^

PSN Showbiz

Ate Vi, may naisip na ­solusyon sa pagbangon ng pelikula

ISYU AT BANAT! - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
Ate Vi, may naisip na ­solusyon sa pagbangon ng pelikula
Cong. Vilma
STAR/ File

Matagal nang artista si Congresswoman Vilma Santos. Kung iisipin na nagsimula siya noong 1963 bilang si Trudis Liit, bale 58 years na siyang artista sa ngayon.

Pero minsan man sa loob ng panahong iyon, hindi narinig na nagkaroon siya ng ambisyong gumawa ng isang Hollywood movie.

Bakit nga ba?

“Iba kasi ang panahon namin noon. Inambisyon ko rin iyan, lahat naman siguro ng mga artista maging sa ibang bansa nag-ambisyong makatuntong at makagawa ng pelikula sa Hollywood. Ang taas kasi ng tingin sa mga Hollywood movies noong araw. Dito nga sa atin may mga sinehan noon na ayaw maglabas ng Tagalog movies eh. At saka noon parang malayo ang tingin natin na makapasok sa foreign market, although may mga Pinoy na nakapasok sa foreign theater circuits ha,” umpisa nang kanyang mahabang kuwento.

“Si Manuel Conde bago pa ako naging artista may pelikula na siyang Genghis Khan at saka Sons of the Seven Devils na ipinalabas sa abroad, pero noong mangyari iyon, hindi na sa kanya ang pelikula dahil ibinenta niya iyon sa Hollywood, kay Howard Hughes. Dito sa Pilipinas, ang daming ‘off Hollywood films’ na ginagawa sina Eddie Romero at Cirio Santiago at iba pang director na inilabas sa mga sinehan sa US at iba pang bansa at hanggang ngayon napapanood pa sa mga cable channels.”

Dagdag niya pa - “Pero iyong artista mismo kagaya ko na gagawa ng pelikula roon, ambisyon lang namin kasi hindi nga possible. Iba sa US eh, may mga audition. Talagang kahit na artista ka  pa, kahit sikat ka dadaan ka sa auditions. Bukod doon, kailangan resident ka sa US, kasi bago ka makapagtrabaho roon dapat member ka ng kanilang union at hindi mangyayari kung hindi ka resident at wala kang management agency roon,” pagbabalik-tanaw niya.

“Mabuti sana kung ang acting, hobby mo lang  pero sa kaso ko hanapbuhay iyon eh. Career iyon at dito lang sa atin sunud-sunod ang trabaho na hindi makakaalis nang matagal. Wala kang pagkakataong maaaring sayangin para mangarap lang na gumawa ng pelikula sa Hollywood noong araw, at saka aminin natin. Noon malakas pa ang racial discrimination, at ang tingin nila sa atin “colored”.

“Medyo nag-iba lang naman ang tingin nila sa mga artistang Pilipino since Lea Salonga, pero noong una ayaw pa rin siyang payagan ng union. Mabuti major producer sa London at Broadway ang producer niya kaya hindi na naka-angal iyong union. Pero kung artista ka lang, aywan kung papaano ka lulusot doon,” pagbibigay niya pa ng credit kay Lea.

Pagpapatuloy niya pa : “Ako naman ever since, hindi pumasok sa isip ko ang maging international actress. Ang talagang pangarap ko makapasok ang pelikulang Pilipino roon. Ngayon naman, simula nang magkaroon ng video, napasok na natin ang market at hindi lang mga Pinoy ang bumibili ng pelikula natin, kasi may subtitles na ang video, iyong iba nga dubbed pa. Nagulat ako noong isang biyahe namin sa US, may isang pamilyang Kano na lumapit sa akin, ang sabi alam nila na artista ako sa Pilipinas at napapanood nila ang aking mga pelikula. Naiintindihan nila dahil may subtitles nga, tapos nakipag-picture taking pa sila. Natuwa ako hindi dahil may  fans pala akong kano, kundi dahil nakakapasok ang mga pelikulang Pilipino doon at nagugustuhan nila. Ang dapat lang sigurong gawin mas matindi pang marketing strategy. Kung ako ang tatanungin, iyon ang dapat na ambisyon natin,” na-e-excite niya pang kuwento.

“Kung buong pelikula natin ang makakapasok doon, ibig sabihin mas lalaki ang ating market, mas magiging malaki ang kita, meaning makagagawa tayo ng mga pelikulang mas malaki ang budget at mas maganda na mas competitive din sa international market.

“Nakakatulong din iyang pagsali sa festivals. Napapasin tayo dahil diyan simula pa noong panahon ni Lino Brocka, pero parang hindi mas­yadong magandang paraan para mai-market ang ating mga pelikula. Kasi ang dami mong kasabay na nagbebenta rin ng pelikula, mas sanay na sila kaysa sa atin dahil matagal na nilang ginagawa iyon.

“Pero tingnan ninyo ang Korea, nakakuha sila ng buyers ng pelikula nila. Palagay ko lang, iyong example nila ang dapat nating gayahin. Iyan  ang thoughts ko lang naman tungkol sa pelikula, baka naman may iba pang mas magandang idea, hindi ko alam. I would like to believe we have competent industry leaders naman na patuloy na nag-aaral kung papaano maibabangon ang industriya pagkatapos ng pandemya,” ang mahabang pahayag pa ni Ate Vi tungkol sa kapalaran ng ating mga pelikula sa international market.

Pagkatapos ng kuwento ni Ate Vi, naisip nga namin na siguro maganda ngang pag-aralan at subukan ang kanyang mga idea. Mukhang iyon nga ang mag-aahon sa industrya na inilugmok ng pandemya at ng mahigit na isang taon nang lockdown sa ating bansa.

VILMA SANTOS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with