MANILA, Philippines — Iba’t ibang kwento ng pagmamahal na nagbibigay pag-asa sa mga manonood ang pagbibidahan nina Iza Calzado, Heaven Peralejo, at Zaijian Jaranilla ngayong Hulyo sa MMK.
Magbabalik-MMK si Zaijian Jaranilla sa kanyang pagganap bilang si Andy, isang Nursing student na humarap sa masaklap na hamon ng buhay – ang pagkakasakit ng ina at dalawang kapatid ng chronic kidney disease. Alamin kung paano niya at ng kanyang ama na si Abe (Nonie Buencamino) malalampasan ang sunud-sunod na problema sa two-part special na nagsimula nitong Hulyo 3.
Sa darating naman na Hulyo 17, balikan ang kwentong pag-iibigan nina Tim at Jung Won na pinagbidahan nina Ejay Falcon at Sunshine Kim. Kahit naging malaking pagsubok sa kanila ang pagkakaiba ng kulturang kinalakihan, papatunayan nila na mas mananaig ang kanilang pagmamahalan sa isa’t isa.
Samantala, tunghayan ang buhay ni Julie (Heaven), isang dalaga na sinuwerteng magkaroon ng dalawang inang nagsilbing gabay sa kanya, ngayong Hulyo 24. Labis ang paghanga ni Julie sa kanyang inang si Caridad (Iza Calzado) na naging protektor niya laban sa kanyang mapang-abusong ama. Ngunit mag-iiba lang ang lahat nang magkaroon ng Schizophrenia si Caridad.
Dahil naiwan sa kanya ang responsibilidad ng ina, kamumuhian ni Julie si Caridad. Sa pagdating naman ni Esther (Shamaine Buencamino) sa buhay ni Julie, unti-unting mahahanap ni Julie ang pagmamahal sa ina.
Magpapakilig namang muli ang kwentong pagmamahalan nina Emman (Joem Bascon), isang janitor at ni Maricar (Denise Laurel), ang kanyang boss.
Paanoorin kung paano magpupursige si Emman para makamit ang buhay na inaaasam para sa kanilang mag-asawa.
Anyway, sa mediacon nito three days kinumusta si Iza sa kanyang growth as an actress. “Thirsty pa ako for growth. Last year ako nagstart na mag-acting workshop. Actually nag voice lessons din ako. It does not mean na gusto ko magka-album. I’m all about growing,” aniya.
Ano naman ang masasabi niya na naka-isang taon na ang shutdown ng ABS-CBN? “Wow July 10, naalala ko tuloy I think around this time last year it was our first taping for Ang Sa’yo Ay Akin, tulad ng nasabi nila one year later we’re still here. I want to congratulate the network kasi kahit ganito tayo, we have talked about shows. I’m very grateful sa opportunities,” pahayag pa ng aktres na isang COVID survivor.