MANILA, Philippines — Ngayong Sabado (May 15), tunghayan ang nakakaantig na kuwento ng pakikipagsapalaran ni Dodoy, ang Tubig Queen ng Cebu City, na gagampanan ni Kapuso comedian Romeo “Tekla” Librada sa Magpakailanman.
Mulat man sa kahirapan, likas na masiyahin at puno ng pag-asa si Dodoy na kilala hindi lang sa buong lungsod kundi pati na rin sa social media bilang ang nag-iisang Tubig Queen ng Cebu.
Nais makapagtapos ni Dodoy kaya’t masigasig siyang tumulong sa ina at ama sa paglalako ng tubig kahit sa murang edad. Dumanas siya ng pangungutya sa mga kamag-aral pero hindi siya nahiya dahil alam niyang walang makakatulong sa kanya kung hindi ang sarili.
Hindi naglaon ay sumikat si Dodoy sa mga parokyano dahil hinahaluan niya ng mga gimik katulad ng pagsusuot ng makukulay na costume ang kanyang pagtitinda.
Dahil sa kanyang pagsusumikap, nakapagtapos si Dodoy sa kolehiyo at pinarangalan din siya bilang isa sa mga outstanding youth ng kanilang lungsod.
Kilalanin ang kuwento ng isang batang hindi itinuring na hadlang ang kahirapan para makamit ang kanyang pangarap sa episode na pinamagatang Reyna ng Tubig: The Jay Kummer “Dodoy” Teberio Story, ngayong Sabado, 8 p.m., sa Magpakailanman.
Angel, ipapakita kung paano gumawa ng eco-friendly uling
Matuto at ma-inspire ngayong Linggo (Mayo 16) sa pagkilala ni Angel Locsin at ng Iba ‘Yan sa marangal na layunin ng isang grupo ng mga taong may kapansanan—ang paggawa ng eco-friendly uling sa pamamagitan ng charcoal briquetting.
Kilalanin ang adbokasiya ng Tree’s A Life, isang grupo ng persons with disabilities na patuloy na tinataguyod ang paggawa ng uling mula sa water lilies at iba pang environment-friendly materials.
Isa na rito si Ofemio Rangel, na nahanap ang bokasyon sa buhay nang matutunan ang charcoal briquetting matapos maputulan ng paa sa isang aksidente.
Kapag wala naman siyang order sa eco-uling, gumagawa si Ofemio ng basahang bilog pandagdag kita para sa kanyang pamilya.
Isa rin sa matutunghayan na kuwento ngayong weekend ay ang kay Danilo Aquino, isa sa mga pioneer ng samahan. Kahit nabuwag ang nauna nitong sinasalihang grupo, naisipan ni Danilo na ipagpatuloy ang nasimulang adbokasiya ng paggawa ng eco-uling.
Sa ngayon, nagtratrabaho siya sa Person with Disability Affairs Office ng Taguig ngunit sumasama pa rin siya sa paggawa ng eco-uling.
Makikilala rin ng viewers si Relyn Nieva, na na-diagnose ng Stage 2A Breast Cancer noong 2013. Gumaling ito noong 2015 ngunit bumalik din ang sakit noong 2016 at umabot pa sa Stage Four.
Dahil sa suporta ng kanyang pamilya at kaibigan, hindi naman siya pinanghinaan ng loob. Sa kasalukuyan ay unti-unti nang nawawala ang cancer cells sa kanyang katawan at naging Stage 2 muli.