Dalawang babae na naagawan ng isang babae ring personalidad, magkakampi na ngayon!

Ay, sanggang-dikit ngayon ang isang pamosong female personality at ang isang non-showbiz girl, palagi silang magkasama, magkaibigan na sila ngayon.

May common denominator ang dalawang babae, nananalamin sila sa isa’t isa, may isang babaeng personalidad na minsan isang panahon ay nanggulo sa kanilang personal na buhay.

Magkaiba lang ang lalaking sangkot sa kuwento, pero kinarelasyon ng female personality, kahit pa alam naman nitong may pananagutan na.

Kuwento ng aming source, “They have something in common, ‘yun siguro ang reason kaya naging magkaibigan sila. Pareho kasi silang inagawan ng candy ng female personality!”

Lantad naman ang kuwento na naging karelasyon ng male personality na ama ng anak ng female personality ang babae. Hindi pa napapawalang-bisa nu’n ang kanilang kasal.

Patuloy ng aming source, “Siya ang naging third wheel sa relasyon, wala siyang pakialam kung may pananagutan pa ang guy sa female personality!

“Natural, hanggang ngayon, marinig pa lang ng female personality ang pangalan ng girl, e, sirang-sira na ang araw niya!” kuwento ng aming impormante.

Mas masakit naman ang naganap sa non-showbiz girl, kinaibigan siya ng babae, pero iba pala ang pakay nito.

Sabi uli ng aming source, “Hindi naman pala ang friendship nila ang pinahahalagahan ng girl, meron pala siyang binabantayan, buking na buking ng non-showbiz girl ang ginawa niyang pagmamaniobra!

“At nagtagumpay ang hitad! Nagetlak niya ang guy na dapat, e, mapapangasawa ng non-showbiz girl! Nakahanda na ang lahat, nag-propose na ang guy sa kanya, pero kamukat-mukat, e, na-anaconda na pala ng female personality ang lalaki!

“Denay pa nang denay ang female personality nu’ng komprontahin ng kaibigan niya, cry nang cry, hindi raw niya magagawa ‘yun, pero anyare?

“Kaya nagkakasundo ang dalawang babae ngayon, pareho kasi silang inagawan ng female personality, sa totoo lang! Aray ko! At isa pang aray ko!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kasal nina Dave at Ara, fake news

Fake news ang lumabas na kuwentong nagpakasal na sina Dave Almarinez at Ara Mina. Nakadamit-pangkasal kasi si Ara sa larawang lumabas na bahagi lang pala ng pre-wedding pictorial nila ni Dave.

Ayon sa aming source ay sa Martes pa lang, June 29, matutuloy ang kasalan sa Baguio. Dalawang beses nang hindi natutuloy ang kanilang pagpapakasal.

Kinailangan daw kasing mag-lock-in taping para sa Ang Probinsyano si Ara kaya hindi rin natuloy ang ikalawang plano ng pagharap nila sa dambana ni Dave Almarinez.

Sa kapaniwalaang Pinoy ay nagbabadya ng hindi kagandahang kapalaran ang urong-sulong na pagpapakasal. Kung sa plano pa lang daw ay nagkakaroon na ng mga balakid ay paano pa ang kanilang pagsasama?

Pero sana nga, sa ikatlong pagkakataon, ay matuloy na ang kanilang pagpapakasal. Kahit naging masalimuot ang biyahe ng pakikipagrelasyon ni Ara Mina ay may karapatan din naman siyang lumigaya.

Harinawa.

Fans ng Ginebra hindi pa nawawala ang galit kay Scottie

Bilang isang lantad na tagasuporta ng Ginebra ay maraming humihingi ng aming opinyon tungkol sa naganap na relasyon nina Scottie Thompson at Pauline Fajardo.

Walong taon na ang kanilang relasyon, nu’ng nakaraang Enero ay nag-propose na sa kanya ang pambatong shooter ng Ginebra, pero nagulantang ang lahat nang magpakasal si Scottie kay Jinky Serrrano na isang flight attendant.

Galit na galit ang mismong mga Ginebra fans kay Scottie, sobrang sakit nga naman para kay Pau ang nangyari, walang-wala pang pangalan at kabuhayan si Scottie ay si Pauline na ang nand’yan na nagbibigay ng suporta sa manlalaro.

Sabi pa ng isang galit na Ginebra supporter, “Niloko mo si Pau! Ang dapat sa iyo, e, i-trade na lang ng Ginebra sa ibang teams!”

Naglabas na ng saloobin si Pauline, ramdam na ramdam namin ang kanyang pinagdadaanan, pero ayon sa kanya ay tuloy pa rin ang buhay sa kabila ng ginawa sa kanya ni Scottie.

Nabasa namin ang isang magandang mensahe, “In three words, we can sum up everything we’ve learned about life—IT GOES ON.” Na totoong-totoo naman.

Hindi sapat ang isang lalaki para pahintuin ang ikot ng buhay ni Pauline, iikot pa rin ang mundo kahit wala na ang lalaking minahal niya at pinagkatiwalaan, napakaraming isda sa dagat.

Pero mapagbiro ang kapalaran. Sikat na kasi si Scottie Thompson. Marami nang nagbago sa takbo ng kanyang buhay.

The caterpillar is now a butterfly, hindi na siya gumagapang, mataas na ang kanyang lipad.

Show comments