Nora Aunor nanghingi ng tawad sa namatay na director!

Nora Aunor.

Muling nagluksa ang showbiz dahil sa nakakagulat na balitang pumanaw na ang kilalang TV producer at director na si Kitchie Benedicto.

Sa mga huling henerasyon sa entertainment industry ay maaaring hindi nila kilala si Kitchie. Pero sa mga matagal at beterano na sa showbiz ay malaking bahagi sa kanila si Kitchie na napakabait at magaling makisama sa lahat. Kaya nakikita sa social media ang pagluluksa ng ilang beteranong stars at TV executives sa kanyang pagpanaw.

Si Mayor Lani Mercado ang unang nag-text sa akin para iparating ang malungkot na balita dahil may mga nagtanong na raw sa kanya kung totoo ‘yun. Kaya kinumpirma ko sa close relative nilang si Robert Ortega. Totoo nga raw na pumanaw na si Kitchie noong Miyerkules ng gabi, dahil sa liver disease.

Na-cremate na siya noong nakaraang Huwebes.

Ang isa sa lubhang nalungkot ay ang original superstar Nora Aunor na isa sa naging paborito ni Kitchie, dahil siya ang nag-produce at unang nagdirek ng programang Superstar at ang Makulay na Daigdig ni Nora.

Noong Huwebes ng gabi ay nagparating sa amin ng pahayag si Ate Guy. Bahagi ng kanyang pahayag; “Masasabi ko pong isa siya sa mga naging dahilan kung bakit tumagal ng mahabang panahon ang akin pong mga programa na minahal ng sambayanang Pilipino, tinangkilik ng mga advertisers at pinarangalan ng iba’t-ibang award-giving bodies.

“Ang masasabi ko ay talaga pong napaka-dedicated ni Ate Kitchie sa kanyang trabaho. Masyado po siyang hands on para sa ikagagan­da ng aming palabas. Isa rin si Ate Kitchie sa mga saksi at promotor nang ikasal kami ni Christopher de Leon sa beach nila sa La Union, kung saan ay naging ninang namin si direk Lupita Kashiwahara dahil siya ang kasalukuyang direktor noon ng Makulay na Daigdig, at saka si Ninang Charito Solis.

“Higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya. Alam na alam niya kung may problema ako, masaya, malungkot at may sakit.

“Siya rin ang kasama ko tuwing may problema kami noon ni Tirso.

“Marami pang alaala at kulang ang espasyo na ito kung ikukuwento ko lahat. Napakalaki ng naitulong niya sa akin.

“Marami akong pagkukulang sa kanya. Saan man siya naroroon ngayon gusto kong humingi ng tawad. Kasama siya sa aking mga dasal. Ayokong isipin na wala na siya. Gusto kong buhay pa rin siya sa aking alaala.”

Hidilyn, nabuo ang kaligayahan

Ang saya ni Hidilyn Diaz pagkatapos ng quarantine niya ng isang linggo, dahil nag-reunion na sila ng kanyang magulang na sina Mr. Eduardo at Mrs. Emelita Diaz. Dumating nga ang magulang ni Hidilyn mula Zamboanga, at dumaan din sila sa tamang proseso na ipina-swab at bakunado na rin sila
Pagkalabas ng kanilang quarantine sa Hotel Sofitel kasama ang boyfriend at coach na si Julius Naranjo, lumipat sila sa Resorts World Manila bilang pagtanaw din ng utang na loob dahil sila ang nagbigay ng People Of The Year after ng kanyang silver sa Rio Olympics.

Nag-stay din sila sa Sheraton Hotel na kung saan doon nila isi-celebrate ang birthday ngayong araw ng kanyang ina.

Nakakatuwa ring tingnang kasama ni Hidilyn si Julius na parang bahagi na ng pamilya.

Pagkatapos nito ay aayusin na raw ang paglipat nila sa ibinigay sa kanyang residential condo unit sa Eastwood. At pagkatapos ay haharapin na ni Hidilyn ang iba’t ibang offers sa kanya.

AOS, apektado ng ECQ

Apektado talaga ang All-Out Sundays dahil sa pagbalik ng ECQ o enhanced community quarantine sa NCR. Dapat ay live na sila bukas, at tuloy sa taping para sa mga susunod na episodes, pero hindi na muna matutuloy.

Mabuti at may nakabangko pa silang production numbers ng Ben & Ben at ng SB19. Kaya mapapanood pa ito sa AOS bukas.

 

Show comments