Anjo, inaming nawala sa tamang pag-iisip

Anjo
STAR/ File

Lalong bumibigat na ang pakiramdam ng halos lahat dahil sa nagsu-surge na naman ang COVID cases. At dito pumapasok ang stress, depression, anxiety, apektado ang mental health.

At ganito ang ibinahagi ng Kapuso actor na si Anjo Damiles na dumaan siya sa severe depression nung pumutok ang pandemya noong nakaraang taon. Mabuti at nandiyan ang pamilya at lalong lumalim ang pananalig niya sa Diyos, kaya isa raw iyan sa kinakapitan niya.

Ibihagi ito ni Anjo nang humarap siya sa virtual media­con ng Daig Kayo ng Lola Ko Presents Captain Barbie, bandang June noong nakaraang taon daw siya dumaan sa matinding depression dahil sa hirap dulot ng pandemya. “Ang hirap i-explain when it comes to mental health. It suddenly just breaks you down into two. May point po nung panahon na ‘yun na nag-snap na lang po ako. Nawala ako sa tamang pag-iisip and it was sad to see na ganun.

“I was crying, I was lost. Ang hirap hana­pin ang sarili mo na maging okay. Ang hirap ‘yung path na ‘yun. Ang hirap talaga sundan,” pahayag ni Anjo.

“But with the help of my Psychiatrist, of course the medicines, medyo nag-calm down ‘yung pag-iisip ko and never nawala sa pag-iisip ko was God. Si God talaga ang nakatulong sa akin, also my family, the doctor na they kept me sane. They gave ideas na bago, kung ano ang puwedeng gawin to keep your mind occupied,” dagdag niyang pahayag.

Kaya ang lagi niyang sinasabi sa mga taong nadi-depress ay huwag bumitiw sa pagdadasal.

Ngayon ay medyo okay na raw siya at malaking bagay din daw na napasama siya sa First Yaya na naging maganda ang role niya at naging close raw siya sa mga kasamahan niya sa seryeng ‘yun.

Ang latest nga ay magkakaroon na raw ng book two ang First Yaya at magiging First Lady na ito dahil asawa na si Sanya Lopez ng isang presidente.

Kapuso, tutuklas ng mga singer

Pursigido ang GMA 7 sa pagtuklas at pag-develop ng magagaling na singers. Inilunsad ang sub-label ng GMA Music na GMA Playlist at ipinakilala na nila sa isang virtual mediacon ang unang batch ng artists na magiging bahagi nito.

Mga bagong mukha ang karamihan at produkto ng StarStruck na kung saan ay dumaan din talaga sila sa training ng pagkanta.

Nagulat nga akong kasali pa si Mark Herras na hindi naman talaga siya singer.

Pero kumakanta naman siya at puwede naman siyang magkaroon ng dance album. Pero waging-wagi naman si Mark sa Gen Z dahil nakikita naman ang suporta sa kanya sa TikTok.

Sabi naman ng Senior Manager for Music Production Section na si Racquel Gacho, mga bago ang mapapakinggan dito sa GMA Playlist na swak sa mga bagong henerasyon.

Isa nga sa bagong mukhang napansin naming dito sa unang batch ng GMA Playlist ay si Kaloy Tingcungco na nagulat ako ang dami niyang followers sa social media. May grupo ng fans na sinusubaybayan na siya.

Nataypan siya ng karamihan dahil sa mala-Korean o Thai na look. “I am aware that they’re existing and they have sort of number of people have made the group that supports me with what I do,” napapangiting pahayag ni Kaloy.

Ang ilan pang kasama sa GMA Playlist ay sina Mikee Quintos, Arra San Agustin, Anthony Rosaldo, Crystal Paras, Denise Barbacena, Faith Da Silva, Kim de Leon, Lexi Gonzales, Shayne Sava at Seb Pajarillo.

Karamihan sa kanila ay si Julie Anne San Jose ang gustung-gusto nilang maka-collaboration.

“Sobrang flattered, nakakataba talaga ng puso na kinu-consider nila ako as one of the people that they want to work with. And I’m also looking forward to work with them especially ‘yung mga new artists, mga new singers natin dito sa GMA,” pakli ni Julie Anne San Jose sa virtual mediacon ng Limitless, A Musical Trilogy na mapapanood na ang first episode nitong Breathe sa September 17.

Show comments