Kaya todo paliwanag, Derek takot matulad kay Gerald

Derek at Ellen
STAR/ File

Bakit nga ba panay  ang paliwanag na ginagawa ni Derek Ramsey tungkol sa naging break-up nila  ni Andrea Torres?

Nagkaroon sila ng malakas na attraction sa isa’t isa noong magkasama sila sa isang serye, nagkasundong mag-live in, tapos may lumabas na mga bagay na hindi nila napagkasunduan. Nag-split sila.

Hindi nagtagal nakasama naman niya si Ellen Adarna, nagkagustuhan din sila. Nagli-live in ­ngayon. Eh ano pa nga ba ang kailangang ipaliwanag doon?

Sa tagal naman ng panahon, hindi lang minsan o makalawang ulit ang ganyang ­experience ni Derek.

Ang tingin kasi namin sa kanya, napakadali niyang ma-in love, at hindi na binibigyan ng panahon para mapag-isipang mabuti iyon. Mabilis kasi, kaya hindi rin sila nagkakaroon ng pagkakataong makilala ang isa’t isa.

Eh iyang personality naman ni Derek, napakalakas kaya payag din agad ang mga babae.

Kung sabagay, alam naman nilang walang katiyakan iyan, dahil wala naman silang kasal. Kailan lang naman naayos ang problema ni Derek sa nauna niyang pinakasalan na si Mary Christine Jolly, at sa hirap na dinaanan niya at katakut-takot na kaso bago nila naabot ang kasunduan sa annulment, hindi na basta-basta magpapakasal iyang si Derek.

Ano man ang sabihin ng mga kritiko tungkol kay Derek, palagay naming sanay na nga ang mga tao sa kanya at hindi na magiging issue iyon.

Ikalawa, hindi naman siya matinee idol na kailangang laging wholesome ang dating ng kanyang image. Iyon namang mga ginagawa niyang project  ay puro pang-matured audience dahil matured na rin naman siya.

Natatakot ba si Derek na magaya siya kay ­Gerald Anderson kaya panay ang paliwanag niya?

Nasanay na ang mga tao sa mga artista, kaya naging bukambibig na ng mga tao na “showbiz na showbiz” ang sagot. Ibig sabihin parang katuwirang artista lang na hindi naman dapat seryosohin.

Ang tinitingnan ng mga tao ay kung ano ang nangyayari at nasanay na sila na gumawa ng sarili nilang conclusion.

Hindi rin naman ganun kalaki ang tiwala nila sa social media, dahil alam din naman nila na ang karaniwang gumagawa ng mga post ay hindi rin naman iyong mga artista mismo, kundi ang kanilang “account administrators”.

Dating sikat na aktres, hindi nasulot si Jodi

Bagama’t noong una pa raw ay sinasabi nang si Jodi Sta.Maria ang gaganap sa lead role sa local adaptation ng isang British drama na sumikat din ang Korean version, ­kasabihan na nga sa showbusiness na hanggang hindi ka nagsisimula sa trabaho, hindi mo masasabing tuloy na iyon. Tingnan nga ninyo si Angel Locsin, gayak na gayak na at may nakunan nang ilang eksena para sa pelikulang Darna, hindi pa rin natuloy.

Iyan ngang role ni Jodi, sinasabing interesado rin ang isang female star, na nagsabi rin daw na hindi problema ang kanyang talent fee basta ibigay sa kanya ang role. Ibig sabihin papayag siya kahit ang ibigay sa kanyang talent fee ay mas mababa kaysa sa talent fee ni Jodi.

Mabuti na nga lang at ang naisip ng mga production executive na mas maganda ang fighting chance ng series kung si Jodi ang bida, kaysa sa isang dating sikat na artista pero bumaba na ang popularidad.

Male star mas piniling magtinda ng longganisa at bigas kesa magbenta ng laman

Aminado ang isang male star, noong magsimula ang lockdown para siyang nawalan ng pag-asa. Papataas na raw kasi ang kanyang career noon. Makakasama na siya sa isang mainstream movie, matapos gumawa ng dalawang indie. Pakiramdam niya napapansin na siya, eh bigla ngang lockdown kaya pati ang project na sisimulan na sana niya, nawala pa.

Walong buwan daw siyang hindi lumalabas ng bahay, dahil dismayado siya sa mga nangyari, pero naisip niya, hindi puwedeng tumigil ang buhay.

Alam niya maraming male stars ang “nag-sideline”, easy money nga kasi iyon pero hindi niya pinatulan.

Nag-buy and sell daw siya. Bumibiyahe siya ng bigas, tocino, longganisa at kahit na ano, para kumita siya kahit na kaunti. Pagod siya at maliit lang ang kita, pero disente nga naman kaysa doon sa nag-sideline at kumita ng easy money.

Natuwa kami sa kuwento niya, napabili tuloy kami ng bigas at longganisa.

Show comments