Nakakaintriga na raw ang closeness ng veteran actor at ng baguhang young actress na napakaganda pa naman.
Iyon na nga ang nakikita nila kay young actress na parang ‘father figure’ ang type n’ya kaya nalalaman na ng ibang staff sa kanilang lock-in taping na laging nakatambay itong si young actress sa kuwarto ni veteran actor.
Bawal dapat iyon, pero minsan ay nakakalusot, at ngayon daw ay nakikita na ng iba ang closeness nila. May ilang nagpu-post ng kuha nilang dalawa at may caption pang ‘ang sweet.’
Open na kaya sila sa kung ano mang nabuong relasyon sa kanilang dalawa.
Malamang iiwasan itong pag-usapan ‘pag ipu-promote na nila ang kanilang programa. Tingnan na lang natin!
Kapamilya, inaalala na ang pagbasura ng prangkisa
Ngayon pa lang ay ginugunita na ng ilang taga-Kapamilya network ang araw nang ibinasura ng Kongreso ang franchise ng ABS-CBN 2. Sa July 10 ay eksaktong isang taon na ito kaya isang taon na ring wala na tayong napapanood sa pihitan sa TV na Channel 2.
Pero heto na nga, simula sa August 2 ay may Channel 2 na ang mga Cignal subscribers. Ito ‘yung BuKo Channel o Buhay Komedya ng Cignal TV, Inc. at APT Entertainment, Inc.
Dito natin mapapanood 24/7 ang mga classic na comedy shows, sitcoms at gag shows kagaya ng Pidol’s Wonderland, Bubble Gang, OGAG, Wow Mali, Man en Chiz at marami pa.
Tatlong programming blocks ito – Tawang Pinoy Klasiks, Throwback Tawanan at BuKo Originals.
Dito sa BuKo Originals magkakaroon ng sariling show si Maine Mendoza, ang #MaineGoals na parang travel show pero may mga patawa pa rin. May cooking show din si Pokwang, ang Kusina ni Mamang na gustung-gusto naman niyang gawin. Meron ding parang talent-reality show na Beach Buddies at ang patawa ring News Patol na magri-report ng mga patolang balita.
Kuwento ni direk Mike Tuviera na President & CEO ng APT Entertainment, Inc; “Itong kay Maine…it’s almost like…not just a travel vlog but an experience vlog. Kasi ‘yung nangyari sa amin, we wanted Maine, not just to go to places but experience things that she had never experienced before. With Maine, she can’t help to make things entertaining and funny.
“It is travel, it is experience, but always laced with laughter and fun.”
Ibang katatawanan din daw ang nakakatuwang cooking show ni Pokwang.
“Si Mamang naman I think cannot do something without make other people enjoy. Napaka-natural sa kanya ‘yun. Sobrang organic,” dagdag na pahayag ni direk Mike.
Marami pa silang ibang comedy shows na akma na sa panlasa ng lahat lalo na sa bagong henerasyon.
Glydel, nagmarka
Nag-trending noong Martes ang #TWBUByeNay ng bagong drama series ni Alden Richards na The World Between Us. Madrama ang mga eksena ng mag-inang Glydel Mercado at ng batang si Alden na ginampanan ni Izzy Canillo.
Puring-puri silang dalawa at ang ganda ng mga kuha sa mga eksena nila hanggang sa death scene ni Glydel.
Nagulat nga si Glydel nang ikinuwento ko sa kanyang nag-trending sila noong Martes at ang daming pumuri sa acting niya. Text niya sa akin; “Ang dami kong messages sa IG and FB sa messenger ko simula nung Monday pa. Ang daming nagtatanong kung bakit namatay agad ako.
“I’m thankful to be part of The World Between Us, kahit sandali lang ang role ko. At least, markado siya and pati ako naiiyak sa mga eksena namin ng young Alden. Kasi nun ko lang napanood ang kabuuan ng story namin….nakakaiyak talaga.”