Stressed to the highest level ang mga taong nag-asikaso sa pagdating ng ating first Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz noong Miyerkules ng hapon, dahil paglapag na paglapag niya ng airport ay kaagad na kinuha na siya ng Philippine Airforce at pinatigil na siya sa Presidential lounge para hintayin si Pres. Rodrigo Duterte sa virtual courtesy call.
Ang payo pa naman kay Hidilyn at sa buong grupo nito na huwag silang magtagal sa airport dahil hindi safe roon. Ang airport ang isa sa spreader area talaga, kaya sinabihan na sanang pagdating ng airport, magpa-picture lang sa media, tapos diretso na hotel na kung saan siya i-quarantine ng pitong araw, at doon na rin ang virtual courtesy call sa presidente, at online interviews sa iba’t ibang network.
Pero hindi nangyari iyon, at natengga nga siya nang ilang oras sa airport.
At ang mas nagpa-stress lalo, nawala roon ang cellphone niya at passport. Mabuti na lang nakita naman at naisoli sa kanya pagdating niya ng hotel.
Nangako pa ng dagdag na pabuya si Pres. Duterte para kay Hidilyn, at meron na siyang bahay sa Zamboanga, at pati rito sa Maynila.
Pero aayusin lahat iyon pagkatapos ng ilang araw na quarantine.
Nawindang pa ang manager nitong si Noel Ferrer noong araw na iyon, dahil ang dami pang mga produktong nakisakay sa kasikatan ni Hidilyn.
Iba’t-ibang artcards ang naglabasan na kinu-congratulate si Hidilyn pero nakabalandra ang logo ng produkto nila, kaya obvious na nakisakay nang libre sa kasikatan ng ating gold medalist.
Sa ngayon naka-quarantine na si Hidilyn, kailangan niyang pagbigyan ang mga gustong mag-interview sa kanya na mga programa sa iba’t ibang networks.
Puno ang schedule ni Hidilyn na dapat ay ipahinga niya sa habang naka-quarantine.
Ang tanong ng iba ngayon. Paano raw kaya kung makasungkit uli ng gold sa mga naiwang atleta natin sa Olympics, ganundin kaya ang mga pabuyang matatanggap niya?
Sana nga mapansin din ang iba pang mga atleta nating lumalaban pa sa Olympics para sa ating bansa.
Arci, may kampanya sa bakuna
Ang isa sa sobrang proud at natutuwa sa pagkapanalo ni Hidilyn ay ang Kapamilya actress na si Arci Muñoz.
Reservist din kasi ng Philippine Airforce si Arci na kung saan ay dumaan din siya ng ilang buwang training bago siya kinuhang ambassador ng DILG para sa campaign nilang Disiplina Muna.
Kaagad na tinanggap daw niya ang responsibilidad na ito, dahil isa rin sa advocacy niya ang magbigay-tulong sa mga kababayan natin. Naging active naman kasi si Arci sa pagbibigay ng tulong magmula noong magsimula ang pandemya.
Ngayon ay isa siya sa sumusuporta sa pag-campaign na magpabakuna. “I’m very humbled to be approached by DILG to be representing their new campaign ngayon na Disiplina Muna. Sabi ko nga sa kanila, I would do anything and everything in my power to help influence and encourage people especially the youth, the young ones.
“I have so much on my plate right now. And sabi ko sa kanila, it will be a great privilege for me if I can help you this little way to encourage people to get vaccination,” pahayag ng aktres nang maka-lunch namin siya noong nakaraang Miyerkules sa restaurant niyang Shanghai Saloon sa Podium kasama ang isa ring active sa pagtulong si Renan Morales ng Bespren ng Bayan Foundation.
Nagkakilala sina Arci at Renan sa isang outreach program sa Batangas at doon nagkasundo silang magsama para sa isang hangaring makatulong.