Dahil hindi rin magawa ni Congresswoman Vilma Santos na mag-ikot talaga at personal na kausapin ang kanyang constituents dahil sa umiiral na quarantine restrictions, gumawa siya ng isang video na inilabas niya sa mga social media accounts niya, na kumukumbinsi sa mga tao na magpabakuna na para mabilis na maabot ang herd immunity.
Mabilis na kumalat ang nasabing video dahil isine-share rin ng kanyang fans. Ang original video post ay mayroon nang anim na libong shares, kaya naniniwala rin naman si Ate Vi na malawak na rin ang naabot ng kanyang mensahe.
Bukod doon, hindi mo naman matatawaran ang kredibilidad ni Ate Vi, at iyan ay isang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay maraming kumukuha sa kanya para sa commercial endorsement. Eh kung marami ang naniniwala sa mga commercial niya, di lalo na nga sa mga ganyang infomercial.
Pero ang problema naman, at hindi nga maikaila iyon ni Ate Vi ay ang kakulangan ng bakuna. “Medyo bumagal nga tayo nang kaunti at napansin ko rin na maski si Secretary Galvez (Carlito Galvez) inaamin na nagkakaroon ng delay ang dating ng mga inaasahan nating bakuna. Minsan magbibigay sila ng petsa ng dating, pero iyon ay tentative lang, hanggang hindi naisi-ship papuntang Pilipinas hindi tayo makakasiguro.
“Aminin natin na umiiral ang law of supply and demand iyan. Ilan lang ang gumagawa ng bakuna, at bukod sa kanilang sariling bansa, maraming malalaki at mayayamang bansa na ang kinukuha sa kanila milyon-milyong doses at may pambayad agad, natural uunahin nila iyon kaysa sa atin.
“Mabuti may Covax facility na tumutulong naman sa atin, at may mga bansa na may surplus na nakukuha naman natin. Hindi naman kasi nila maaaring imbakin lang ang bakuna, kaya nagbibigay na lang sila sa mga bansang nangangailangan.
“Basta ako confident ako na soonest possible time, maaabot din natin iyang herd immunity, o kung hindi man may sapat na bilang ng mababakunahan para mabuksan na ang ekonomiya at magbalik na tayo sa normal nating pamumuhay,” mahabang pahayag sa akin ni Ate Vi.
Pagsara ng ABS-CBN, pinababa ang TV audience sa ‘Pinas
May study, bumagsak daw ang bilang ng television audience sa Pilipinas simula noong mawala ang ABS-CBN. Siguro nga may audience na nawala dahil nawala rin ang pinanonood nilang shows, at iyon namang nalipatan nilang ZOE TV ay hindi kasing lakas ng signal, kaya hindi abot ang dating naaabot ng ABS-CBN.
Pero kasabay niyan, may lumabas namang isang study na nagsasabing nananatili ang viewership ng telebisyon lalo na sa news, at lumawak din ang naabot ng lehitimong print media. Sa study, bumaba talaga ang audience ng ABS-CBN dahil off the air nga sila.
Siguro ang isa pang dahilan ay dumami ang alternative, kagaya ng cable channels at mga nanonood sa digital channels sa pamamagitan ng TV box, na hindi naman kasali sa survey.
Ang mga TV box, na inilabas ng dalawang malaking network, at lalo na ang mas marami pang nabibili sa electronic shops na mas mura ang presyo, iyong ginagamit namin ngayon ay limandaang piso lang at nabili namin sa Raon sa Quiapo, nakukuha rin ang lahat ng digital channels.
BL star, tumanggi sa alok na susi ng kotse
“Walang maaabuso kung hindi ka papayag,” sabi naman ng isa pang BL (boys’ love) star na nakausap namin.
Inaamin niyang totoo, marami ang nagtatangka, at dahil gumagawa nga sila ng BL, ang akala ay mas madali silang kausapin na makipagrelasyon sa bakla, ginagawa nila sa mga serye eh. “Pero basta huwag mong patulan hindi naman sila makakapagpilit,” sabi pa ng BL star.
“Minsan kasi nakakatukso, kagaya sa akin, may lumapit na isang businessman, nang magkakilala kami may iniaabot siya sa aking susi ng kotse, na nasa basement parking diumano, basta sumama lang muna ako sa kanya. Kung kinagat ko iyon, kasalanan ko na. Hindi rin naman ako pinilit eh,” sabi niya.