Muling nakapanayam sina Derek Ramsay at Ellen Adarna sa radio program ni Morly Alinio noong nakaraang Linggo, August 8, na bukod sa issue sa kanila ni Long Mejia, ay may naungkat pang ibang isyu na isinawalat ni Ellen.
Nalinaw na ‘yung isyu ng walkout dahil mismong ang line producer at lead actor na si John ang nagsabing natapos ni Ellen ang taping at walang walkout na nangyari. Nag-sorry na rin si Long Mejia pagkatapos niyang magbitaw nang ‘di magagandang pahayag laban kay Ellen.
Pero isinawalat na rin ni Ellen na kaya sobra siyang nag-iingat sa taping ng John en Ellen dahil sa hindi raw sila naka-lock in. May insidente pa raw sa isang taping nila na kinunan sa Olongapo, nagpa-exit swab daw sila ng PA niya pagka-pack-up at lumabas daw na positive silang dalawa ng kasama niya.
Iyon pala false positive dahil mali ang nagamit na pang-swab sa kanya ng nurse. Kuwento ni Ellen; “Sinaksakan ako ng positive control stick. ‘Yung stick shouldn’t be used on people or anything because it has… it’s a red stick only, Abbot has it. Nalaman na lang namin kasi ako mahilig mag-video ‘pag sina-swab ako. When we got here, ‘di ba nag-false positive ako dun. When we got home, tapos nagpa-PCR test na ako dito sa bahay. When the nurse saw the video, she said ‘magpa-positive ka talaga kasi what they used was a positive control stick. So, malay ba namin na merong ganun right?”
Nakakabahala ang ganung pagkakamali dahil ang daming false positive cases na nababalitaan natin, at apektado ang nabibiktima ng ganun.
Tinext ko si Derek tungkol dun at kaagad na tumawag siya sa akin kahapon para ipaliwanag ito. “Wala naman tayong alam sa ganun. Pero ‘yung positive control stick ‘yan ang ginagamit pang-testing ng mga cassette. ‘Pag nilalagyan nila ng solution, nilalagay nila sa cassette, laging lalabas na positive. ‘Di ba ‘yung regular swab na pinapasok is usually clear? Ito ‘yung stem is red and that is used as a tester… ‘di ba yung swab nilalagyan nila ng liquid tapos nilalagay nila dun sa cassette? So, if you use that control stick that will always come out positive, to check that cassette is working properly.
“Laging lalabas na positive ‘pag ‘yun ang ginamit mo kasi may dead corona virus ‘yun eh. Tester siya para i-test kung ‘yung kit gumagana. Each kit of Abbot has one positive control stick. Buti na-video namin.”
Ipinarating nila itong complain na ito ni Ellen sa kumpanyang iyon, at inamin naman daw nila ang pagkakamali nila ito.
“Umamin naman ‘yung kumpanya na nagkamali sila. Pero dahil dun, imagine mo naman ‘yung emotional stress ni Ellen. Nanigurado pa rin siya, kasi pagkatapos nung test na ‘yun, nagpa-test pa siya dalawang beses dun, negative na. Tapos pag-uwi PCR, tapos lahat ng tao dito sa bahay, PCR. So, imagine mo ang laki nagastos namin diyan,” dagdag na pahayag ni Derek.
“Ang pinakamalala dun, hindi nakita ni Ellen si Elias ng 21 days na kahit nag-PCR at negative siya, sinigurado niya na tinapos niya muna 20 days na hindi niya pinabalik si Elias dito sa bahay.
“So, imagine for a mother to be away from her son for 20 days. That’s very very stressful for her,” saad ni Derek.
Kaya may pending complain ngayon si Ellen sa kumpanya nung nag-swab sa kanya at sa kanyang PA. Nilinaw naman nina Ellen at Derek na labas dito ang production ng John en Ellen, dahil pagkakamali ito ng kumpanyang iyon.
Pero may balak si Ellen na magsampa rin ng reklamo sa IATF kaugnay sa mga nalabag daw na safety protocols sa set ng John en Ellen. Kapag rest day daw nila ay may mga nag-iinuman na hindi dapat ganun. Kaya sinasabi raw ni Long na hindi nakikisama si Ellen.
Pagkatapos ng take ay pumapasok na si Ellen sa kuwarto dahil nag-iingat lang daw talaga siya at pina-practice daw ang social distancing. “Hindi sa hindi nakikisama si Ellen, nag-iingat lang. Pagkatapos mo dapat mag-take ng scene, balik ka dapat sa kuwarto mo. Sa rest day, kailangan pa may inuman pang nagaganap, bawal ‘yun,” sabi pa ni Derek. Hiningan ko ng reaksyon si John kaugnay sa isyung ito, pero ayaw na lang daw niyang sagutin pa ito. “No comment” na lang daw siya.