^

PSN Showbiz

Cong. Vilma, planado na ang pagretiro sa pulitika, ayaw talaga sa mataas na posisyon

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
Cong. Vilma, planado na ang pagretiro sa pulitika, ayaw talaga sa mataas na posisyon
Cong. Vilma

Hindi na kami nagulat nang biglang lumabas ang pangalan ni Congresswoman Vilma Santos sa isang listahan ng mga gusto nilang ikandidato bilang Presidente o Bise Presidente ng bansa.

Hindi rin naman kami nagulat na mabilis na sinabi ni Congresswoman Vi na ang priority pa rin naman niya ay ang Batangas at ang kanyang legislative duties.

Marami pa siyang proyektong sinasabi niyang hindi natapos dahil inabot nga sila ng pagputok ng Taal, tapos nasundan pa ng problema sa COVID, at may isang term pa naman siya bilang congresswoman.

Matagal nang usapan iyan at ilang beses na nga naming naisulat iyan na hindi interesado si Ate Vi sa isang pambansang executive position.

Ngayon sasabihin na namin ang totoo, anim na taon na ang nakararaan, tatlong kandidato noon para Presidente ang lumapit na kay Ate Vi, pinuntahan siya sa Batangas, dahil noon ay gobernadora pa siya, at pinakikiusapan siyang maging “running mate” nila. Isa lang doon sa mga nag-alok ang umamin sa publiko, si Mar Roxas. Ang dalawang iba pa ay tumahimik na lang nang sabihin ni Ate Vi na hindi siya interesado.

Maliwanag naman ang katuwiran ni Ate Vi noon pa man, “Isipin mo, halimbawa maging vice president ako tapos may disaster at hindi makapunta ang presidente di ako ang pupunta roon. Papaano na ang mga tao sa Batangas kung affected din naman sila, at kung alis ako nang alis, papaano na ang pamilya ko? Si Luis (Manzano) ok lang iyan. Si Ryan puwede na ring iwanan. Eh iyong bunso kong lalaki, iyon ang magrereklamo.

“Ako kasi kuntento na ako sa Batangas eh, dito ako nagsimula. Nagpakita sila ng tiwala sa akin noong panahong sinasabi ng mga nakalaban ko na wala akong kakayahan. Pinatunayan ko naman sa kanila kung ano ang magagawa ko, at saka sa totoo lang mahal ko ang Batangas, at mahal din naman nila ako. Parang napakahirap isipin na iiwanan ko ang mga Batangueño dahil tatakbo ako sa isang mas mataas na posisyon.

“Isa pa, may ibang plano pa rin naman ako sa buhay ko. Hindi ako pulitiko habang panahon. Hindi ko pa rin nakakalimutan na artista ako,” mahabang pahayag ni Ate Vi.

Ang nag-aambisyong patakbuhin siya, hindi mo rin naman masisisi. Napakaganda ng record ni Ate Vi bilang three time mayor ng Lipa, bilang three time governor ng Batangas at bilang congresswoman ng lone district ng Lipa sa loob ng dalawang termino na.

Nakapagrehistro si Ate Vi ng isang political record, hindi lamang dahil laging landslide ang panalo niya sa lahat ng eleksiyon na kanyang sinalihan, nakapagrehistro rin siya ng pinakamalaking lamang sa bilang ng boto sa kanyang kalaban.

Bukod doon, kinilala siya ng Civil Service Commission bilang pinakamahusay na “lingkod bayan” at dahil diyan ay binigyan siya ng isang presidential award.

Kung iisipin din ang popularidad hanggang ngayon ni Ate Vi bilang isang aktres, at ang maaari niyang makuhang mass support dahil sa kanyang image at magandang record, aba eh sino nga ba ang tatapat pa sa kanyang win ability?

Kaya talagang aambisyunin ng isang partido na makuha siya bilang kandidato, kaso nga hindi niya ambisyon iyon.

“Nagpapasalamat naman ako sa kanila dahil naroroon ang kanilang pagtitiwala sa akin, pero sinabi ko naman sa kanila na wala akong plano para sa 2022. Sa bahay, ni hindi pa namin napag-uusapan ang pulitika. Ang haba pa ng panahon, halos isang taon pa. At dito sa Lipa, ubos na ang oras ko dahil tumutulong kami sa pagbabakuna, tulong kami sa ibang kailangan, mabuti nga hindi pa nang-istorbo ulit ang Taal dahil iyon talaga ang kinatatakutan ko. Kung may pandemya nang ganito tapos magiging problema pa namin ang Taal, hindi ko na alam kung papaano nga ba ang gagawin namin. Sinasabi nila problema iyan ng mayor, pero hindi kami maaaring magpabaya hindi lang dahil kaibigan namin si Mayor Eric Africa, kundi mga kababayan naming mga Batangueño ang nangangailangan, papaano ko sasabihing problema na ni Mayor iyan,” sabi ni Ate Vi.

“Sa ngayon talaga wala akong ambisyon sa mas mataas na posisyon. Parang ang gusto ko na lang ngayon kumpletuhin ang term ko sa Congress para matapos ko ang lahat ng mga proyekto ko, and after three more years magre-retire na ako at mag-aartista naman. Balak ko ring magdirek ng pelikula at mag-produce,” sabi pa ng aktres.

At hindi niya nakakalimutan na isa pa rin siyang aktres.

VILMA SANTOS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with