Aktor na bidang-bida sa mga ginawang pelikula, kontrabida sa buhay ng mga nakarelasyon

Kung paniniwalaan natin ang mga kuwento ng mga dating karelasyon ng isang pamosong male personality ay hindi na tayo magtataka kung bakit wala siyang nagtatagal na kasama sa buhay.

Parang kuwentong-pelikula lang kasi ‘yun, parang hindi naman nangyayari sa totoong buhay, pero lahat ng naging ex ng lalaking personalidad ay sumusumpang iba siya sa iba.

Kuwento ng aming source, “Kundi mo kilala ang mga nagkukuwento tungkol sa male personality, e, hindi ka talaga maniniwala sa mga naririnig mo. Pero pare-pareho naman ang mga kuwento nila, iisa lang, kaya maniniwala ka na rin!

“Bumibida siya palagi sa mga pelikulang ginagawa niya, pero sa totoong buhay naman pala, e, siya ang kontrabida! Nakakalokah!” unang hirit ng aming impormante.

Napakamainitin kuno ng ulo ng male personality, isang napakaliit na bagay lang kapag nabulilyaso, siguradong magtutulak na sa kanya para magwarla.

Patuloy ng aming source, “Ulam lang, ulam lang ‘yung pinagtatalunan nila ng karelasyon niya, sapat nang magwala ang male personality. Puwede naman siyang magpaluto ng iba kung ayaw niya, di ba?

“Pero hindi niya gagawin ‘yun, talagang makikipag-away siya, kailangang may diskusyon, kailangang may debate pa, para lang magtigil siya!

“Napakasimpleng bagay, pero pinalalaki niya, napakainit talaga ng ulo niya, kaya windang na windang ang karelasyon niya!” dagdag na kuwento ng aming source.

Natural lang namang gustong makapagpahinga ng aktor, kailangang maging tahimik ang paligid habang natutulog siya, pero may mga pagkakataong kailangan siyang gisingin kapag napakahalaga ng dahilan.

Kuwento uli ng aming impormante, “Naku, giyera mundial ang ganu’n para sa male personality! Tataas agad ang blood pressure niya, magwawala siya, samantalang importante naman para sa kanya ang reason ng panggigising sa kanya!

“Kaya hindi natin masisisi ang mga nakakasama niya sa buhay, lalo na ang girl na napakatagal na nagtiis sa ugali niya, escape na ang ginawa ng female personality, di ba naman?

“Nasaan na nga pala ang male personality ngayon? Ano kaya ang pinagkakaabalahan niya, e, wala naman siyang kahit anong trabaho?

“Hindi uso ang action movies ngayon, kaya bakanteng-bakante ang male personality, umuwi na kaya siya sa kanilang probinsiyang dinadayo ng mga turista?” pagbibigay pa ng clue ng aming source sa kanyang pagtatapos.

Ubos!

FPJ at mga dating artistang pumanaw na, buhay na buhay pa rin sa alaala

Paminsan-minsan, kapag hindi inaagaw ng Netflix ang aming panahon kapag Linggo nang hapon, ay nasisilip namin ang mga makasaysayang pelikula ng pumanaw na Action King na si Fernando Poe, Jr. na ipinalalabas sa TV5.

Kinikilabutan kami  habang nanonood dahil halos ang buong cast ng kanyang mga pelikula ay pumanaw na. Ilan na lang ang nakikita naming buhay pa.

Magkakasama na sila sa kabilang buhay ngayon, siguro nga ay gumagawa pa rin sila ng action movies du’n, dahil pati ang mga direktor ni FPJ ay nagsipanaw na rin.

Sa isang eksena ay lima silang magkakasama, patay na silang lahat, sina FPJ, Ka Dencio Padilla, Paquito Diaz, Max Alvarado at Ka Berting Labra.

Pero ‘yun ang patotoo  na nawala man sila ay buhay na buhay pa rin sila sa ating kamalayan dahil sa mga pelikulang iniwanan nila para sa atin.

Walang kamatayan ang mga proyekto ni FPJ, kahit paulit-ulit nang ipinalalabas ay pinanonood pa rin ng kanyang mga tagahanga, nag-iisa lang talaga si Da King.

Walang puwedeng pumlakado sa Hari Ng Aksiyon, siya lang talaga ang nag-iisang Action King, matagal na niya tayong iniwan pero buhay na buhay pa rin siya sa ating alaala.

‘Kuwento ng nakaraan, napakasarap balik-balikan’

Isang kaklase naming nu’ng kolehiyo sa Lyceum of The Philippines ang nagkaroon ng pagkakataong umuwi pagkatapos nang maraming taon niyang pamamalagi sa London.

Pagsakay niya sa kotseng sumundo sa kanya ay tumawag agad si Leilani sa isang kaklase namin na madalas niyang kakomunikasyon habang nasa ibang bansa siya.

Ang kanyang sabi, “Parang boses ni Cristinelli ang nasa radyo, kukunin ko ang number niya sa iyo, please!”

Pagkatapos ng Cristy Ferminute ay kausap na namin si Leilani, ang dami-dami naming napagkuwentuhan, ipinaalala niya sa amin ang “banana paradise” kung tawagin namin.

Du’n kami kumakain ng tanghalian, menudo ang paborito naming ulam na mas maraming sabaw kesa sa laman, kapag marami pa kaming kanin ay naglalambing kami kay Manang Virgie nang konti pang sabaw.

Kuwento ni Leilani, “Kapag nagluluto ako ng menudo sa London, naaalala kita, naaalala ko na kung wala pa ang allowance natin, banana cue lang ang lunch natin.

“I miss the good old days, Cristinelli, magkita-kita sana tayo bago ako bumalik, anyway, three months naman ako dito. Miss ko na kayong lahat,” sabik na sabi ni Leilani.

Si Leilani. Matalino na ay maganda pang babae. Foreign Service ang tinapos niyang kurso at pinalad siyang makapagtrabaho sa isang malaking kumpanya sa London.

Haaaay, ang mga kuwento ng nakaraan, napakasarap balik-balikan.

Show comments