naman iyon ngayong lockdown na wala siyang trabaho.
Siyempre kung magsisimula na ulit ang kanyang mga taping at shooting, matatabi na naman ang pagga-ganchillo niya. Pero isipin din ninyo, magkano kaya mabibili ang isang blouse o isang bag na ginanchillo mismo ni Sunshine Cruz? Naku, tiyak maganda rin ang presyo niyan.
Derek, ‘di naniniwala sa bakuna
Hindi pa rin pala nagpapabakuna si Derek Ramsey at sinagot niya iyan nang diretsahan siyang tanungin ng isang netizen.
Sinabi niyang sa ngayon ay hindi pa siya kumbinsido sa bakuna dahil sa mga nababasa niyang pag-aaral tungkol sa epekto ng mga iyon.
“Nirerespeto ko ang opinion ng iba na magpabakuna para sa kanilang kaligtasan sa sakit, pero sana irespeto rin nila ang aking paniniwala. May mga hinihintay pa akong pag-aaral na siguro nga makakakumbinsi sa akin sa magpabakuna,” sabi ni Derek.
May isa ring doctor mula sa UP-PGH, si Dr. Romeo Quijano, na nagsabing handa siyang harapin ang sino mang government health official para panindigan ang sinasabi niyang “mas mapanganib ang bakunang ginagamit nila kaysa sa coronavirus mismo na sinasabi nilang mapipigil sa sakit.”
Marami ang naniniwalang kagaya ni Derek, dahil sa waiver na kailangang pirmahan ng isang nagpapabakuna na walang may pananagutan sa kanya kung sakaling magkaroon ng masamang epekto ang isasaksak sa kanyang bakuna.
Hindi naman puwede ang sinasabi ni Presidente Digong na ipahuhuli niya sa pulis ang ayaw pabakuna, labag na naman iyon sa human rights.
Tita at ninang ng young actors, pera ng bayan ang ginagastos!
Bumuhos ang messages sa amin sa social media at lahat ay may hula kung sino ang sinasabi naming “tita” at “ninang” ng mga male star na nagsa-sideline. At sa totoo lang, napakaraming nakahula nang tama. Marami pa ang may ibang info sa naging kaugnayan ni “tita”, isang gay politician, hindi lamang sa mga artista at models kundi maging sa mga pribadong tao.
Galit sila kay “tita” dahil tiyak daw ang itinatapon nito sa kanyang mga “pamangkin” ay pera rin ng taongbayan. Kung ganyan ang tsismis, papaano pang mananalo si Tita?
Tanungin ko kaya si BJ kung may pag-asa pa?