Ping Medina nalugi sa online sabong, nagpapa-birthday ayuda

Ping Medina.

Napapag-usapan na naman sa ilang grupo sa showbiz ang kahirapan ng buhay, pagkatapos kumalat sa social media ang ipinost ng character actor na si Ping Medina sa kanyang Instagram account na nangangailangan siya ng cash donation sa kanyang kaarawan.

Nung nakaraang July 23, Biyernes niya Isinilebrayt ang kanyang 38th birthday at hindi na nahiyang ilahad ni Ping ang kanyang kalagayan ngayon na epekto ng pandemya.

Nag-post siya sa kanyang Instagram ng “My Weird Birthday Post” nung nakaraang Linggo na kung saan humingi ng donasyon para sa kanyang kaarawan.

Hindi raw niya akalaing aabot na siya sa sitwasyong halos mamalimos na siya dahil sa nasaid na ang naipon niyang pera. At ang natira raw niyang P36,000 ay ginamit daw niya para maging online sabong agent pero wala ring nangyari, dahil naipautang daw niya ito sa isang kliyente niya at hindi pa raw siya nababayaran ng kanyang ‘master agent’ na tinatawag.

Ang isa niyang negosyong sausage sandwich ay wala ring nangyari dahil nga sa pandemic.

Hindi raw niya alam kung saan na siya kukuha ng pangrenta niya pagpasok ng buwan ng Agosto. Kaya kapag wala pa ring mangyari sa kanyang trabaho, baka ituloy na raw niya ang balak na pagtatanim sa Sagada at doon na mamumuhay. “Thing is, I don’t want to borrow money. I’d rather lose everything then move to Sagada to plant crops.

“I’m totally ready to fulfill my life-long dream of being a meditating forest hermit. Lol.

“But if I’m gonna do that I want to be sure I’ve exhausted all possible means to keep up this lifestyle. I can let go of all this. Lifestyle is not important. Life is,” bahagi ng post niya.

Nakakalungkot isipin sa isang artista, ano ba naman ‘yang P36,000 pero sa panahon ngayon ay mahirap nang buuin ito ng isang kagaya ni Ping Medina na pati online sabong na ang dami talagang sinira nitong sugal na ito. Meron na ngang nag-suicide dahil diyan.

Kaya napapaisip ka talaga rito sa ipinost na ito ni Ping Medina.

Marami ang nagbigay ng inspiring messages kay Ping, at sinasabing malalagpasan din niya ito. Pero may ilan namang hindi naantig sa post na iyun ng aktor.

Sinasabi sa kanyang magtrabaho siya at huwag mamalimos online. Pero siguro naman dahil sa post na iyun ni Ping, mabigyan siya ng trabaho dahil marami namang series na puwede siyang mabigyan ng role lalo’t magaling naman siya.

Mike Tan, problemado rin sa ipon

Hindi lang naman si Ping ang may ganitong realization.

Nang nakatsikahan nga namin ang Kapuso actor na si Mike Tan sa virtual mediacon ng Nagbabagang Luha, ramdam din daw niya ang hirap ng buhay ngayong pandemya. Mayroon na siyang sariling pamilya, may dalawang anak na kailangan niyang tustusan.

Ang laki raw talaga nang pagkakaiba ngayong may asawa’t anak na siya kumpara nung binata pa siya. “Dati mag-isa lang naman ang ginagastusan ko, ako lang, ang magulang ko lang. Kami lang magkakasama. Pero ngayon ang dami na natin sa bahay tapos lahat parang kailangang gastusan. Before parang ako lang, ang girlfriend ko na wife ko na ngayon. Yun lang,” pakli ng aktor.

“Ang laking changes. Siyempre, nalimitahan na rin ‘yung work because of the pandemic, tapos may mga quarantine pa ng ilang araw bago pumasok sa taping.

“Nandun pa ‘yung fear habang nagtatrabaho ka na what if hindi namin alam na may isang nakapasok (na may COVID). It is also a stress kapag wala kang trabaho. Kasi you always need to provide for them. Kailangan mong mag-ipon for your wife, for your kids. It’s not just about you anymore. Kailangan may ipon, may na-invest yung pera mo.

“Tapos eto pang baka ma-lockdown na naman tayo, na huwag naman sana. So, stop na naman yung buhay natin,” pahayag ni Mike na nag-aalala sa kalagayan natin ngayong lalong humihirap dahil sa patuloy pa ring kumakalat ang COVID-19.

Bahagi nga siya rito sa Nagbabagang Luha kasama sina Glaiza de Castro at Rayver Cruz na mag-uumpisa na sa August 2.

 

Show comments