Ricky Lo pumanaw sa edad na 75
MANILA, Philippines — Binawian na ng buhay ang isa sa mga haligi ng entertainment news sa Pilipinas matapos magsilbi sa industriya sa loob ng mahigit limang dekada.
Ika-4 ng Mayo, gabi, nang tuluyang mamaalam si Ricky Lo na siyang Associate Editor at Entertainment Editor ng The Philippine Star ng 35 taon. Siya'y 75-anyos.
Hindi naman nagbigay ng detalye ang kanyang kapatid na si Susan Lee pagdating sa kinasapitan ni Ricky bilang pagrespeto na rin sa kanilang pagluluksa.
"Mapagbigay at mabait" kung ituring siya ng mga kasamahan sa industriya na kanyang iniwan.
Ngayong Abril lang nang ibahagi niyang nabakunahan pa siya laban sa coronavirus disease (COVID-19) bilang isang priority na senior citizen.
Kilala rin sa tawag na Ricardo Lo, ipinanganak siya sa pamilyang Tsinoy sa Las Navas, Northern Samar noong ika-21 ng Abril, 1946. Nagtapos siya ng Univerisity of the East sa kursong Barchelor of Arts in English.
Bago magtrabaho sa The STAR, naging staff writer muna siya sa Philippine Daily Express, hanggang sa maging deskman sa The Evening Express. Nauwi naman siya sa pagiging editorial assistant para sa Weekend hanggang 1986.
Nagpalipat-lipat din siya bilang entertainment editor ng The Manila Times at The Manila Chronicle hanggang sa mauwi sa The STAR. Nakilala siya sa kanyang mga kolum na "FunFare" at "Conversations with Ricky Lo" sa huli.
Dati na rin siyang naging isa sa mga hosts ng palatuntunang "The Buzz" sa ABS-CBN noong 1999 hanggang lumipat sa "Startalk" ng karibal na GMA mula 2008 hanggang 2015. Nagkaroon din siya ng sariling programang pinamagatang "The Ricky Lo Exclusives" at "Showbiz Stripped" sa dating QTV 11. — James Relativo at may mga ulat mula kay Jan Milo Severo
- Latest