Ate Vi, ‘di pa makadesisyon...
MANILA, Philippines — Si Congresswoman Vilma Santos nga mismo ang nag-post ng isang video niya na nagpunta sa isang maliit lang namang gulayan, umani ng bunga at pagkatapos ay sinabi ngang ang kanilang naani noong araw na iyon ay dadalhin sa evacuation centers para makatulong sa mga na-evacuate na naman dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Taal.
“Pero may isa pang point na gusto kong bigyan ng diin doon, iyong katotohanan na kung magtatanim lang tayo, walang magugutom na Pilipino. Marami na akong nakitang ganyan, lalo na sa abroad. Kahit na nakatira sila sa condominium, may mga paso sila sa bintana na ang nakatanim ay mga gulay. Usually ang nakagawian natin mga flowering plants, maganda iyon pero ano ang pakinabang pagkatapos. Kung gulay hindi na natin bibilhin iyong mga kailangan natin. Pareho lang ang pagod sa pag-aalaga,” umpisa ng kuwento niya.
“Mayroon pa akong nakita, sa Batangas mismo. May malaking bahay at doon sa garden nila may fish pond. Dati raw ang nakalagay doon Koi, dahil maganda. Ngayon ang inilagay nila ay mga tilapia. Nanghingi lang sila ng fingerlings, napalaki nila at naparami. Ngayon hindi na rin sila bumibili ng isda,” aniya pa.
“Natatandaan ko noong araw na mga bata pa kami at nag-aaral, itinuturo na iyan eh, iyang self sufficiency. Pero nasanay tayo na bumili na lang kung ano ang kailangan, tutal may malapit na talipapa, may convenience store sa kanto, at may mga sari-sari store pa. Pero hindi tayo dapat umasa roon eh, papaano kung wala ka na ngang pambili?” sabi niya pa tungkol sa pagsasariling sikap para may makain.
“Kagaya rin noon, ang ibinigay namin sa isang evacuation center ‘yung nakuha naming gulay. Nailuto naman nila. Hindi ba mas masustansiya pa pa ‘yun at parang normal ang buhay nila kahit na nasa evacuation center kaysa kung ang kinakain nila sardinas? Nagtulungan sila, may nagluto tapos hati-hati sila. Hindi kailangang gumawa ng batas para riyan. Ang kailangan basic education lang sa mga tao,” mahaba pa niya pagkukuwento.
Oo nga naman. Tumpak ang kanyang mga sinasabi.
Sa social media, panay ang tulak sa kanyang tumakbo sa mas mataas na posisyon. Ano ba talaga ang plano ni Rep. Vilma?
“Wala pa talagang plano. Ilang buwan pa naman bago kami kailangang gumawa ng desisyon. Hindi mo masabi kung kailangan ko talagang tumakbo sa isang national position o magbabalik ako sa local government. Kasi kung mga taga-Batangas ang pakikinggan ko, gusto nila sa local government ako. Hindi lang din naman ako ang gagawa ng desisyon niyan, I will have to wait for the party decision. Sa ngayon hindi ko pa iniisip iyan. Gusto kong makagawa muna ng pelikula,” sabi pa ni Ate Vi.
Kylie, back to zero ang career
Pinayuhan daw ng kanyang tatay na si Robin Padilla, si Kylie, na balikan ang kanyang showbiz career. Iyon nga naman ang pinakamagandang magagawa niya dahil sa ngayon naharap siya sa responsibilidad na magpalaki sa kanyang dalawang anak.
Kung dumating nga naman ang panahon na walang maitulong ang tatay ng kanyang mga anak, responsibilidad niyang mag-provide sa mga anak niya.
Pero kung magbabalik nga si Kylie sa show business, para na naman siyang nagsisimula ulit.
At siguro naman, kung magbabalik nga siya ay magiging aktibong muli ang kanyang fans para suportahan siya.
Male starlet, grabeng magpresyo sa ‘meeting’
Tumawag ang isang dating male starlet sa isang showbiz gay at ang tanong niya ay “gusto mong mag-meet tayo?’” Pero ang nakakatawa raw, sabi ng showbiz gay, ang dating male starlet ay nanghihingi na agad ng malaking halaga para sa “meeting” nila.
“Ano siya superstar? Ganoon ang presyo niya. Napakaguwapo ba niya?” ang nagtatawang sabi ng showbiz gay.
Kung minsan kasi may mga ganyang tao na masyadong mataas ang tingin sa sarili nila.
- Latest