Ate Vi nanonood din ng K-drama, handang magdirek ng pelikula pagkatapos ng pandemya!
Marami ang nagsasabi, lugmok na ang industriya ng pelikulang Pilipino. Ang mga pangakong tutulungan ang industriya, ang mga sinasabing film festivals sa abroad na makakatulong para mapalawak ang market ng ating mga pelikula, hindi naman nangyaring lahat sa kabila ng napakalaking gastos. Nagkaroon sila ng katuwiran sa pagpalpak ng kanilang mga plano, kasi mayroon ngang pandemya.
Ang mga ginagawang pelikula ngayon ay kailangang mapababa nang husto ang production budget dahil ipinapalabas lang ito sa kasalukuyan sa internet. Kaya ang gumagawa na lang ng pelikula ay mga baguhang director, o iyong payag sa bagsak presyo ng talent fee. Ang mga artista puro rin baguhan para hindi malaki ang bayad.
Marami ang nagsasabing dahil nga sa pagkakasara ng mga sinehan nang mahigit isang taon na, at maaaring magtagal pa, tiyak na may problema na rin ang kanilang equipment.
Maaaring hindi na rin sila magbukas. Bukod doon, natatambakan na nga tayo ng Korean movies at series, na siyang kinukuha ng networks dahil mura lang ang rights, wala ang maraming requirement sa production, at ang babayaran na lang nila ay dubbers.
Pero may naniniwalang hindi hopeless ang industriya, gaya nga ni Congresswoman Vilma Santos. “Alam mo matapos lang itong pandemic, magbubukas ang mga negosyo kabilang na ang industriya ng pelikula at entertainment. Ako lang eh, kung talagang safe na, gagawa ako ng pelikula. Isa iyan sa una kong gagawin matapos itong pandemic na ito para makatulong sa industriya.
“Puwede akong artista, puwede rin akong magdirek. Kahit na ako pa rin ang producer gagawin ko para matulungan ang industriya na pinagmulan ko at bumuhay sa aking pamilya nang mahabang panahon din,” pahayag ng Star For All Seasons.
“Iyong buong pamilya namin natulungan ng industriya. Naging artista rin ang kapatid kong si Winnie. Nasa entertainment din ang anak kong si Luis. Iyong mga kapatid ko, nagkaroon din ng negosyo na related in a way sa showbiz, kaya may utang na loob kami sa industriya. Kung dumating ang panahon na makakatulong ako gagawin ko iyan, alang-alang na rin ang napakarami kong kaibigan sa showbiz.
“Iyan namang mga Koreanovela, maski ako nanonood. Maganda naman eh. Pero kung babalik na ang Pinoy, kaya natin iyan. Noong araw nga hindi ba puro American movies ang kumikita, pero nang malaunan nalabanan natin iyon at lumabas pang mas kumita ang mga pelikulang Pilipino. Inabot ko iyon. Ang mga pelikula namin inilalabas lang sa ilang sinehan na maliit pa. Iyong malalaking sinehan, hawak lahat ng foreign films. Pero tinalo sila ng Pinoy. Naniniwala ako ganoon din ang mangyayari matapos lang ang pandemic,” pagtatapos ng pahayag ni Ate Vi.
Sana nga po. Alice, bantay-sarado sa hotel
Nakabalik na sa bansa si Si Alice Dixson, kasama ang kanyang anak na tinawag lamang niyang Baby A. Nagsimula sa eroplano nang lumapag iyon sa Pilipinas, hanggang sa loob ng hotel kung saan muna sila iku-quarantine, kinunan ng video ni Alice. Iyong hotel kung saan sila iku-quarantine, natatawa nga si Alice dahil may bantay pa raw pala para masigurong hindi sila aalis o lalabas, pero napakaganda naman ng hotel na iyon, at isang kumpletong suite iyon na may nakita pa kaming baby crib para sa kanyang anak.
Jobless actor, sustentado ng doktor
Matagal nang walang project ang isang male star. Simula yata noong magkaroon ng pandemic hindi na siya napanood saan man. Maski noon naman kasi, pogi man siya at marunong umarte, hindi siya talagang sumikat. Pero noong isang araw biglang nagulat ang fans nang may lumabas siyang isang sexy photo na kuha sa isang beach.
Mukhang mas pogi pa siya ngayon at mas maporma ng katawan. Kasi sabi ng isa naming source, suportado naman siya ni “doc,” at hindi umaangal ang misis niya dahil pati iyon ay kinaibigan din naman ni doc, meaning “nakikinabang din.”
Handa raw subukin ni male star na makakuha ulit ng roles, pero kung hindi man, hindi niya problema iyon dahil nariyan naman si “doc,” na kaibigan niya noon pa mang bago siya nag-artista.
- Latest