Ayaw tantanan ng dating misis?!

Mukhang masama ang loob ni Anjo Yllana, bagama’t sinabi naman niyang tanggap niya ang desisyon ng kanyang producers na tanggalin siya sa kanyang sinalihang noontime show. Ayon kay Anjo, nagsabi lang naman daw siya sa staff tungkol sa ilang mga kasama nilang nag-iinuman sa kanilang lockdown taping, na sa tingin niya ay bawal. Ang gusto lang naman daw niya ay mapigil iyon at hindi na maulit pa.

Hindi iyon ang unang controversy sa show na iyon. Nauna na ang problema nina Janno Gibbs at Kitkat. Hindi mo naman masisi ang management kung ang desisyon nga nila ay mag-alis na lang ng mga nagkakasamaan ng loob kaysa mag-show sila nang hindi nagkakasundo.
Mukha ring nalalagay talaga sa ala­nganin si Anjo, dahil bagama’t hindi siya tinukoy nang diretsahan ng dating­ asawang si Jacqui Manzano, ang pahayag noong “hindi ko akalain na ako ang maging ama at ina ng aking mga anak,” at ang idinugtong pa noong “hindi matatalikuran ng isang ama ang responsibilidad niya sa kanyang mga anak kahit sabihin niyang wala siyang pera,” ay parang sinasabing sa kanya na nga lang iniaasa ni Anjo ang mga pangangailangan ng kanilang apat na anak.
Bagama’t matagal na rin silang nagkahiwalay dahil hindi nga sila magkasundo, ngayon lang nagsalita nang ganyan si Jacqui. Ngayon, dahil hindi na nga siguro siya busy dahil nawala ulit ang kanyang noontime show, makakapag-isip na mabuti si Anjo at mapaplano kung papaano niya haharapin ang kanyang mga problema at responsibilidad sa kanyang pamilya. Mahusay namang komedyante si Anjo, kaya kung nawala man siya sa isang show, tiyak na may kukuha naman sa kanyang iba. Kailangan lamang na madiskartehan niya nang husto ang susunod niyang career moves.

Malaki ang kaibahan talaga noong panahong nabubuhay pa ang dati niyang manager na si Douglas Quijano dahil noon ay halos wala na silang kailangang intindihin. Pero iba na nga ang takbo ng panahon ngayon, at tagilid pa ang industriya ng entertainment dahil sa lockdown.

Walang choice sa ­paglipat

May mga nagtatanong, si Bea Alonzo ba ang sinasabing sikat at award winning actress na lilipat na rin sa GMA? O baliktarin natin ang tanong, may choice ba si Bea kundi ang lumipat sa GMA? Siguro walang ibang makapagbibigay sa kanya ng gusto niya sa kanyang career kundi ang GMA sa ngayon. Hindi naman tataya sa napakalaking production cost ang ibang networks dahil wala silang kakayahang ma-recover iyon, malulugi lang sila.
Siguro nga naranasan ni Bea ang glorya noong siya ay nasa ABS-CBN pa, pero sa ngayon ay wala ngang franchise ang ABS-CBN, at kung susuwertehin, malamang pinakamaagang balik nila on the air ay 2023 pa. Ibig sabihin, mga dalawang taon pa silang maghihintay. Kaya pa ba nilang nakatengga lang ng dalawang taon?

Baguhang male star, inuunti-unti ang pagladlad

Ayaw sabihin ng isang baguhang male star na siya ay “nag-come out” na nga, bagama’t inamin niya sa isang interview na nararamdaman niyang gay siya.
Nauna rito, may akusasyon siyang “sexual harassment” laban sa isang nakasama niya sa kanyang ginawang bading series na inilabas nga kamakailan sa internet. Ngayon nga unti-unti na niyang inilalabas iyon, at totoo naman ang sinabi niya na maraming bading sa show business na ayaw lang umamin.
Mayroon pa ngang isang male star na gumagawa na rin ng mga bading series at bading movies, na ayaw pa ring umamin dahil palagay niya, iyon ay makakasira sa kanyang career. Pero sa kanyang mga kaibigan aminado na siyang siya ay isa ring “girl.”
Iyan namang kabadingan, parang bagoong iyan. Itago mo man tiyak na sisingaw at sisingaw at ma­ngangamoy sa mga nasa paligid niya. Hindi talaga maitatago ‘yan.

Show comments