Fr. Tito Caluag, naglabas ng prayer guide book

Fr. Tito
STAR/ File

Inilunsad na ni Father Tito Caluag ang pinakabago niyang libro na Only Your Grace, na layuning tulungan ang mga tao na magkaroon ng mas personal na relasyon sa Diyos sa tulong ng mga dasal at reflection.

“Marami sa mga proseso sa libro ay nangga­ling sa basic formation program na ginagawa namin para sa mga teacher. Maraming nagsasabi bakit hindi ko raw gawing libro para mas maraming tao ang makagamit nung proseso, ganun siya nagsimula,” kuwento ni Father Tito.

Kumuha ng inspirasyon sa The Spiritual Exer­cises (SPEX) ni St. Ignatius of Loyola ang libro na una sa three-set vo­lume na gagawin ni Father Tito tampok ang prayer at reflection exercises.

Ang nakapaloob na prayer, reflection, at journaling activities sa libro sa loob ng 26 linggo ay gagabay sa mga Kristiyano na hanapin ang sarili nilang ‘style’ sa pagdarasal.

Mayroong limang chapter ang bagong handog ng ABS-CBN Books—isang chapter para sa paghahanda sa prayer journey, sa pag-alala sa iyong mga pangarap, sa self-awareness, pagkatuto sa kasalanan, pagpapatawad, at kalayaan, at huling chapter para sa pagkilala, pagsunod, at pagmamahal sa Diyos.

“Tingin ko lahat ng dasal dapat matulungan tayong malaman kung ano ang gusto ng Diyos na gawin natin, kung ano ang misyon natin. ‘Yan ang isa sa main goal, kung hindi man main goal ng libro—ang makatulong na malaman ang misyon mo. Pangalawa, sana makatulong din ang libro na ma-recover mo ng istorya mo, ang personal narrative mo. Para sa akin, malalaman natin ang misyon natin kung alam natin ang istorya natin,” dagdag pa ni Father Tito.

Opisyal nang inilunsad ang libro noong Linggo (May 30) tampok ang inspiring conversations ng author kasama sina Piolo Pascual, Chris Tiu, at Dingdong Dantes.

Bago ang Only Your Grace, inilabas din niya ang prayer/devotional book niyang Give Thanks and Praise, na nakatanggap ng special citation sa Best Special Feature category ng 42nd Catholic Mass Media Awards.

Puwede pa ring mabili ang libro sa Lazada at Shopee sa halagang P225, habang ang e-book version nito ay mabibili sa Amazon, Kobo, Scribd, Barnes & Noble, at Smashwords.

Si Father Tito ay isang spiritual adviser at chaplain ng ABS-CBN na pinangungunahan ang Kapamilya Daily Mass at Kapamilya Sunday Mass, pati na ang lingguhang usapan na Kapamilya Journeys of Hope.

Ken at Rita, ibang klaseng magpakilig

Hindi na makapaghintay ang fans ng Kapuso loveteam na sina Ken Chan at Rita Da­niela na mapanood ang GMA Afternoon Prime series na Ang Dalawang Ikaw.

Nitong May 24 ay nagsimula na ang huling cycle ng lock-in taping ng naturang GMA series sa Bataan at umapaw ang kilig ng kanilang fans sa inilabas na behind-the-scene photos ng RitKen mula sa taping na magkayakap.

Samantala, itinuturing ni Ken na challenging ang kanyang karakter sa serye dahil gagampanan niya ang role ng lalaking may dissociative identity disorder (DID) – isang mental illness kung saan nagkakaroon ng multiple personalities ang isang tao, dahilan para magkaroon siya ng dalawang katauhan – sina Nelson at Tyler.  Si Rita naman ay gaganap bilang si Mia, ang asawa ni Nelson.

Mula sa direksyon ni Jorron Monroy, abangan ang pagganap nina Ken at Rita sa Ang Dalawang Ikaw, soon sa GMA Network.

Show comments