^

PSN Showbiz

Mahusay na aktor na adik sa mga gadget, walang madukot ngayon

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Nakaisang taon nang mahigit ang pandemya. Mahirap ang takbo ng buhay. Mara­ming kababayan natin ang nawalan ng trabaho na hindi malaman kung hanggang kailan nila makakayanang mabuhay sa gipit na gipit na sitwasyon.

Madamot ang proyekto sa mga artista, suwertihan ang laban nila ngayon, para silang mga asong nag-aagawan sa iilang buto na ihinahain ng mga produksiyon.

Hindi problemado ang mga personalidad na nabibiyayaan ng proyekto pero mas marami ang nganga ngayon dahil sa tumal ng kanilang trabaho.

‘Yun mismo ang pinakapinoproblema ngayon ng isang kilalang male personality na hindi inaasahang darating ang pandemya. Inuna niya muna kasi nu’n ang kanyang granatsa, hindi siya nakapag-ipon, marami pa namang umaasa sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Napaka-happy go lucky kasi ng lalaking ‘yun. Parang wala lang, parang hindi niya pinoproblema ang kanyang future. Kung ano ang maisipan niyang bilhin, gastos lang siya nang gastos!

“Sa isip niya, e, magaling naman siyang artista, palagi siyang may trabaho, kaya sige lang siya nang sige. Hindi niya sukat akalain na darating pala ang ganitong kahirap na sitwasyon,” unang kuwento ng aming impormante.

Napakarami niyang gadgets na hindi niya naman nagagamit at napapakinabangan nang sabay-sabay. Panalo ang pagpapabongga niya ng sasakyan. Kung anu-ano ang ipinalalagay niya, talagang gastos siya nang gastos!

“Wala naman pala siyang ipon, kapag hawak na niya ang talent fee niya, magbibigay lang siya ng sustento sa mga anak niyang sangkaterba, tapos, granatsa na agad ang punta ng pera niya!” komento uli ng aming source.

Pandemya ngayon. Matagal na siyang walang proyekto. Nagtitipid na ang network na inaasahan niya nu’n. Paano na ang mga bibig na sa kanya lang umaasa?

“Ayun, benta siya nang benta ng mga gadgets niya! Mga bago pa nga, dahil hindi pa naman niya nagagamit! Inaaway na siya ng mommy ng mga anak niya, wala siyang maibigay, dahil nganga nga ang career niya ngayon!

“Ngayon na lang niya naiisip na dapat pala,  nu’ng kaliwa’t kanan ang trabaho niya, e, natuto siyang mag-ipon. Hindi sana siya nagsayang ng datung, di may nadudukot sana siya ngayong taghirap?

“Magaling man siyang umarte, kapag ganyan namang kakaunti ang trabaho, e, talagang mahihirapan siya! Sa lahat ng desisyon niya, e, pinakamali ang hindi niya pag-iipon.

“Hindi siya panalo du’n! Hinding-hindi talaga!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

April Boy, Claire at Victor Wood, kinumpleto ang ‘tungkong-kalan’

May tinatawag na tungkong-kalan. Ihinahambing ‘yun sa kamatayan. Kapag may pumanaw sa isang larangan, ang isa ay masusundan pa nang dalawa, para makumpleto ang pinaniniwalaang tatluhan.

Sa mundo ng showbiz ay parang nagkakatotoo ang ganu’ng kaganapan. Kapag may namatay na isang aktor ay nasusundan ‘yun nang dalawa pa. Aktor din.

Sa larangan naman ng musika ay naging totoo rin ‘yun. Naunang pumanaw si April “Boy” Regino. Sumunod si Claire dela Fuente. Ang pinakahuli ay si Victor Wood.

Ewan kung nagkakataon lang ang ganu’n pero isang kaibigan namin ang nagpaalala, “Kumpleto na ang tungkong-kalan. Tatlong singers na ang namamatay,” sabi nito.

Nakakakilabot pero nangyayari. Maging ang singer na si Eva Eugenio ay naniniwala sa ganu’n. Buhay na buhay ang ganu’ng kapaniwalaan sa probinsiya. Sabi ng matatanda, “Hindi tayo makapagluluto kapag dalawang tungko lang meron ang kalan. Kailangang tatluhan.”

Batambata pa kami nang malaman namin ang tungkol du’n. Kapag may namatay na matanda, sasabihin agad ng aming lola, “Sino kaya ang dalawang susunod? Tungkong-kalan ang kamatayan.”

Dahil nasa lunsod tayo, ang ganu’ng kasabihan ay Iningles lang. “It comes in threes.” Palaging tatluhan. Suwerte at kamalasan ay sinasabing palaging tatluhan ang bilang.

Direk Arnel naisip nang pumanaw si Direk Toto

Nakikiramay kami sa pagpanaw ng magaling na direktor ng mga action movies na si Direk Toto Natividad. Maraming namamayagpag na action stars ngayon ang dumaan sa mapagpala niyang mga kamay.

Kahapon ay malungkot na tumawag ang isang dati naming kasamahan sa mga naging programa namin sa ABS-CBN. “Nanay, alam mo na ba ang balita?” tanong nito.

Natural, bigla kaming kinabahan, inaasahan na namin ang tumbok ng balita na isang kaibigan namin ang pumanaw. Pero nagkamali ang aming kausap.

“Nanay, wala na si Direk Arnel Natividad. Iniwan na tayo ng mahal mong direktor. Nakakalungkot. Ang tagal ng pinagsamahan n’yo sa Showbiz Lingo at Cristy Perminute. Alam na rin kaya ni Tito Butch (Francisco) ang balita?” tanong pa ng dati naming staff.

Buti na lang at Martes pa lang ay alam na namin ang pagpanaw ni Direk Toto Natividad, kaya kami ang nagkorek sa na-wow mali naming anak-anakan, buhay na buhay si Direk Arnel Natividad.

 

GADGET

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with