Female personality, pinairal ang pagmamahal sa ina kesa sa galit ng ama

Puring-puri ng mga kaibigan ng kanilang pamilya ang isang magandang female personality. Maganda na siya, sabi ng mga nakakakilala nang lubos sa kanya, ay maganda pa ang kanyang puso.

Nagkaroon nang matinding problema ang kanilang pamilya ilang taon na ang nakararaan na nauwi sa paghihiwalay ng kanilang mga magulang. ‘Yun na ang pinakamadilim na bahagi ng kanilang buhay ayon sa magkakapatid.

Kuwento ng aming source, “Natural lang na sa ganu’ng sitwasyon, e, nagkakaroon ng kampihan. May pulitika sa hiwalayan. May panig sa tatay, meron namang mas kampi sa nanay.

“Matindi ang galit ng father nila sa nanay nila. Pinagbabawalan silang makipagkita sa mother nila. Du’n sa anggulong ‘yun pinupuri ng mga fa­mily friends nila ang magandang female persona­lity,” unang sultada ng aming impormante.

Nu’ng mga unang buwan at taon ay palihim kung makipagkita ang female personality sa mommy niya. Mula sa kanyang trabaho ay magpapaalam siya sa produksiyon na kunwari’y may aasikasuhin pero ‘yun ang panahong ginagamit niya para madalaw ang kanyang ina.

“Grabe ang kabaitan niya, hindi siya bumitiw ng pagmamahal sa mother niya kahit pa kung anu-ano ang mga kuwentong naririnig niya. Ang ibang mga kapatid niya, e, binalot ng takot, natiis ang mother nila, pero ibang-iba ang female personality.

“Magalit na ang buong mundo sa kanya pero wala siyang pakialam. Basta gagawin niya ang nararapat, tatanaw siya ng pagmamahal at utang na loob sa mother niya.

“Puring-puri siya ng mga relatives nila, saludo sa kanya ang family friends nila, ang mommy niya kasi mismo ang nagsasabi kung gaano siya kabuting anak,” seryosong kuwento ng aming impormante.

Kaya naman hanggang ngayon ay nandito pa rin ang magandang female personality, hindi bumabagsak ang career, patuloy na sinusuwerte.

Patuloy ng aming source, “Napakasuwerte ng mapapangasawa niya, ng mga magiging anak niya, dahil ang ganda-ganda ng puso niya.

“Sana, lahat ng anak, e, katulad ng girl, marunong magpahalaga at magbigay ng respeto sa magulang. Dati, ang tingin lang namin sa kanya, e, maganda. Basta maganda lang!

“Pero nu’ng malaman namin ang kabuuang kuwento kung gaano siya kabuting anak, e, siya na ang pinakamagandang babae para sa amin sa balat ng lupa!

“Siya sana ng mapangasawa ng male personality na da­ting nagsasabing sila na, pero hindi niya naman kino-confirm! Siya na nga sana! Siya na!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Ralph Tulfo, nagmana sa ama!

Kung ano ang puno ay siyang bunga. Dalawa lang ang anak nina Raffy Tulfo at Congresswoman Jocelyn, sina Maricel at Ralph, mga batang lumaking meron pero nakatapak sa lupa ang mga paa.

Nakagisnan nila ang mapusong pagtulong ng kanilang amang palabang broadcaster pero mapuso sa maliliit, lumaki sina Mariel at Ralph sa pagtulong nang walang hinihintay na kapalit ang kanilang ama, kaya ‘yun ang bitbit nila hanggang ngayon.

Napangasawa ni Maricel si Attorney Garreth Tungol, COS ni Congresswoman Jocelyn sa ACT-CIS Party List, si Ralph naman ay maagang natutong magnegosyo at kumikita na nang sarili niyang pera.

Ilang linggo na naming napapanood si Ralph sa Wanted Sa Radyo ng kanyang ama na namamahagi ng tulong sa mga kababayan nating walang-wala sa buhay. Nu’ng nakaraan niyang kaarawan ay siya ang namahagi ng regalo, sa halip na siya ang regaluhan, galing sa kanyang alkansiya ang ipinangtulong ni Ralph.

Lahat ng mga kaibigang nakakausap namin ay nagsasabi na napakamarespetong anak ni Ralph. Hindi nawawala ang po at opo sa kanyang pagsasalita, wala siyang kayabang-yabang, kahit pa meron naman siyang maipagmamalaki sa buhay.

Si Ralph ang klase ng anak na puwede nang pakawalan sa mundo ng pulitika nina Kuya Raffy at Ate Jocelyn. Nasa dugo niya ang pagtulong dahil du’n siya namulat. Mapuso si Ralph, malapit ang kanyang kalooban sa mga kababayan na­ting hikahos sa buhay at walang ibang mapagkukunan, binibigyan niya ng pag-asa ang mga taong gusto nang sumuko sa kahirapan.

Sana’y mapalawak pa ang pagseserbisyo ni Ralph, maraming-maraming umaasa sa tulad niyang tumutulong nang walang hinihintay na kapalit, anak nga si Ralph ng kanyang tatay at nanay.

Lumaki si Ralph na kaalakbay ang mga kababayan nating nagsusumbong-humihingi ng tulong sa kanyang ama. Dalawang mata niyang nakikita ang kagandahan ng puso ng isang Raffy Tulfo.

Hindi maaaring mamunga ng santol ang mangga. Kung ano ang ginagawa ng mga magulang ay nagiging inspirasyon para sa mga anak. Ang mga kabutihang ginagawa ni Raffy para sa ating mga kababayan ay kayang-kayang duplikahin ni Ralph.

Nasa puso ang pagtulong. Wala sa bulsa.

Show comments