Pamilya galit na…
Suportado ng kanyang buong pamilya ang mga pangarap ng isang kilala at guwapong male personality. Nu’ng dumadaan sa audition ang lalaking personalidad ay palaging nakasuporta ang kanyang mga magulang.
Sobrang close sa isa’t isa ang buong pamilya, hindi sila mayaman, pero masaya sila. Lumaking simple lang ang magkakapatid, alagang-alaga sila sa disiplina ng kanilang mga magulang, kitang-kita naman ‘yun sa nakikita nating ugali ngayon ng male personality.
Pero kung kailan naman nagkapangalan na ang male personality ay saka pa sila nagkaroon ng problema. May hindi sila pinagkakasunduan.
Kuwento ng aming source, “Nakakalungkot. Pati ang mga kaibigan ng pamilya nila, e, nalulungkot sa mga nangyayari. Nagkakaroon kasi ng gap ngayon ang male personality at ang family niya.
“Hindi ‘yun nangyari sa buong buhay niya. Wala silang pinag-aawayan, hindi sila kailanman nagkaroon ng pinagtatalunan,” unang hirit ng aming impormante.
Naging karelasyon ng male personality ang isang kilalang babaeng personalidad na dati namang girlfriend ng isang young actor na ka-network nila.
“Naramdaman kasi ng family ng guy na parang nagbabago ang ugali niya. Parang malakas ang influence ng girl sa kanya. Mabait pa rin naman ang male personality pero marami na siyang hindi sinusunod.
“Pagod siya sa pagtatrabaho, pinapayuhan siya ng parents niya na magpahinga, para hindi siya magkasakit. Kailangan niyang palitan ang lost energy niya, pero mukhang mas matindi ang salita ng girlfriend dahil ‘yun ang sinusunod niya.
“Uuwi lang siya para maligo pero umaalis din siya agad, ‘yun kasi ang gusto ng babae, palaging nakababad sa place niya ang male personality.
“Natural, nagmamalasakit lang naman ang parents niya, kailangan niyang magpahinga, pero kinukuha pa ng girlfriend niya ang panahon para makabawi siya ng energy.
“’Yun ang nagiging problema ngayon, nagkakaroon ng gap ang male personality at ang mga magulang niya dahil sa girlfriend niyang very demanding. Kung ano ang gusto niya, e, kailangang sundin agad ng male personality!
“Ang mga kabataan nga naman kapag umibig, nakakalimutan nang alagaan ang kanilang sarili, pati ang parents nila na concerned lang naman sa health niya, e, hindi na pikakikinggan!
“Balik tayo sa grade one. Babebibobu, Dadedidodu. Gagegigogu. Bahala na kayong magdugtong!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Sen. Manny, pinayuhang tutukan muna ang laban sa boxing kesa pulitika
Nakakabahala ang magiging resulta ng susunod na laban ni Senador Manny Pacquiao. Ngayong Sabado ay lilipad na siya sa Amerika para tutukan ang kanyang pag-eensayo sa Wild Card Gym ng kanyang trainer na si Coach Freddie Roach.
Mahigpit ang kanyang pagdadaanang training, utak at katawan ang kailangang bantayan bago siya sumalang sa lona, wala dapat siyang bitbit na problema at nakapokus lang siya sa laban at sa kanyang kalaban.
Ibang-iba ang sitwasyon ngayon, nakapagitna si Pacman sa isang matinding kontrobersiya, mismong pangulo pang dapat ay kaalyado niya sa partido ang kalaban niya.
May mga sumasang-ayon sa kanyang opinyon na mas tumindi pa ang korapsiyon ngayon, pero marami ring kumokontra, lalo na ang mga kakampi sa pulitika ni PRRD.
Harinawang pansamantalang iwanan ng Pambansang Kamao ang kontrobersiyang ito para mapagtuunan niya ng panahon ang kanyang nalalapit na laban. Hindi niya naman inaangkin ang tagumpay, ihinahandog niya ‘yun sa buong sambayanan, maraming beses na niyang isinulat ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo.
Kilalang mapagkumbaba at walang kayabang-yabang si Senador Manny, sa kabila ng kanyang kasikatan at tagumpay ay nakatanim pa rin sa lupa ang magkabila niyang paa, kaya maraming naniniwala na hindi away ang gusto niya kundi kaayusan lang ng ating bayan.
Makabuluhang opinyon ng kaibigan naming propesor, “Totoong nakakapag-alala ang next fight niya, may matinding problema kasi siyang dala-dala. Pilitin man niyang kalimutan ang paghahamon sa kanya ni PRRD, e, siguradong naglalaro pa rin ‘yun sa subconscious niya.
“Pero nakapag-aalala rin ang nangyayari ngayon. Baka dahil sa sobrang pangdidikdik sa kanya, e, pumasok ang sympathy votes. Alam naman natin ang emosyon ng lahi natin.
“Naniniwala tayo sa kasabihang you don’t kick a dying dog. Kumbaga sa boxing, e, liyamado siya sa laban kapag namayani na ang sympathy votes,” sabi ni prop.
Iwanan na natin ang laban sa pulitika kina PRRD at Pacman, mainit lang ang pagpapalitan nila ng mga salita ngayon, pero isang araw ay mabubuo na uli ang tulay sa kanilang pagitan.
Sabayan na lang natin ng panalangin ang nalalapit na pakikipag-engkuwentro ni Pacman sa lona. Laban kaninuman ay magkakakampi ang mga Pinoy.
Matinding marka na ang ibinibigay sa ating bansa ni Senador Manny Pacquiao. Naranasan namin ‘yun sa mga pagbiyahe namin sa ibang bansa.
Pagkatapos suyurin ng nakatalagang opisyal ng Immigration ang passport ng kahit sinong Pinoy ay sasabihin nito—“Pacman country.”