No special treatment? Pamilya ni Aga Muhlach inuna sa COVID-19 jabs dahil 'may comorbidities'

Litrato ng showbiz couple na sina Aga Muhlach, Charlene Gonzales at kambal nilang anak na sina Atasha at Andres, ika-1 ng Hunyo, 2021
City Government of Muntinlupa/Released

MANILA, Philippines — Inilinaw ng Muntinlupa local government unit (LGU) na pare-parehong may problema sa kalusugan ang halos buong pamilya ng aktor na si Aga Muhlach matapos makwestyon ang sabay-sabay na pagpa-prayoridad sa kanila sa COVID-19 vaccinations ng lungsod.

Sa ulat ng The STAR, Huwebes, sinabi ni Muntinlupa PIO chief Tez Navarro na kasama sa A3 priority group sina Aga, misis na si Charlene Gonzalez at kambal nilang sina Atasha at Andres.

 

 

 

Ika-1 ng Hunyo nang ipaskil ng Muntinlupa LGU ang pagsasailalim ng pamilya Muhlach sa COVID-19 vaccination sa Festival Mall Underground Parking, matapos aniya nilang sumailalim sa step-by-step line at registration.

Sa kabila nito, duda ang ilang netizens at sinabing pinapaboran ang pamilya lalo na't "wala" raw ibang kasamang nakapila ang mga nabanggit.

 

 

Kaugnay nito, ipinasisilip na raw ni Interior Secretary Eduardo Año kung nagkaroon ng mga paglabag sa vaccination protocols na itinakda ng pamahalaan.

"I’ll look into this. We haven’t received details except what is in the news," ani Año sa isang Viber message.

"Rolling out na din tayo sa A4 so we'll check on that."

Sa ngayon, pinaprayoridad ang COVID-19 immunization ng healthcare workers (A1), senior citzens (A2) at may mga commorbidities o karamdamang magpapalala sa COVID-19 (A3).

Sa 8,279,050 COVID-19 vaccine doses na dumating sa Pilipinas, nasa 5,382,172 na ang naituturok, batay sa mga datos ng gobyerno noong ika-2 ng Hunyo, 2021.

Umabot na sa 1.24 milyong katao sa bansa ang tinatamaan ng COVID-19 ngayong araw. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 21,357. — James Relativo at may mga ulat mula kina The STAR/Ghio Ong at ONE News

Show comments