“Gagawin ang lahat basta makapag-training. Mula sa mga galon ng tubig naging bag na may laman ng galon ng tubig. Pati gate ‘di pinalampas. ‘Yan ang atletang Pinoy, ‘di sumusuko at madiskarte!,” tweet ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz last June na noon pa lang ay mataas na ang fighting spirit sa paglaban niya nga sa Summer Olympics sa Japan na naglagay sa kanya sa world record.
Maaalalang sa Malaysia sila inabot ng lockdown. “Mahirap na part noong nangyari ang lockdown all over the world, ‘di namin alam ang gagawin, kung ano ang next move. Wala rin kaming kilala rito sa Malaysia, walang connection, ‘di namin alam ang lugar, at ano ang mga bawal at pwede… Then syempre, during this moment, ‘di maiwasan na magka-anxiety, mag-overthink, may takot at na-miss ang pamilya…”
Dahil hindi makabalik ng Pilipinas, naging challenge para kay Hidilyn ang training. Dito naging creative ang dalaga at ang kanyang mga coach. Ginamit nila ang mga maluluwag at bakanteng parking lots, mga galon ng tubig, at maging ang mga mabibigat na metal gates sa tinutuluyang condo. Ito ang naging gym, weights, at monkey bars ni Hidilyn.
Nagbunga ang lahat. Binuhay niya ang spirit ng buong bansa na takot pa rin ang nararamdaman dahil sa pagdami ng kaso ng Delta variant, baha at may singit pa na lindol.
Nagsimula ang weightlifting career ni Hidilyn sa edad na 17. Naging maingay nang husto ang pangalan ng dalaga nang sa kauna-unahang pagkakataon ay iniuwi niya ang silver medal mula sa Rio 2016. At ngayon, sa edad na 30, ang pangalan ni Hidilyn ay nasa second spot sa world ranking.