15 finalists ng MBC short film festival, inilabas na

Inilabas na kamakailan ng Manila Broadcasting Company ang 15 pelikulang pumasok sa final round ng kauna-unahang MBC Short Film Festival.

Sa larangan ng animation na hinusgahan nina Benedict Carandang, Teddy Co, at Adrian Arcega, pumasok ang mga pelikulang Ana ni Mary Angelica Panganiban; Stay ni Irenea Catalina Valencia; Last Piece nina Andrea Mae Kristine Bonagua, Gaspar dela Cruz III, Jenny Mateo, at Anthony P. Santiago; Home ni Bryan Kent Abias ;  at Distance ni Dexter Paul de Jesus.

Sa 49 na documentary films naman, pasok sa top five ng selection panel nina Ditsi Carolino, Seymour Sanchez, at Collis Davis ang Mga Batang Anipa nina Maria Fyl Gultian at Alundra Villanueva; Ang Meron sa Wala nina Arby at Christine Larano; Diva Divine? ni Francis Tavas; Titser Gennie ni Elijah Prades; at ang  Tausug rap Maglabay Ra in Sakit ni Mijan Jumalon.

Mahigit isang daang short features diumano ang lumahok na sadyang nagpahirap sa mga huradong sina Sari Dalena, Auraeus Solito, at Treb Monteras.

Ang nagkamit ng pinakamataas na ranggo ay ang Judy Free ni Che Tagyamon ; The Slums ni Jan Andrei Cobey; Tarang ni Arvin Belarmino; Excuse Me Miss Miss Miss ni Sonny Calvento; at Ang Gasgas na Plaka ni Lolo Bert na gawa naman ni Janina Gacosta.

May guaranteed prize na tig-kinse mil ang 15 pelikulang pinalad, bagaman sa final round, back-to-zero kumbaga ang mga obra, kung saan ibang hanay ng mga batikang hurado ang pipili ng tatlong category winners na tatanggap ng tig-75,000 at siya namang maglalaban para sa Grand Prix na may kabuuang premyo na P165,000.

Naka-upload na ang mga trailer ng mga pelikula sa dzrh.com.ph/msff

Ang kabuuan ng 15 pelikula ay matutunghayan sa webpage mula August 16 kung kailan maaa­ring bumoto ang manonood araw-araw hanggang ika-25 ng Agosto para sa kanilang Fan Favorite.  Iaanunsyo ang mga magwawagi sa isang natatanging programa sa August 28, na mapapanood sa livestream ng alas-7 ng gabi sa lahat ng social media platforms ng mga istasyon ng MBC sa buong bansa – DZRH, Love Radio, Yes The Best, Easy Rock, Aksyon Radyo, Radyo Natin, at DZRH News Television.

Ang MBC Short Film Festival ay handog ng MBS para sa ika-82 taon ng kanilang flagship station.

Show comments