Ibang taping at shooting apektado, Coco at Julia, nakaligtas kay Fabian!

Hanggang ngayon ay nagdurusa ang lahat sa tuluy-tuloy na ulan dala ng bagyong Fabian at ng Habagat.

Kaya pati mga taping at shooting ay apektado rin.

Nagsimula nang mag-taping ang bagong series ng GMA 7 na pang-afternoon drama na  Loving Ms. Bridgette na kung saan  naka-lock in sila sa Tanay, Rizal.  Ito ‘yung unang installment ng Stories From The Heart na pinagbibidahan nina Beauty Gonzales at Kelvin Miranda.

Kasisimula lang nila nung nakaraang linggo, pero inabot sila ng tuluy-tuloy na ulan kaya talon agad sila sa plan B - kinunan muna nila ang mga interior shots. Kapag bumuti na raw ang panahon saka nila kukuna ang mga exterior shot.

Mabuti na lang daw at mataas ang lugar nila sa Tanay, kaya hindi naman sila inabot ng pagbaha.

Puring-puri naman ng buong production staff si Beauty at pati si Kelvin na napakabait daw at napaka-cooperative sa kanilang taping.

Nasa Sorsogon naman ang taping ng  I Left My Heart in Sorsogon nina Heart Evangelista, Richard Yap at Paolo Contis. Nung nakaraang Lunes lang sila nagsimula.

Kamakalawa lang ay ang ganda raw ng mga eksena nila na kinunan sa isang Pili farm pero hindi raw nila ito natapos dahil inabot sila ng malakas na ulan. Kukunan na ang lahat na mga eksena sa Sorsogon, at sa susunod na lock-in taping nila ay dito na sa Maynila.

Ang dami palang magagandang lugar sa Sorsogon at kamangha-mangha raw ang laki ng library roon na iyun ang kinunan sa first taping day nila.

Mukhang mapu-promote dito ang lalawigan ng Sorsogon, kaya ang duda ng karamihan baka co-production ito ng Province of Sorsogon sa GMA 7.

Samantala, tamang-tama namang nakabalik na ng Maynila ang grupo ni Coco Martin na nag-shoot ng pelikula nila ni Julia Montes sa Pola, Oriental Mindoro. Hindi naman daw bumaha roon sa Pola, pero inabot din ng malakas na ulan dulot ng bagyong Fabian, pero natapos na rin daw nila ang kanilang shooting.

Kaya thankful ang mayor doon na si Mayor Ina Alegre dahil na-pack-up na ang shooting nang nananalasa ang bagyong Fabian.

Aljur, may wish sa Pasko

Kapag pelikula ng mga artista ni Leo Dominguez, talagang may sarili siyang promo, bilang tulong na rin sa project ng mga alaga niya.

Kaya may sariling pa-virtual mediacon si Leo nung nakaraang Biyernes sa ilang entertainment press para makatsikahan si Aljur Abrenica na very cooperative naman sa pagpu-promote ng pelikulang Nerisa na pinagbibidahan nila ni Cindy Miranda.

Nasa biyahe si Aljur nang nakatsikahan namin dahil papunta raw siya ng Filinvest 2 para dalawin ang Mommy niya at ang kapatid na si Vin Abrenica. Na-curious kasi ang mga press kung saan pupunta si Aljur dahil ang buong tsikahan sa kanya ay nasa biyahe lang siya.

Ang una niyang sinabi ay papuntang Fairview siya na ikinaintriga namin dahil ang pagkakaalam namin nandun ngayon si Kylie Padilla sa bahay ng Daddy niyang si Robin Padilla. Kinorek naman niyang sa Filinvest 2 pala siya papunta.

Minabuti ni Aljur na huwag munang magpasalita tungkol sa isyung kinasangkutan niya tungkol sa dating misis.

Ang sabi lang niya, soon ay magbibigay naman daw siya ng pahayag. Hindi lang daw ngayon ang tamang panahon.

Pero sinagot naman ni Aljur ang tanong namin tungkol sa kalagayan ng kanyang puso kung gaano ba siya kasaya ngayon pagdating sa kanyang career at personal na bahagi ng kanyang buhay.

Ani Aljur; “Masaya po talaga ako. When it comes to my personal life, it’s always been a choice to be happy. Choice mo pa rin kung magiging masaya ka o hindi. Para sa ikabubuti ng lahat, sa mga anak ko, lahat lahat. Ano talaga…you know I choose to be happy kasi pag hindi ako maayos, hindi maging maayos ang lahat.”

Hangad niyang sa darating na Pasko ay maging maayos na ang lahat at magkakasama na ang buong pamilya.

Nakatutok muna si Aljur sa trabaho, at excited siya rito sa pelikulang Nerisa na pinaka-daring sa mga ginawa niya. Mag-stream na ito umpisa July 30 sa Vivamax, KTX.Ph, iWant TFC, at TFC IPTV. Nagkakahalaga ng 249 pesos ang ticket.

Show comments