G Tongi ipinasilip pagtatapos ng 'graduate studies' sa US sa edad na 43-anyos

Litrato ni G Tongi sa kanyang Instagram post habang nagpo-pose sa kanyang berdeng toga, Lunes
Mula sa Instagram account ni Giselle "G" Tongi

MANILA, Philippines — Ibinahagi ng Swiss-Filipina actress na si Giselle Tongi ang kanyang pormal na pagtatapos ng graduate studies sa Amerika, bagay na kanyang tinapos sa gitna ng pandemya.

Dekada '90 nang naging tanyag si G sa Pilipinas bilang aktres, host video jockey (VJ) at model, hanggang sa lumipat sa Estados Unidos para subukan ang kapalaran sa ibayong-dagat.

"Looking (toward) the horizon as I add this humbling milestone under my belt. Graduate school in a pandemic was certainly unexpected and challenging but somehow here we are... we made it to the finish line!" ani G sa isang paskil, Lunes.

"Congrats to all the @antiochuniversityla graduates on our accomplishment! Am proud to be (among) you all! Salamat (Thank You) to my family for all your love & support!"

 

 

Virtual ang peg ng kanyang 2021 graduation sa Antioch University Los Angeles, kung saan kumuha siya ng 18-month course sa non-profit management.

Sa mga litratong ibinahagi ng aktres, na kasal sa banyagang si Tim Walters, kita kung paano siya ipinagbunyi ang pagtatapos habang nakasuot ng berdeng toga.

Taong 2019 nang simulan ng 43-anyos na celeb ang mga klase sa naturang programa, ngunit inilipat daw ito lahat online nang mangyari ang pandemya noong Marso 2020.

Matatandaang nakilala si Giselle sa mga palabas gaya ng "Palibhasa Lalake," "Gimik," "Mulawin," "Oka Tokat," atbp. Naging VJ din siya noon para sa MTV Asia. — James Relativo

Show comments