Kabayan, binalikan ang pag-uumpisa ng DZMM

Noli

Kasabay ng pagluluksa ni Kabayan Noli ang paggunita ng ika-35 anibersaryo ng DZMM kung saan binalikan nila ni Peter Musngi sa TeleRadyo ang makulay na kasaysayan ng DZMM kamakailan lang sa paggunita ng ika-35 anibersaryo ng himpilan.

Sa kanyang programang Kabayan, inalala ni Noli ang pagpasok niya sa istasyon noong 1986 kung saan naging kasabayan niya ang isa pang alamat sa radyo na si Tiya Dely Magpayo.

“July 22, 1986 nang magsimula ang DZMM. Tapos yung “MM” nilagyan ng meaning na “Malayang Mamamayan,’” aniya.

Kwento pa niya, kababalik pa lamang sa ABS-CBN ng istasyon noon sa pagtatapos ng Martial Law kaya ang ka­gamitan nila ay wala pa sa maayos na kondisyon.

“Ganun ho, wala pa kaming mga gamit noon. Wala pati mga opisina noon, walang upuan.”

Sa programang HaPinay naman kasama sina Winnie Cordero, May Ceniza, at Rica Lazo ibinahagi ni Peter ang pinagmulan ng himpilan.

“Ang DZMM noon ay isang music station,” sabi ng dating station manager ng DZMM. “Ang talagang lolo ng DZMM ang DZAQ. Ang DZAQ noon ang siyang nagsilang ng Radyo Patrol noong panahon ng Ruby Tower, First Quarter Storm.”

Mula nang mabawi ito ng pamunuan ng network noong 1986, nakilala na ang DZMM bilang una sa balita at sa public service dahil sa pagtutok nito sa pinakamalalaking balita at mahahalagang pangyayari sa bansa, at sa paghahatid nito ng impormasyon at tulong sa mga Pilipino lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ito rin ang unang nagdala ng radyo sa telebisyon sa paglulunsad ng TeleRadyo noong 2007, na ngayon ay sinundan na ng ibang istasyon sa radyo sa Pilipinas.

Bagama’t nabalita noon na isasara na rin ito matapos ang pagpapatigil sa pag-ere ng DZMM sa radyo at hindi pagbigay ng bagong prangkisa sa kanila noong 2020, patuloy pa ring nakapaghahatid ng balita at serbisyo publiko ang mga bumubuo ng istasyon sa pamamagitan ng TeleRadyo, na napapanood sa cable, Facebook, YouTube, TFC, at iWantTFC. Maaari ring makinig dito gamit ang ABS-CBN Radio Service App at ABS-CBN News App.

Show comments