Kung ganda ang pag-uusapan ay walang kuwestiyon sa kagandahan ng isang babaeng personalidad na parang hindi nagkakaedad ang itsura. Sabi ng marami ay meron siyang fountain of youth.
Kung pag-arte naman ang sesentruhan ay natuto na siya, sa tagal na niya sa pagharap sa mga camera, marami na rin naman siyang napatunayan.
At kung kaartehan ang magiging paksa ay panalung-panalo ang magandang babaeng ito, nuknukan siya ng arte, may putong siyang korona sa ulo sa pinalulutang niyang kaartehan.
Kuwento ng aming source, “Alam n’yo, bagay nabagay sa kanya ang kaartehan niya. Hindi siya nakakainis! Ang maiinis lang sa kanya, e, ang mga naiinggit sa kanya!
“’Yung ginagawa niyang pagbe-baby talk, ‘yung pagngiwi-ngiwi niya ng lips niya kapag nagsasalita, actually, gustung-gusto ‘yun ng mga nakakaengkuwentro niya!” umpisang kuwento ng aming impormante.
?Kabisado na rin pala ng mga production people ang kanyang kaartehan, alam na nila kung paano pakisamahan ang female personality, kaya wala silang nagiging problema sa set.
Patuloy ng aming source, “Ang pag-iinarte niya naman kasi sa location, e, nakakaaliw. Hindi ‘yun ang kaartehang nakakabuwisit! Matanong kasi siya bago niya gawin ang isang eksena, e, kailangan muna niyang maintindihan kung bakit niya ‘yun gagawin.
“Marami raw kasi siyang mga pamangkin at kaibigang nanonood ng mga projects niya, kaya kailangang may justification ang mga eksenang ginagawa niya.
“Inaasahan na ‘yun ng production staff, simple lang ang pagpapaliwanag sa tanong ng female personality, meron namang continuity writer na nakabantay sa trabaho nila.
“Kapag naintindihan na niya ang scenario, e, wala nang problema, gagawin na niya ang eksena nang maayos. Paliwanag lang talaga ang kailangan niya,” paliwanag din ng aming impormante.
Para siyang suplada sa biglang tingin, pero maraming nagtatanggol sa kanya, madaling pakisamahan ang female personality dahil cowboy siya.
“Masarap siyang kakuwentuhan, malalim siya, hindi siya puro ganda lang. Sensitive din siya sa buhay ng kapwa niya, maawain siya, tumutulong sa paraang kaya niya.
“Kaya kahit may kaartehan ang girl, e, carry lang ngmga kasamahan niya sa trabaho. Tanggap nila ‘yun dahil may connection naman sa work niya ang pagiging maarte niya.
“Lalo na ngayon, palagi siyang inspired, dumating na kasi sa buhay niya ang little angel na ilampung taon na niyang pinapangarap,” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Piolo, naghahanap ng timing sa paglipat!
Mas maraming naniniwala sa kuwentong umiikot ngayon na isang araw ay Kapuso na rin si Piolo Pascual. Malakas ang kanilang kutob na lilipat na rin sa GMA-7 ang guwapong aktor.
Ang kanilang barometro—kung nasaan si Direk Johnny Manahan ay siguradong nandu’n din si Piolo. Hindi sila puwedeng maghiwalay.
Minsan na nilang pinatunayan ‘yun nang buuin ni Mr. M ang konsepto ng Sunday noontime show ng Brightlight Productions na ipinalabas sa TV5, ang SNL, na sa hindi inaasahang pagkakataon ay naging SLN ang kapalaran.
Poste si Piolo ng musical variety show kasama sina Maja Salvador at Catriona Gray at marami pang ibang artista ng ABS-CBN. Sayang
nga lang dahil naka-one season lang ang programa.
Sabi ng aming source na hindi nanununog at nangunguryente, “Maghintay lang kayo. One day, nasa GMA-7 na rin si Piolo. Kung nasaan si Mr. M, nandu’n din siya. Parang tatay na kasi niya si Mr. M.
“Hindi pa lang nila pinalulutang ang paglipat ni Piolo, paisa-isa lang muna, pero huwag na kayong magugulat kapag lumabas ang totoo,” sabi ng aming impormante.
Kung bakit naman may nakausap din kaming source na artista na ganu’n din ang sabi, inaayos na raw ang nalalapit na paglipat ni Piolo sa GMA-7, sina Mr. M at Ms. Mariole Alberto ang nag-aasikaso sa pagkabilang-bakod ni PJ.
Parang copy paste lang ang sinabi ng aming kausap na personalidad, “Nasa Amerika pa si Piolo ngayon, may ginagawa siyang movie du’n, pero hindi ba puwedeng umandar ang transaction kahit wala siya dito?
“Ano naman ang ginagawa ng mga virtual communication ngayon? May mga kontratang niluluto nang malayuan. Kung nasaan si Direk Johnny Manahan, siguradong nandu’n din si Piolo,” plakado sa una naming source na pahayag ng kausap naming kilalang personalidad.
Wala pang kukumpirma ng istoryang ito, wala pang magsasalita, hintayin na lang natin ang mismong araw na Kapuso na rin si Papa P.