James, tumangging umepal
Pinuri si James Yap ng reporters na nag-cover sa inurnment ng dating Pangulong Noynoy Aquino, at pati na rin ang karamihang sumusubaybay sa libing noong nakaraang Sabado.
Tahimik lang siyang dumating sa misa sa Church of Gesu sa Ateneo de Manila, nakatayo lang sa likod ng simbahan at tinapos ang misa.
Tumanggi siyang magpa-interview at hindi na nga siya lumapit sa pamilya Aquino, pati sa dating asawang si Kris at sa kanilang anak na si Bimby. At pagkatapos ng misa ay sumama pa siya sa convoy patungong Manila Memorial para makipaglibing.
Ayon sa ilang napagtanungan naming nandun sa Manila Memorial, hindi pa rin daw lumapit si James kay Kris. Hindi rin daw nila alam kung nakita siya ni Bimby, pero may isang pamangkin daw na binati roon ni James at ang asawa raw ni Ballsy. Sinamahan daw si James ni Batangas Vice Governor Mark Leviste hanggang sa makaalis ito ng sementeryo.
Sinasabihan nga raw ni Mark si James na lapitan na si Kris, pero hindi niya ginawa.
Kaya pinuri si James ng mga reporter na nag-cover na talagang nakiramay lang ito roon. Kinukuwento nga raw ng ilang reporters doon na noong mag-asawa pa raw sina James at Kris, ang dating Pangulong Noynoy daw ang talagang pumapansin kay James at mabait daw ito sa basketbolista.
FB live ni Sen. Bong, may fake account
Ang dami na namang pinasaya ni Sen. Bong Revilla na followers niya sa Facebook dahil sa ibinigay niyang cash prizes at gadgets pagkatapos ng airing ng Agimat ng Agila noong nakaraang Sabado ng gabi.
Nag-enjoy ang mga anak niya na sumali sa pamimigay ng papremyo sa mga nagpadala ng selfie nila habang nanonood ng Agimat ng Agila. Sabi ni Sen. Bong, hindi raw siya nanghihinayang sa pagbigay ng papremyo sa mga patuloy na sumusuporta sa kanyang programa sa GMA 7, dahil consistent itong nagri-rate, at lalo pa ngang nadagdagan ng commercials loads.
Reklamo ko nga kay Sen. Bong, nakakasira ng momentum kapag bitin ka sa mga eksena, tapos biglang papasukan ng napakaraming commercials.
Kaya paulit-ulit siyang nagpapasalamat at hindi naman daw ito pinabayaan ng GMA 7. Inaayos na raw ang script sa book two, at willing naman siyang sumalang sa lock-in taping nito.
Samantala, gusto palang iparating ni Sen. Bong sa followers niya sa Facebook na huwag basta-basta maniwala sa ilang account na naglalabas ng FB live.
May isa siyang FB live na ipinapakita niya ang isang account na 640 ang nakalagay na nag-i-FB live din siya. Iyon pala lumang FB live iyon na ina-upload sa fake account na iyon. Hindi raw niya alam bakit may kumukuha ng FB live at ipinapalabas sa ibang account. Kaya nag-aalala siya at baka pagkakakitaan pa raw iyon ng kung sino man ang gumawa ng account na iyon.
Samantala, meron pa rin palang nag-aalok kay Sen. Bong na gumawa na ng pelikula, pero hindi muna niya ito ine-entertain. Hangga’t wala pa raw linaw ang pagbubukas ng mga sinehan, hindi raw muna siya gagawa ng pelikula.
Wish pa naman niyang makasali na sa Metro Manila Film Festival, pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring linaw kung may MMFF o wala ngayong 2021.
- Latest